Napapanahon ang plano ni Interior and Local
Government Secretary Jesse Robredo na pagkakaloob ng "Seal of Disaster
Preparedness" sa taong ito sa mga namumuno sa mga pamahalaang lokal
dahil sa
halos tuwing ikalawang buwan ay nasasalanta ng kalamidad ang mga bahagi
ng
bansa.
Noong Setyembre at Oktubre ay lumubog sa baha ang Hagonoy at
Calumpit; nasundan pa ito mas mapanalantang pagbaha sa mga lungsod ng Cagayan
De Oro at Iligan sa Mindanao noong Disyembre 16; at ngayong buwan ay nasalanta
naman ng malakas na paglindol ang mga bayan at lalawigan sa isla ng Negros.
Hindi biro ang mga kalamidad na ito dahil bukod sa nagiging
sanhi ito ng pagkasawi ng maraming buhay, nasasalanta nnito ang kabuhayan ng
mamamayan. Ang puntong ito ay binigyang
diin nina Pangulong Aquino at Gob. Joey Salceda ng Albay noong Nobyembre 25 sa
pagsasagawa ng kauna-unahang national media conference on climate change.
Sa nasabing kumperensiya, ipinahayag ni Salceda na nang
manalasa ang bagyong Reming sa kanilang lalawigan noong 2006, halos 50
porsyento ng kabuhayan at ekonomiya ng Albay ang nasalanta sa loob lamang ng
may anim na oras.
Sa lalawigan ng Bulacan, iniulat ng Provincial Disaster Risk
Reduction Management Office na umabot sa P2.5-Bilyon piso ang tinatayang halaga
ng pinsalang hatid ng may dalawang linggong pagbaha noong Setyembre at Oktubre.
Hindi biro ang halagang ito, lalong
higit ang panahon na ginugol ng mga mamamayan na pagpupundar ng kagamitan
kabuhayang napinsala.
Sa diwang ito, nais muling gisingin ng Mabuhay ang natutulog
na diwa ng maraming lingkod bayan sa lalawigan dahil sa matapos manalasa ang
pagbaha sa Bulacan ay parang muling nakalimot.
Marami sa kanila ang nalibang sa pagdiriwang ng Pasko at
Bagong Taon kung kailan ay maihahalintulad sila kay Santa Claus sa pamamahagi
ng mga regalo; samantalang nakalimutan ang paglalaan ng pondo para sa
pagpapataas ng antas ng kaalaman at kakayahan ng mamamayang Bulakenyo sa
paghahanda at paglaban sa kalamidad.
Muli, ipinaaalala ng Mabuhay sa mga lingkod bayan na hindi
sapat ang pamamahagi ng relief goods kapag may kalamidad. Kung nais bigyan ng kabuluhan ng mga lingkod
bayan sa lalawigan ang kanilamng sinumpaang tungkulin na bigyang proteksyon ang
mamamayang kanilang nasasakupan, nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ang
paghahanda sa paglaban sa kalamidad.
Harinawa’y tugunin ito ng mga pinuno ng mga pamahalaang
lokal sa lalawigan upang sila ay maging kwalipikado rin sa ibibigay na
pagkilala ng Department of Interior and Local Government (DILG) na “Seal of
Disaster Preparedness” sa taong ito.