Wednesday, December 5, 2012

Kolektibong pagkalimot

Bro. Martin Francisco at mga katutubong Dumagat ng Bulacan.


 Malinaw ang mensahe ni Dr. Felipe De Leon ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) sa pagbubukas ng 2012 Dayaw Festival sa Bulacan noong Martes, Nobyembre 27 kung saan ay binigyang diin niya ang “collective amnesia’ ng bansa bilang pagsasalarawan ng sama-sama at patuloy nating pagkalimot sa nakaraan partikular na kontribusyon ng mga katutubo sa ating mga pamayanan.

 Ang pahayag na ito ay sumasalamin at nagpapaalala sa matandang kasabihan na “ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”

 Totoo, maraming interpretasyon sa kasabihang iyan, ngunit simple lamang ang  pananaw ni De Leon patungkol sa ating kolektibong pagkalimot sa kalinangan at kaugaliang ninuno,

“Napakarami nating matututunan sa mga katutubo,” ani De Leon samantyalang sa pahayag ni Pangulong Aquino ay sinabing, “ang ating kalinangan mula Luzon hanggang Mindanao ay naimpluwesiyahan ng mga katutubo.”

Bukod dito iginiit ni De Leon na ang kasalukuyang kaugalian at kalinangan nagting mga taga-kapatangan ngayon ay hiram mula sa ibat-ibang lahi na hindi sumasalamin sa kaisipan n gating mga ninunong Pilipino at Bulakenyo.

Isa sa katangian ng kalinangan ng ating mga ninuno ay ang pagiging mapagmahal sa kapayapaan at katarungan, sabi ni De Leon at iginiit pa na an gating mga ninuno ay walang kosepto ng digmaan, sa halip ito ay hatid ng mga mananakop na nagsamantala sa atig bayan at likas na yaman.

Ang katangian ito ay buhay at nanantili ngayon sa isang grupo ng Bulakenyo—ang mga katutubong Dumagat na kasalukuyang nananahan sa kabundukan ng Sierra Madre matapos na unti-unting umunlad ang mga Tagalog na unat angbuhok sa kapatagan na kanilang pinatuloy.

Ngunit nakapangangambang ang katangiang iyan na patuloy na isinasabuhay ng mga Dumagat ay tuluyang mabura sa diwa at kaisipan ng mga Bulakenyo dahil sa kabila ng tatlong araw na pagdiriwang ng Dayaw sa Bulacan na tinampukan ng mga katututbo mula sa ibat-ibang lalawigan at rehiyon ng bansa, ang mga katutubong Dumagat ay halos hindi man lamang sumagi sa isipan ng mga organisasdor ng pagdiriwang at sa mga namumuno sa lalawigan.

Ang kalagayang ito isang sampal sa mga namumuno sa lalawigan at mga nagsusulong ng kalinangang Bulakenyo na ipinagkanulo ng kanilang maikling pananaw dahil lumalabas na hindi kasali sa kanilang kalinangang isinusulong at pilit na pinauunlad ang kalinangan ng mga katutubong Dumagat ang itintuturing na mga orhinal na Bulakenyo.

Ang higit na masakit ay ang lumalabas na sabwatan ng mga namumuno sa pamahalaan at organisador ng pagdiriwang na hindi imbitahan ang mga katutubong Dumagat.  Iti ay nagpapahiwatig ng hindi pagkilala sa mga Dumagat at patuloy na pagtataboy sa kanila sa kabundukan ng pagkalimot. 

No comments:

Post a Comment