Hindi
maitatangging mainit ang usapin ngayon sa hinggil sa panganib na hatid ng Angat
Dam at naaantalang pagpapakumpuni dito na noong pang isang taon sinasabing
ipapasubasta.
Sa
mga tindahan, barberya , mga umpukan at maging sa social media partikular na sa
Facebook.com ay iyan ang mga usap-usapan at paulit-ulit na nababanggit.
Marami
ang nagsabing natatakot sila at may mga nagsasabing pananakot lamang ng ilang
pulitiko balitang hinggil sa Angat Dam. Maging ang pahayagang ito ay
inakusahang naging daluyan ng pananakot dahil sa mga balitang nailathala,
partikular na sa aming website na Mabuhay Online (www,mabuhayonline.blogspot.com),
fan page na Mabuhay Newspaper-Bulacan at account o pahinang Mabuhay Newspaper
sa Facebook.com.
Ipagpaumanhin
po ninyo kung naghatid ng takot sa inyo ang balitang aming hatid. Ipagpaumanhin din po ninyo kung naabala naman
ang inyong kaisipan dahil sa pagbabalita ng totoo sa sambayanang
Bulakenyo. Ipagpaumanhin na rin po ninyo
kung ang aming balitang inihahatid ay hindi lamang mga balitang nais ninyong
malaman, sa halip ay kalakip ang mga balitang dapat nating malamang lahat.
Ang
totoo, ang mga taong nasa likod ng pahayagang Mabuhay ay may naunang natakot sa
inyong lahat mula ng ng maunawaan ang panganib na nakamba sa dakilang liping
Bulakenyo mula pa noong 2009 nang ito ay ihayag ni Dr. Renato Solidum ng
Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivocs).
Kami
po ay natakot noon sa realisasyong iilang lingkod bayan natin ang nakinig sa
babala ni Solidum. Natakot kami dahil sa mga namumuno sa mga pamahalaang lokal
natin sa Bulacan ay abala sa maraming bagay ngunit hindi sa kaligtasan ng
dakilang lahing Bulakenyo.
Natakot
po kami para aming mga mambabasa na walang kamalay-malay sa panganib na
nakaamba. Natakot kami para sa aming mga kapamilya, kaanak, kaibigan, kapitbahay,
kababaryo, at mga kababayan. Natakot din kami sa aming sarili na maaaring
madamay sa delubyong naka-abang sa ating lahat.
Ang totoo, natakot din kaming ibalita ang
panganib na maaaring ihatid ng Angat Dam sa ating lahat dahil sa posibilidad na
ito ay hindi maintidihan at maghatid ng pangamba sa marami.
Ito
ang dahilan kung bakit naghintay kami ng ng mahabang panahon,ngunit sa
paghihintay na iyan ay inunti-unti na namang ilahad ang panganib na nakaamba sa
ating lahat.
Ang
aming paghihintay ay nagbunga dahil na rin sa unti-unting namulat ang marami sa
panganib ng kalamidad matapos masalanta ng lindol ang Bohol at ng bagyong
Yolanda ang Visayas nitong Nobyembre. Ang dalawang kalamidad na ito ang
naghatid sa ating sa kasalukuyan kalagayan na unti-unting nabuksan ang ating
isipan sa mga panganib.
Kami
po ay natatakot pa rin. Ngunit ang aming takot ay sa Panginoong Diyos na maaari
kaming singilin sa pagtalikod sa responsibilidad na ilahad ang katotohanan.