Saturday, September 8, 2012

Singkaban 2012




Payak at simple ang pagdiriwang ng Singkaban Fiesta sa taong ito ayon
sa kapitolyo, dahil sa katatapos lamang ng kalamidad at hindi pa
tuluyang nakakabangon ang ilang kalalawigan natin.

Ang pagtitipid sa pagdiriwang ay masasalamin sa pondong ginugol sa
taong ito kumpara noong nakaraang taon.  Umabot lamang daw sa
P2.5-Milyon ang inihanda para sa walong araw na pagdiriwang sa taong
ito kumpara sa P10-M noong nakaraang taon.

Dahil dito, maraming palatuntunan ang binawas sa walong araw na
pagdiriwang at kabilang dito ay ang araw ng mga magsasaka at
mangingisda.

Inaayunan ng Mabuhay ang payak na pagdiriwang sa taong ito, ngunit ang
pagiging payak ay hindi sapat upang hindi maging makahulugan ang
pagdiriwang.

Kung ang pagbabasehan natin ay ang tatlong taong nagdaan, mas maraming
makabuluhang programa ang dapat idinagdag sa taunang pagdiriwang.

Matatandaan na noong 2009 ay sinagasa ng bahang hatid ng bagyong Ondoy
ang Bulacan.  Ang kalagayang ito ay naulit pa matapos manalasa ang
bagyong Pedring at Quiel noong nakaraang taon; at ang malakas na ulan
ng hanging habagat nitong nakaraang buwan.

Ang mga karanasang ito ay hindi lamang nagpapahiwatig, sa halip ay
naghuhumiyaw na bigyang pansin ang kultura ng paghahanda sa kalamidad
sa lalawigan lalo pa ngayon na halos taon-taon ay isinasailalim sa
state of calamity ang Bulacan.

Ngunit ano ang ginawa ng kapitolyo sa usaping ito? Nakapaghanda man
lamang ba sila ng mga babasahin hinggil sa paglaban sa kalamidad na
maipapamahagi sa taumbayang lalahok sa Singkaban Fiesta 2012?
Naghanda ba sila ng isang booth para sa eksibisyon at demonstrasyon ng
mga gamit at impormasyong magagamit sa paglaban sa kalamidad?

Batay sa ipinalabas tala ng mga palatuntunan para sa Singkaban Fiesta
2012 noong Agosto 5, wala ang dalawang nabanggit na bagay.

Nakalulungkot ang kalagayang ito dahil lumalabas na hindi pa sapat ang
kakayahan ng pamahalaang panglalawigan partikular na ang Provincial
Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) para sa
“mainstreaming” o pagpapalawak ng kultura ng paglaban sa kalamidad sa
lalawigan.

Sayang. Isa na sa itong pagkakataon upang patunayan ng kapitolyo na
seryoso sila sa paglaban sa kalamidad.

Ngunit higit na sayang ang pagkakataong higit na maimulat ang mga
mamamayang Bulakenyo at mapataas ang kanilang kakayahan sa pagtugon at
paglaban sa kalamidad

Tandaan natin, ang isang matuwid na paglilingkod ay naglalayong
pataasin ang kakayahan ng kanilang sasakupan, sa halip na palaging
paasahin sa kanila.