Wednesday, July 2, 2014

Si Plaridel at ang Katipunan





Sa mahabang panahon ay ipinakilala at itinuro sa atin ng mga libro ng kasaysayan si Gat Marcelo H.Del Pilar bilang isang dakilang propagandista at abogado.

Siya ay niyakap ng pamahlaang panglalawigan bilang panglalawigang bayani, at ng mga mamamahayag sa bansa bilang modelo ng isang matapang at makatotohanang pamamahayag.

Ngunit batay sa pananaliksik ni King Cortez, ang pagkakakilala nating ito kay Del Pilar na kilala sa kanyang pangalan sa panulat bilang Plaridel ay kapos at hindi sapat.


Ito ay dahil na rin sa pagkukulang ng pagtuturo sa atin ng mga libro ng kasaysayan at mga historyador na ang pangunahing responsibilidad ay ipabatid sa madla ang bunga ng kanilang pananaliksik upang ang kasalukuyang salinlahi ay makapuloy ng aral mula sa nagdaang panahon at buhay ng mga bayaning nagsakripisyo ng buhay para sa ating bayan.

Batay sa pananaliksik ni Cortez, hindi lamang isang propagandista si Plaridel.  Sa halip ay siya ang utak ng pagbuo at pagtatayo sa Kilusang Katipunan na karaniwang inuugnay kay Gat Andres Bonifacio na itinuturing na Supremo ng Katipunan.

Ito ay nangangahulugan na ang Kilusang Propaganda na naiugnay kina Plaridel, Dr. Jose Rizal, Mariano Ponce at Graciano Lopez-Jaena ay hindi hiwalay sa Kilusang Katipunan.

Sa halip,ang Kilusang Propaganda ay bahagi lamang ng mas malawak na Kilusang Katipunan na ang pangunahing layunin ay ang pagkakaroon ng reporma sa noo’y pamahalaang Kastila sa Pilipinas; at sa huli ay ang pagpapalaya ng Pilipinas mula sa tanikala ng pananakop ng Espanya.

Batay sa pananaliksik ni Cortez sa mga nalathalang salaysay ng mga kasapi ng katipunan, si Plaridel ang nagplano at nag-udyok sa mga kaibigan na magbuo at magtayo ng kilusang Katipunan sa bansa at sa ibayong dagat.

Si Plaridel din ang responsible sa pagbabalangkas at pagbuo ng Saligang Batas ng Katipunan na sa mahabang panahon ay nalihim sa  marami sa atin.

Ang pananaliksik ni Cortez ay simula pa lamang ng panibagong yugto sa kasaysayan ng bansa at buhay niPlaridel.

Ito ay marapat na suportahan ng  bawat Bulakenyo at mga pamahalaang lokal sa lalawigan, partikular na ang pamamahagi ng mga ililimbag na libro upang sa gayon ay higit na mapalawak ang pagkakaunawa ng maraming Pilipino sa naging kontribusyon ni Plaridel sa paglaya ng ating bansa.

Ito ay isa ring magandang pagkakataon para sa mga namumunong lingkod bayan na pangunahan ang pagsasagawa ng mga talakayan at kumperensiya hinggil sa pananaliksik ni Cortez upang sa gayon ang pagkukulang ng nakaraang panahon ay mapunan ng kasalukuyang salinlahing Bulakenyo. 

Monday, February 3, 2014

“100,000”





Batay sa resulta ng census na isinagawa noong 2010, ang populasyon ng lalawigan ng Bulacan ay umabot na sa 2,924,433.

Ang dalawang lungsod sa lalawigan ay may mahigit sa tig-200,000 populasyon. Nangunguna ang Lungsod ng San Jose Del Monte na may 454,553; kasunod ng Lungsod ng Malolos na may 234,975; samantalang ang bayan ng Sta. Maria ay may 218,351 at ang lungsod ng Meycauayan ay may populasyong 199,154.

Walo pang bayan sa lalawigan ang may populasyong nasa pagitan ng 101,068 hanggang 185,624.

Ang mga bayang ang populasyon ay humigit lamang ng ilang libo sa 100,000 ay ang mga bayan Calumpit (100,068), Plaridel (101,441), at ang Norzagaray (103,095).

Ang bayan naman ng San Ildefonso ay may 95,000; at ang Guiguinto ay 90,507.

Ang pagbanggit namin sa bilang ng populasyon sa mga partikular na bayan ay sinasadya sa layuning maikumpara ang bilang ng mga Bulakenyong posibleng masawi kung masisira ang Angat Dam, batay na rin sa pagtaya noong Nobyembre ng isang mataas opisyal ng Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCOP).

Ayon kay Noel Ortigas,Executive Vice President ng Edcop, aabot sa 100,000 ang bilang ng mga Bulakenyong maaaring masawi sa posibleng pagkasira ng Angat Dam.

Ang Edcop ay isa sa mga kumpanyang nagsagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam.  Kasama ang Tonkin and Taylor, sila ang gumawa ng flood simulation study sa pagkasira ng dam, at magiging lalim ng baha sa bawat bayan.

Para kay Gob. Alvarado, ang bilang na 100,000 na binanggit ni Ortigas ay “konserbatibo pa.”  Pero kung ikukumpara natin ito sa bilang ng populasyon ng mga bayan sa lalawigan, ito ay nakakapangilabot.

Kung magkakatotoo ang pagtaya ni Ortigas na 100,000 ang masasawi sa Bulacan,ang bilang ito ay halos nakakatumbas ng  populasyon ng bayan ng Calumpit at Plaridel.

Ang 100,000 na masasawi na binanggit ni Ortigas ay halos kalahati naman ng populasyong 199,154 ng Lungsod ng Meycauayan.


Kung ikukumpara naman natin ito sa mas maliliit na bayan sa lalawigan, nakakatumbas ang 100,000 ng halos dalawang beses na populasyon ng Paombong (50,940).

Kung sa populasyong 125,689 naman ng Hagonoy ito ikukumpara, halos tatlong barangay lamang ng Hagonoy ang malalabi.

Muli, ang pagbanggit namin ng mga bilang ng populasyon at maging ang pagkukumpara nito sa bilang ng posibleng mamamatay sa lalawigan kung masisira ang Angat Dam ay sadya, ngunit hindi isang pananakot.


Ito ay isang pagtawag pansin sa mga namumunong punong barangay, punong bayan, punong lungsod at punong lalawigan na kumilos ay bigyang kabuluhan ang kanilang tungkuling pangalagaan ang kanilang nasasakupan.

Ito ay isang pagtatangka na higit nabigyan hugis at kulay ng panganib na nakamba sa sambayanang Bulakenyo na kung ipagwawalang bahala ay magiging sanhi ng pagkasawi  marami.

May oras pa, kumilos na kayo.  Ngayon at hindi bukas dahilang bukas ay nanantilingisang pangako lamang. (END)