Tuesday, March 13, 2012

EDITORYAL: 50-taon ng pananalig (March 9-15)


Magandang balita ang hatid ng mga mensaheng binigkas ng matataas na opisyal ng simbahang katoliko sa pagdiriwang ng ika-50 Jubileo ng Diyosesis ng Malolos.

Binigyan nila ng papuri ang matibay na pananalig sa Diyos ng mga kasapi ng diyosesis na nagsilbing isa sa mga sandigan ng nito sa nagdaang 50-taon, bukod sa mapagpalang grasya o kagandahang loob ng Diyos.

Dahil dito, sinabi ni Gaudencio Cardinal Rosales, ang dating arsobispo ng Maynila na dapat humanda ang mga Bulakenyo dahil mas marami pang biyayang ipagkakaloob ng Diyos.  Ang pahayag na ito ay isa sa mga halimbawa ng katapatan ng Diyos sa kanyang bayang naging matapat sa kanya na ayon sa Banal na Aklat ay “hindi ko kayo pababayaan.”

Marami ang umaasa sa mayamang biyayang sinambit ng obispo sapagkat marami ang naniniwala na ang mga biyayang iyon ay magkakahugis sa pamamagitan ng materyal na bagay. Posible. Pero, tandaan natin ang payo ng Panginoong Hesus sa mga tao na ang “ipunin ay kayamanang di nabubulok” o ang kayamanang espiritwal na sa langit makakamtan.

Ito ang dalawang mukha ng pangako ng Diyos sa tao. Ngunit, sa lupa man o sa langit ipagkaloob ang biyaya, tiyak na ipagkakaloob ito dahil ang pangako ng Diyos ay hindi nagbabago. 

Ito ay nangangahulugan na habang naririto tayo ay lupa ay tatanggap pa rin tayo ng mayamang biyaya ng Diyos.  Pero dapat di nating tandaan ang paalala ng simbahan na “nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”

Sa diwang ito, nais ng Mabuhay na ipaalala sa bawat Bulakenyo, katoliko man o hindi, na mayroon tayong obligasyon sa ating bayan at kapwa mamamayan.  Gawin natin ang ating obligasyon bilang mabuting mamamayan, at iwaksi ang gawang masama.

Ito ay tumutugon din sa mga nilalaman ng 10-Utos ng Diyos na nasaad sa Bibliya kung saan ay nilinaw ang papel ng bawat tao sa Diyos at sa kanyang kapwa tao.  Ang mabuting relasyon natin sa kapwa tao ay isang paggalang sa Diyos na lumikha sa atin; at ayon sa katuruan ng simbahan, ang bawat tao ay sakramento ng Diyos, o daluyan ng kanyang grasya o kagandahang loob.

Sa huli, ipinapaalala namin ang buod ng mensahe ni Obispo Luis Antonio Tagle ng Maynila na nakabatay pa rin sa nilalaman ng Bibliya na nagsasabing, “walang halaga ang pananampalatayang hindi nasasagkapan ng gawa.”

Patunayan natin an gating pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng ating mabuibuting gawa, ngayon!  (END)

EDITORYAL: Pitak ng pag-unlad, (March 2-8)


EDITORYAL: Pitak ng pag-unlad

Kahanga-hanga ang ipinakitang determinasyon ng mga kabataang Bulakenyo sa magkakaugnay na balitang inilathala ng Mabuhay sa linggong ito.

Una, muling namayani ang manlalarong Bulakenyo sa katatapos na Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) na isinagawa sa lalawigan ng Zambales noong Pebrero 19 hanggang 24.

Ikalawa ay ang pagsungkit ng mga mag-aaral ng Dr. Yanga Colleges Inc., (DYCI) High School sa kampenonato ng First Lego League (FLL) noong Pebrero 25 na maghahatisa kanila upang katawanin ang bansa sa FLL World Festival sa Estados Unidos sa Abril.

Ikatlo, tinanghal na bar topnotcher si Raoul Angelo Atadero ng Lungsod ng Meycauayan sa matapos makakuha ng pinakamataas na puntos sa isinagawang bar examination noon Nobyembre.  Ang resulta ay inilabas noong Pebrero 29.

Tatlong mamamahayag naman sa lalawigan ang binigyan ng pagkilala ng Bulacan State Unioversity dahil sa kanilang kontribusyon sa papataas ng kasanayan ng mag-aaral ng pamamahayag sa nasabing pamantasan; samantalang lumahok ang mga Bulakenyong may kapansanan sa isinagawang Kite Making and Flying Festival na isinagawa sa Baliuag.

Ang mga kuwentong ito ay nagpapatunay lamang na ang mga Bulakenyo ay handang harapin ang mga pagsubok, may kapansanan o wala, at abutin ang matataas na karangalan sa larangang kanilang pinasok.

Sa madaling salita, ang kailangan lamang ng mga Bulakenyo ay ang tinatawag na “break” o pagkakataon upang patunayan ang kanilang kakayahan bunsod ng nag-aalab na determinasyon upang maabot ang pinakamataas na antas ng kahusayan o pagpapakainam (excellence).

Ngunit hindi lahat ng Bulakenyo ay kasingpalad ng mga nabanggit.  Batay sa mga tala na naipon ng Mabuhay, marami ang nabiktima ng karahasan, o naging bahagi ng maling gawain—ang kabilang dulo ng pagpapakainam.

Sa diwang ito, muli naming hinahamon ang mga namumunong lingkod bayan sa ating mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang isang ligtas, payapa at may takot sa Diyos na pamayanan sa lalawigan upang higit  na mapayabong ng mga Bulakenyo ang kanilang kakayahan.

Ipinapaalala rin ng Mabuhay na ang pamumudmod ng tulong o mga “dole-out” sa mga mamamayan ay isang hadlang sa kaunlaran ng kakayahan ng ng taumbahay dahill ang kailangan ng sambayanan ay isang mapagkakatiwalaang sistema na tumutugon sa pangkalahatang pangangailangan.
Bigyang daan po natin ang pitak ng pagunlad ng mamamayan; at hindi ang pakinabang na pampulitika.