Wednesday, July 2, 2014

Si Plaridel at ang Katipunan





Sa mahabang panahon ay ipinakilala at itinuro sa atin ng mga libro ng kasaysayan si Gat Marcelo H.Del Pilar bilang isang dakilang propagandista at abogado.

Siya ay niyakap ng pamahlaang panglalawigan bilang panglalawigang bayani, at ng mga mamamahayag sa bansa bilang modelo ng isang matapang at makatotohanang pamamahayag.

Ngunit batay sa pananaliksik ni King Cortez, ang pagkakakilala nating ito kay Del Pilar na kilala sa kanyang pangalan sa panulat bilang Plaridel ay kapos at hindi sapat.


Ito ay dahil na rin sa pagkukulang ng pagtuturo sa atin ng mga libro ng kasaysayan at mga historyador na ang pangunahing responsibilidad ay ipabatid sa madla ang bunga ng kanilang pananaliksik upang ang kasalukuyang salinlahi ay makapuloy ng aral mula sa nagdaang panahon at buhay ng mga bayaning nagsakripisyo ng buhay para sa ating bayan.

Batay sa pananaliksik ni Cortez, hindi lamang isang propagandista si Plaridel.  Sa halip ay siya ang utak ng pagbuo at pagtatayo sa Kilusang Katipunan na karaniwang inuugnay kay Gat Andres Bonifacio na itinuturing na Supremo ng Katipunan.

Ito ay nangangahulugan na ang Kilusang Propaganda na naiugnay kina Plaridel, Dr. Jose Rizal, Mariano Ponce at Graciano Lopez-Jaena ay hindi hiwalay sa Kilusang Katipunan.

Sa halip,ang Kilusang Propaganda ay bahagi lamang ng mas malawak na Kilusang Katipunan na ang pangunahing layunin ay ang pagkakaroon ng reporma sa noo’y pamahalaang Kastila sa Pilipinas; at sa huli ay ang pagpapalaya ng Pilipinas mula sa tanikala ng pananakop ng Espanya.

Batay sa pananaliksik ni Cortez sa mga nalathalang salaysay ng mga kasapi ng katipunan, si Plaridel ang nagplano at nag-udyok sa mga kaibigan na magbuo at magtayo ng kilusang Katipunan sa bansa at sa ibayong dagat.

Si Plaridel din ang responsible sa pagbabalangkas at pagbuo ng Saligang Batas ng Katipunan na sa mahabang panahon ay nalihim sa  marami sa atin.

Ang pananaliksik ni Cortez ay simula pa lamang ng panibagong yugto sa kasaysayan ng bansa at buhay niPlaridel.

Ito ay marapat na suportahan ng  bawat Bulakenyo at mga pamahalaang lokal sa lalawigan, partikular na ang pamamahagi ng mga ililimbag na libro upang sa gayon ay higit na mapalawak ang pagkakaunawa ng maraming Pilipino sa naging kontribusyon ni Plaridel sa paglaya ng ating bansa.

Ito ay isa ring magandang pagkakataon para sa mga namumunong lingkod bayan na pangunahan ang pagsasagawa ng mga talakayan at kumperensiya hinggil sa pananaliksik ni Cortez upang sa gayon ang pagkukulang ng nakaraang panahon ay mapunan ng kasalukuyang salinlahing Bulakenyo. 

Monday, February 3, 2014

“100,000”





Batay sa resulta ng census na isinagawa noong 2010, ang populasyon ng lalawigan ng Bulacan ay umabot na sa 2,924,433.

Ang dalawang lungsod sa lalawigan ay may mahigit sa tig-200,000 populasyon. Nangunguna ang Lungsod ng San Jose Del Monte na may 454,553; kasunod ng Lungsod ng Malolos na may 234,975; samantalang ang bayan ng Sta. Maria ay may 218,351 at ang lungsod ng Meycauayan ay may populasyong 199,154.

Walo pang bayan sa lalawigan ang may populasyong nasa pagitan ng 101,068 hanggang 185,624.

Ang mga bayang ang populasyon ay humigit lamang ng ilang libo sa 100,000 ay ang mga bayan Calumpit (100,068), Plaridel (101,441), at ang Norzagaray (103,095).

Ang bayan naman ng San Ildefonso ay may 95,000; at ang Guiguinto ay 90,507.

Ang pagbanggit namin sa bilang ng populasyon sa mga partikular na bayan ay sinasadya sa layuning maikumpara ang bilang ng mga Bulakenyong posibleng masawi kung masisira ang Angat Dam, batay na rin sa pagtaya noong Nobyembre ng isang mataas opisyal ng Engineering and Development Corporation of the Philippines (EDCOP).

Ayon kay Noel Ortigas,Executive Vice President ng Edcop, aabot sa 100,000 ang bilang ng mga Bulakenyong maaaring masawi sa posibleng pagkasira ng Angat Dam.

Ang Edcop ay isa sa mga kumpanyang nagsagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam.  Kasama ang Tonkin and Taylor, sila ang gumawa ng flood simulation study sa pagkasira ng dam, at magiging lalim ng baha sa bawat bayan.

Para kay Gob. Alvarado, ang bilang na 100,000 na binanggit ni Ortigas ay “konserbatibo pa.”  Pero kung ikukumpara natin ito sa bilang ng populasyon ng mga bayan sa lalawigan, ito ay nakakapangilabot.

Kung magkakatotoo ang pagtaya ni Ortigas na 100,000 ang masasawi sa Bulacan,ang bilang ito ay halos nakakatumbas ng  populasyon ng bayan ng Calumpit at Plaridel.

Ang 100,000 na masasawi na binanggit ni Ortigas ay halos kalahati naman ng populasyong 199,154 ng Lungsod ng Meycauayan.


Kung ikukumpara naman natin ito sa mas maliliit na bayan sa lalawigan, nakakatumbas ang 100,000 ng halos dalawang beses na populasyon ng Paombong (50,940).

Kung sa populasyong 125,689 naman ng Hagonoy ito ikukumpara, halos tatlong barangay lamang ng Hagonoy ang malalabi.

Muli, ang pagbanggit namin ng mga bilang ng populasyon at maging ang pagkukumpara nito sa bilang ng posibleng mamamatay sa lalawigan kung masisira ang Angat Dam ay sadya, ngunit hindi isang pananakot.


Ito ay isang pagtawag pansin sa mga namumunong punong barangay, punong bayan, punong lungsod at punong lalawigan na kumilos ay bigyang kabuluhan ang kanilang tungkuling pangalagaan ang kanilang nasasakupan.

Ito ay isang pagtatangka na higit nabigyan hugis at kulay ng panganib na nakamba sa sambayanang Bulakenyo na kung ipagwawalang bahala ay magiging sanhi ng pagkasawi  marami.

May oras pa, kumilos na kayo.  Ngayon at hindi bukas dahilang bukas ay nanantilingisang pangako lamang. (END)

Tuesday, December 17, 2013

Takot



 
Hindi maitatangging mainit ang usapin ngayon sa hinggil sa panganib na hatid ng Angat Dam at naaantalang pagpapakumpuni dito na noong pang isang taon sinasabing ipapasubasta.

Sa mga tindahan, barberya , mga umpukan at maging sa social media partikular na sa Facebook.com ay iyan ang mga usap-usapan at paulit-ulit na nababanggit.

Marami ang nagsabing natatakot sila at may mga nagsasabing pananakot lamang ng ilang pulitiko balitang hinggil sa Angat Dam. Maging ang pahayagang ito ay inakusahang naging daluyan ng pananakot dahil sa mga balitang nailathala, partikular na sa aming website na Mabuhay Online (www,mabuhayonline.blogspot.com), fan page na Mabuhay Newspaper-Bulacan at account o pahinang Mabuhay Newspaper sa Facebook.com.

Ipagpaumanhin po ninyo kung naghatid ng takot sa inyo ang balitang aming hatid.  Ipagpaumanhin din po ninyo kung naabala naman ang inyong kaisipan dahil sa pagbabalita ng totoo sa sambayanang Bulakenyo.  Ipagpaumanhin na rin po ninyo kung ang aming balitang inihahatid ay hindi lamang mga balitang nais ninyong malaman, sa halip ay kalakip ang mga balitang dapat nating malamang lahat.

Ang totoo, ang mga taong nasa likod ng pahayagang Mabuhay ay may naunang natakot sa inyong lahat mula ng ng maunawaan ang panganib na nakamba sa dakilang liping Bulakenyo mula pa noong 2009 nang ito ay ihayag ni Dr. Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivocs).

Kami po ay natakot noon sa realisasyong iilang lingkod bayan natin ang nakinig sa babala ni Solidum. Natakot kami dahil sa mga namumuno sa mga pamahalaang lokal natin sa Bulacan ay abala sa maraming bagay ngunit hindi sa kaligtasan ng dakilang lahing Bulakenyo.

Natakot po kami para aming mga mambabasa na walang kamalay-malay sa panganib na nakaamba. Natakot kami para sa aming mga kapamilya, kaanak, kaibigan, kapitbahay, kababaryo, at mga kababayan. Natakot din kami sa aming sarili na maaaring madamay sa delubyong naka-abang sa ating lahat.

Ang totoo, natakot din kaming ibalita ang panganib na maaaring ihatid ng Angat Dam sa ating lahat dahil sa posibilidad na ito ay hindi maintidihan at maghatid ng pangamba sa marami.

Ito ang dahilan kung bakit naghintay kami ng ng mahabang panahon,ngunit sa paghihintay na iyan ay inunti-unti na namang ilahad ang panganib na nakaamba sa ating lahat.

Ang aming paghihintay ay nagbunga dahil na rin sa unti-unting namulat ang marami sa panganib ng kalamidad matapos masalanta ng lindol ang Bohol at ng bagyong Yolanda ang Visayas nitong Nobyembre. Ang dalawang kalamidad na ito ang naghatid sa ating sa kasalukuyan kalagayan na unti-unting nabuksan ang ating isipan sa mga panganib.

Kami po ay natatakot pa rin. Ngunit ang aming takot ay sa Panginoong Diyos na maaari kaming singilin sa pagtalikod sa responsibilidad na ilahad ang katotohanan.

Totoo.Tayo ay natakot pa rin. Pero mas makabubuting ang takot sa ating dibdib ay isantabi at palitan ng lakas ng loob ng paninindigan sa katotohanan, ng pananalig sa Diyos at ng bukas na isipan para sa isang may payapa ay maligayang Pasko.(-30-)

Sunday, September 29, 2013

Kung kami si Gob


Brgy. Calizon, Calumpit matapos ang pananalasa ng bahang hatid ng bagyong Pedring noong 2011.



Sa nakaraang tatlong sunod na taon, sinagasaan ng kalamidad ang Bulacan, lumubog sa baha ang maraming barangay sa ibat-ibang bayan, marami ang inilikas, may mga nasawi pa at daan-daang milyong piso ang halaga ng nasalantang ari-arian, imprastraktura, pananim at kabuhayan.

Ang kalagayang ito inaasahang mauulit pa, hindi lang minsan, maaring sa marami pang beses.

Ito ay dahil na rin sa patuloy na pagpupuyos ng panahon hatid ng epekto ng climate change tulad ng mas malakas na buhos ng ulan sa loob ng maikling oras na naghahatid ng malawakang pagbaha na pinalulubha pa ng mga bumababaw at kumikipot na mga sapa at mga kailugan, bukod sa mga baradong kanal at iba pang dinadaluyan ng tubig.

Totoo.  Hindi natin maiiwasan kalagayang ito na patuloy na humahamon sa ating katatagan bilang isang lalawigan.  Ngunit mababawasan natin ang epekto nito maging sa pinakamahihina at pinakamaliliit nating kalalawigan.

Totoo rin na hindi matutugunan ng iisang tao lamang ang kalagayang ito na kung mapapabayaan ay maaring magbunga ng kapahamakang walang katumbas—ang pagkasawi ng isang masigla at magiting na liping pinanday ng dalawang digmaang pandaigdig, hinamon ng paulit-ulit na pagbaha noong dekada 70 ngunit nanatiling matatag at kumikilala sa pinagsama-samang talino at kakayahan ng sambayanang Bulakenyo.

Ang solusyon sa epekto ng climate change at patuloy na pamamayagpag ng liping Bulakenyo ay hindi nananahan lamang sa iisang tao.  Ito ay nasa bawat isa atin,kaya’t marapat lamang na ito ay dinggin, tipunin at isaayos upang mabuo ang isang kumprehensibo ngunit na magkakaugnay na hakbangin.

Dahil dito, hinahamon namin si Gobernador Wilhelmino Alvarado na pangunahan ang pagpapatawag at pagsasagawa ng isang climate crisis summit sa lalawigan ng Bulacan upang matukoy ang mga proyektong dapat bigyang ng prayoridad bilang paghahanda sa susunod na kalamidad na maaaring manalasa sa Bulacan.

Sa pamamagitan nito, higit na magkakaroon ng kabuluhan ang paggugol sa calamity fund ng mga barangay, bayan, lungsod at maging ng kapitolyo na kung pagsasama-samahin ay aabot sa daan-daang milyong piso.

Kaakibat nito ay ang pagbuo ng isang oversight council na binubuo ng mga kinatawan mula sa ibat-ibang sektor na magbabantay sa paggamit ng pondo at pagpapatupad ng mga proyekto sa buong taon; kung nais na patunayan ng mga naumumnong lingkod bayan na sila ay tapat sa tungkulinm walang itinatago at handang tumugon sa polisiyang tuwid na daan ni Pangulong Benigno Aquino III.

Tapos na ang panahon ng pagwawalang bahala sa kalamidad. Tapos na rin ang walang pananagutang paggastos ng calamity fund. Isulong natin ang tuwid na daan sa pamamahala, at bigyan daan ang makabuluhan, tumutugon at nararamdamang pamamahala sa dakilang lalawigan ng Bulacan.

State of calamity


 
Bahang hatid ng bagyong Pedring noong 2011 sa Hagonoy.




  

Muling isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Bulacan dahil pagbahang hatid ng bagyong Maring na nagpaigting sa hanging habagat na naghatid ng ilang araw na walang patid na pag-ulan.

Ito ang ikatlong sunod na taon na pagsasailalim sa Bulacan sa state of calamity.  Matatandaan na noong Oktubre 2011 ay isinailalim din ang lalawigan sa katulad na kalagayan matapos ang pananalasa ng mga bagyong Pedring at Quiel na nagdulot ng pinakamalalim na pagbaha sa lalawigan sa loob ng nagdaang 30 taon.

Noong Agosto 2012 ay isinailalim din sa katulad na kalagayan ang lalawigan dahil sa malawakang pagbaha na hatid ng malakas na ulan ng hanging habagat. Sa pagkakataon iyon, ang mga lugar sa lalawigan na hindi binabaha sa nagdaang 30 taon ay lumubog.

Ang pagdedeklara ng state of calamity ay may isang natatanging bunga sa hanay ng pamahalang lokal. Ito ay ang paglalabas ng calamity fund na ang katumbas ay limang porsyento ng kabuuang  pondo sa isang taon ng pamahalang lokal—panglalawigan man, panglungsod, pambayan o pambarangay.

Ngunit ayon sa batas, ang calamity fund ay hindi lamang gagamitin para sa pagmumudmod ng mga relief goods. Itinatakda ng batas na 70 porsyento ng calamity fun ay para sa paghahanda sa kalamidad, ata ng 30 porsyento ay para sa relief operations.

Ito ay nangangahulugan na milyon-milyong piso ang dapat gugulin ng mga pamahalaang lokal para sa paghahanda sa kalamidad. Kabilang dito ay ang pagbili ng mga kagamitan, pagbibigay ng pagsasanay sa mga taon, pamamahag ng sapat at akmang impormasyon, at marami pang iba.

Kung ang pagbabatayan ay ang pamahalaang panglalawigan na may kabnuuang pondong mahigit sa P3-Bilyon bawat taon, lumalabas na mayroon silang p100-Milyong calamity fund sa bawat taon, o mahigit sa P300-M calamity fund sa nagdaang tatlong taon.

Ngunit ang tanong ay saan nagugolo napunta ang calamity fun ng kapitoloyo at mga pamahalaang pambayan, panglungsod at pambarangay sa nagdaang dalawang taon na isinailalim sa state of calamity ang buong Bulacan.

May nadagdag bang kagamitan ang mga disaster risk reduction office? Nadagdagan ba ang mga taon nabigyan ng sapat at akmang kakayahan sa sa pagsaklolo at pagtugon sa kalamidad? Nakapamahagi ba sila ng sapat na impormasyon hinggil sa mga dapat gawin sa panahon ng kalamidad bilang paghahanda?

Kung ang mga bagay na ito ay hindi makita at nagawa ng inyong pamahalaang lokal, lumalabas na marami ang kumita sa panahon ng mga nagdaang kalamidad sa Bulacan samantalang ang taumbayang katulad mo ay naghihirap.