Sunday, September 29, 2013

Kung kami si Gob


Brgy. Calizon, Calumpit matapos ang pananalasa ng bahang hatid ng bagyong Pedring noong 2011.



Sa nakaraang tatlong sunod na taon, sinagasaan ng kalamidad ang Bulacan, lumubog sa baha ang maraming barangay sa ibat-ibang bayan, marami ang inilikas, may mga nasawi pa at daan-daang milyong piso ang halaga ng nasalantang ari-arian, imprastraktura, pananim at kabuhayan.

Ang kalagayang ito inaasahang mauulit pa, hindi lang minsan, maaring sa marami pang beses.

Ito ay dahil na rin sa patuloy na pagpupuyos ng panahon hatid ng epekto ng climate change tulad ng mas malakas na buhos ng ulan sa loob ng maikling oras na naghahatid ng malawakang pagbaha na pinalulubha pa ng mga bumababaw at kumikipot na mga sapa at mga kailugan, bukod sa mga baradong kanal at iba pang dinadaluyan ng tubig.

Totoo.  Hindi natin maiiwasan kalagayang ito na patuloy na humahamon sa ating katatagan bilang isang lalawigan.  Ngunit mababawasan natin ang epekto nito maging sa pinakamahihina at pinakamaliliit nating kalalawigan.

Totoo rin na hindi matutugunan ng iisang tao lamang ang kalagayang ito na kung mapapabayaan ay maaring magbunga ng kapahamakang walang katumbas—ang pagkasawi ng isang masigla at magiting na liping pinanday ng dalawang digmaang pandaigdig, hinamon ng paulit-ulit na pagbaha noong dekada 70 ngunit nanatiling matatag at kumikilala sa pinagsama-samang talino at kakayahan ng sambayanang Bulakenyo.

Ang solusyon sa epekto ng climate change at patuloy na pamamayagpag ng liping Bulakenyo ay hindi nananahan lamang sa iisang tao.  Ito ay nasa bawat isa atin,kaya’t marapat lamang na ito ay dinggin, tipunin at isaayos upang mabuo ang isang kumprehensibo ngunit na magkakaugnay na hakbangin.

Dahil dito, hinahamon namin si Gobernador Wilhelmino Alvarado na pangunahan ang pagpapatawag at pagsasagawa ng isang climate crisis summit sa lalawigan ng Bulacan upang matukoy ang mga proyektong dapat bigyang ng prayoridad bilang paghahanda sa susunod na kalamidad na maaaring manalasa sa Bulacan.

Sa pamamagitan nito, higit na magkakaroon ng kabuluhan ang paggugol sa calamity fund ng mga barangay, bayan, lungsod at maging ng kapitolyo na kung pagsasama-samahin ay aabot sa daan-daang milyong piso.

Kaakibat nito ay ang pagbuo ng isang oversight council na binubuo ng mga kinatawan mula sa ibat-ibang sektor na magbabantay sa paggamit ng pondo at pagpapatupad ng mga proyekto sa buong taon; kung nais na patunayan ng mga naumumnong lingkod bayan na sila ay tapat sa tungkulinm walang itinatago at handang tumugon sa polisiyang tuwid na daan ni Pangulong Benigno Aquino III.

Tapos na ang panahon ng pagwawalang bahala sa kalamidad. Tapos na rin ang walang pananagutang paggastos ng calamity fund. Isulong natin ang tuwid na daan sa pamamahala, at bigyan daan ang makabuluhan, tumutugon at nararamdamang pamamahala sa dakilang lalawigan ng Bulacan.

State of calamity


 
Bahang hatid ng bagyong Pedring noong 2011 sa Hagonoy.




  

Muling isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Bulacan dahil pagbahang hatid ng bagyong Maring na nagpaigting sa hanging habagat na naghatid ng ilang araw na walang patid na pag-ulan.

Ito ang ikatlong sunod na taon na pagsasailalim sa Bulacan sa state of calamity.  Matatandaan na noong Oktubre 2011 ay isinailalim din ang lalawigan sa katulad na kalagayan matapos ang pananalasa ng mga bagyong Pedring at Quiel na nagdulot ng pinakamalalim na pagbaha sa lalawigan sa loob ng nagdaang 30 taon.

Noong Agosto 2012 ay isinailalim din sa katulad na kalagayan ang lalawigan dahil sa malawakang pagbaha na hatid ng malakas na ulan ng hanging habagat. Sa pagkakataon iyon, ang mga lugar sa lalawigan na hindi binabaha sa nagdaang 30 taon ay lumubog.

Ang pagdedeklara ng state of calamity ay may isang natatanging bunga sa hanay ng pamahalang lokal. Ito ay ang paglalabas ng calamity fund na ang katumbas ay limang porsyento ng kabuuang  pondo sa isang taon ng pamahalang lokal—panglalawigan man, panglungsod, pambayan o pambarangay.

Ngunit ayon sa batas, ang calamity fund ay hindi lamang gagamitin para sa pagmumudmod ng mga relief goods. Itinatakda ng batas na 70 porsyento ng calamity fun ay para sa paghahanda sa kalamidad, ata ng 30 porsyento ay para sa relief operations.

Ito ay nangangahulugan na milyon-milyong piso ang dapat gugulin ng mga pamahalaang lokal para sa paghahanda sa kalamidad. Kabilang dito ay ang pagbili ng mga kagamitan, pagbibigay ng pagsasanay sa mga taon, pamamahag ng sapat at akmang impormasyon, at marami pang iba.

Kung ang pagbabatayan ay ang pamahalaang panglalawigan na may kabnuuang pondong mahigit sa P3-Bilyon bawat taon, lumalabas na mayroon silang p100-Milyong calamity fund sa bawat taon, o mahigit sa P300-M calamity fund sa nagdaang tatlong taon.

Ngunit ang tanong ay saan nagugolo napunta ang calamity fun ng kapitoloyo at mga pamahalaang pambayan, panglungsod at pambarangay sa nagdaang dalawang taon na isinailalim sa state of calamity ang buong Bulacan.

May nadagdag bang kagamitan ang mga disaster risk reduction office? Nadagdagan ba ang mga taon nabigyan ng sapat at akmang kakayahan sa sa pagsaklolo at pagtugon sa kalamidad? Nakapamahagi ba sila ng sapat na impormasyon hinggil sa mga dapat gawin sa panahon ng kalamidad bilang paghahanda?

Kung ang mga bagay na ito ay hindi makita at nagawa ng inyong pamahalaang lokal, lumalabas na marami ang kumita sa panahon ng mga nagdaang kalamidad sa Bulacan samantalang ang taumbayang katulad mo ay naghihirap.

Pork barrel





 
Nakahihiya ang pahayag ng ilang kongresista sa bansa na hinggil sa pork barrel na diumano’y ginagamit nila para sa kapakanan ng kanilang nasasakupan, samantalang nakabibingi ang katahimikan ng mga kongresistang Bulakenyo hinggil dito.

Sinasabi ng mga kongresista na ginagamit daw nila para sa isklolarsip at pampagamot ng kanilang nasasakupan ang P70-Milyon pork barrel na kanilang tinatanggap bawat taon, bukod pa sa pagpapatayo ng mga proyektong pang imprastraktura tulad ng kalasada, tulay at mga kanal.

Ngunit ang mga trabahong ito ay nasasakop na ng ibat-ibang ahensiya tulad ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kung ang mga trabahong ito ay tuluyang isusuko ng mga kongresista sa mga nasabing ahensiya, mas matututukan nilaang paghubog at paglikha ng batas na maaaring magbunga ng mas mabilis na pagpapatibay ng mga napapanahon at makakahulugang batas.

Maitatanong natin kung totoo bang namamahay sa puso ng mga kagalang-galang na kongresista ang diwa ng bolunterismo sa pagsasagaw ang trabaho ng ehukutibo, samantalang ang kanilang tunay na trabaho bilang mambabatas at humubog o lumikha ng batas.

Aminin man nila o hindi, personalna interes ang namamayani sa kanila sa paghahanay ng mga gawaing pang ehukutibo tulad ng pamamahagi ng iskolarship, pagbibigay ng gamot at pagpapagawa ng gawaing pang imprasktraktura.  Unang una na rito ay ang makapagtanim ng utang na loob sa kanilang nasasakupan upang matiyak na muling mahahalal sa susunod na eleksyon.

Ang kalagayang ito ay patuloy na naggagatong sa habang panahong sistema ng patronage politics hindi lamang sa lalawigan kungdi sa buong bansa.


Ilan na ang nagpayo na dapat nang mabuwag ang sistemang ito upang ang mahalal ay mga tunay na maglilingkod sa bayan at hindi sa kaban ng bayan.

Isa paraan ay ang pagbuwag sa pork barrel at ang pondong kaakibat ng pork barrel na nagpapalawak sa pampulitikang kapital ng mga pulitiko, at ipagkaloob sa mga ahensiya gobyerno upang higit na mapalakas ito.

Bawasan natin ang pogi points ng mga pulitiko, patatagin ang mga ahensiya at institusyon ng gobyerno.

Suportahan ang pagbuwag sa pork barrel ng mga mambabatas upang matutunan nila ang kanilang tunay na trabaho, upang mabigyang daan ang mga taong ang paglilikuran ay bayan, hindi ang kaban ng bayan.

Calamity fund


Maring 2013, photo by Jeff Lobos.



Hindi maitatanggi ang kasiyahan ng ilang opisyal ng pamahlaang lokal sa pagsasailalim sa lalawigan ng Bulacan sa state of calamity matapos ang pagbahang hatid ng bagyong Maring at walang patid na pag-ulan na bunga ng pinaigting na hanging habagat.

Ito ay dahil sa milyon-milyong halaga  ng calamity fund ang kanilang maaaring galawin, lalo pa’t katatapos lamang ng halalang lokal noong Mayo at nalalapit naman ang halalang pambarangay sa Oktubre.

Katulad ng kontrobersyal na pork barrel fund, marami ang naghihinala at nag-aakusa na ang calamity fund ay karaniwang nalulustay ng mga opisyal na naghahawak nito. Ito ay dahil na rin sa walang malinaw na pag-uulat hinggil sa paggamit ng calamity fund.

Ngunit sa nagdaang linggo,umusok ang usapan hinggil sa calamity fund salalawigan matapos lumabas ang ulat ng kapitolyo hinggil sa pondong ginugol sa ipinamahaging relief goods.

Batay sa ulat ng kapitolyo ang bawat bag ng relief goods na ipinamahagi nila sa Lungsod ng Malolos at Hagonoy ay nagkakahalaga ng P250.  Ito ay ayon sa tala ng bilang ng bag ng relief goods na ipinamahagi at tinatayang halaga nito.

Ngunit lalong naglagablab ang usapan ng mailathala sa social media ang mga larawan ng dalawang kilong bigas, dalawang noddles, dalawang kapeng 3-in-1,isang lata ng corned beef at isang lata ng meat loaf.

Batay sa pagtaya ng mga socialmedia users, hindi P250 ang halag ng relief goodf na kanilang tinanggap. Sa halip ay P120 hanggang P150 lamang.

Hindi pa kasama dito ang posibilidad na mas mababa ang presyo ng pagkakabili ng mga relief goods na nabanggit mula sa supplier ng kapitolyo.

Lumalabas na hindi bababa sa P100 ang halagang nawawala sa bawat bag ng relief goods na ipinamahagi ng kapitolyo.

Ang kalagayang ito ay nagpapatunay na ang kalamidad ay hindi natatapos sa paghupa ng baha, sa halip ay lalo itong lumulubha dahil may mga taong nagsasamantala ay umaagaw sa mga tulong na dapat matanggap ng mga mamamayang kanilang pinangakuan ng tapat na paglilingkod at ipagtatanggol.

Hindi biro ang kalagayang ito sapagkat ang katumbas nito ay isang pandarambong sa sambayanang napinsala ng kalamidad. Pero ngayon natin masusubukan kung ang mga lingkod bayan na nangako ng paglilingkod at pagtatanggol sa mamamayan ay maninindigan sa tama at may dignidad na pamamahala sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga taong sangkot sa pagsasamantala sa mamayang Bulakenyo.

Tingnan natin kung matitigas ang gulugod ng mga halal na opisyal sa Bulacan at kung mag-uulat ng tama ang mga pamahalaang lokal sa paggmit nuila ng calamity fund.