Saturday, July 21, 2012

PROMDI: Himala sa kapitolyo




Halos tatlong linggo na ang nakakaraan ng maglagay ng mga tarpaulin poster sa labas ng bawat tanggapan sa kapitolyo.

Bahagi daw ito ng anti-red tape campaign.
***
Sa mga nasabing poster, nakalagay ang proseso ng pakikipagtransaksyon sa mga nasabing tanggapan.

Kung may kailangan kang dokumento, mababasa mo sa poster kung ano ang mga requirement/s na dapat mong dalhin o iprisinta tulad ng ID o kaya ay request letter.
***
Ang nakakatuwa, may mga tanggapan na itinala pa kung gaano katagal ang pagproproseso ng request.

Katulad sa Sangguniang Panglalawigan at sa BENRO, nakatala sa kanilang poster kung ilang minuto ang itatagal ng paghahanap ng dokumento.
***
Ang mga hakbang na ito nagpapatunay na pagnanais ng administrasyong Alvarado na para sa matuwid at mapanagutang pamamahala.

Ngunit ito naman ay taliwas sa umuugong na balita sa kapitolyo hinggil sa mga diumano’y di nababayarang utang sa mga supplier.
***
Sa nagdaang linggo, nabnaggit ng Promdi ang “Masustansiyang Pamamahala” ng Tres Marias ng kapitolyo.

Sila yung sinasabing kumokontrol sa mga supplier.
***
Sa pagsasaliksik ng Promdi, natuklasan ang simple ngunit masalimuot na prosesong sinusundan ng mga supplier.

Ito ay mula sa pagbibigay ng approval ng gobernador hanggang sa maibigay ang tsekeng kabayaran sa kanila para sa serbisyo o produktong inihatid.
***
Maaaring ilan sa bahagi ng prosesong aking babanggitin ay hindi eksakto ao nasusunod, pero ang mas maraming bahagi nito ay kinumpirma ng ilang supplier.

Yung iba, ayaw pang magsalita, baka daw maipit ang kanilang negosyo.  Sila rin yung handang magpadulas sa sistemang ‘fast tracking” sa kapitolyo.
***
Dalawa daw ang sistema ng pagbibigay ng kontrata.  Kung less than P500,000, walang bidding.  Shooping lang daw.

Pero kung P1-M o P1.5-M, tiyak na may bidding.
***
Kung shopping, pinaapruban kay Gob. Alvarado ang pagsusuply ng mga supplier.

Pagkatapos ay dadalin sa General Services Office ang papeles upang magawan ng purchase request (PR).
***
Tapos dadalhin sa Budget Office, Accounting at Treasurers Office ang PR para pirmahan.
Pero may ilang supplier na nagsasabing di na muna dinadala sa Treasurer’s Office ang PR.
***
Tapos ibabalik kay Gob ang PR para pirmahan, saka muling ibabalik sa General Services para igawa ng Purchase Order (PO).

May mga pagkakataon na kapag ibinalik ang PR sa General Services Office (GSO) para gawan ng PO ay isinasabay na ang paggawa ng voucher. (para daw mapabilis ang release ng tseke).
***
Tapos dadalhin sa Budget Office ang PO para pirmahan.

Sa pagkakataong ito, nagsisimula ng magdeliver ang supplier.
***
Muli, babalik sa GSO ang papel, tapos ay sa accounting at kay Gob para pirmahan ang tseke.

Ang huli ay ang pagrerelease ng Treasurer’s Office ng tseke.
***
Ayon sa mga supplier, ang prosesong ito ay natitigil matapos gumawa ng PR ng GSO.

Diumano ay naiipon ang mga PR sa mga kasunod na tanggapan na dadaanan nito.
***
Ayon sa isang  opisyal ng kapitolyo, naaantala ang PR dahil sa tinutukoy pa ng Budget Office at ng Accounting kung may sapat na pondo para sa supplies na idedeliver ng supplier.

Iginiit pa nya na mula daw noong 2010 ay higit na lumaki ang gastusin ng kapitolyo dahil sa pinalawak ang serbisyo nito sa mga indigents at mga ospital.
***
Mula daw noong 2010 ay naging tatlong araw ang people’s day ng gobernador, samantalang sa mga nagdaang administrasyon ay minsan lang isang linggo o wala pa.

Bukod dito, dalawang araw daw kung lumibot ang Kapitolyo sa barangay ni Alvarado kung saan ay katakot-takot na ipinamimigay na tulong sa mga taumbayan.
***
Maaaring totoo.  Pero lumabas na sobra-sobra ang gastos ng punong lalawigan.  Sa madaling sabi ay “overspending.”

Pero gaano ba karami ang tinutulungan ng gobernador sa isang people’s day niya? Di ba nasa 250 lamang bawat araw ayon sa Annual Investment Plan ng kapitolyo?
***
Ipagpalagay nang nag-o-overspending ang gobernador. Pero bakit yung mga utang noong 2009, 2010 at 2011 ay hindi pa nababayaran?
***
Ipagpalagay nating nasa 5,000 ang tintulungan ng gobernador loob ng isang buwan sa kanyang peoples’ day at Kapitolyo sa barangay.

Ibig bang sabihin na nauubos ang pondo ng kapitolyo sa loob ng isang buwan sa 5,000 katao?
***
Nakapagtataka na naaantala ng matagala ang pagbabayad sa mga supplier.

Hindi ba’t lahat ng gagastusin ng bawat departamento ay itinatala isang taon bago gastusin, at may nakalaang pondo roon?
***
Ito ay ilan lamang sa mga katanungang dapat sagutin ng kapitolyo.

Mas maganda siguro ay humarap sa buwanang Talakayang Bulakenyo ang mga may kinalaman sa usaping ito upang higit na maipaliwanag.  (Dino balabo)

PROMDI: Tres Marias sa kapitolyo




Rewind muna tayo sa panunumpa ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa tungkulin noong Hunyo 30, 2010.

Pangako niya noon ay “dudurugin ko ang korapsyon sa kapitolyo.”
***
Fast forward naman tayo sa kasalukuyan. Nadurog na nga ba ni Alvarado ang korapsyon sa kapitolyo?

O baka siya ang unti-unting dinudurog nito?
***
Ok, let’s play it up.  Nagrereklamo ang mga supplier sa kapitolyo dahil sa hindi raw sila nababayaran.

Worst, ang ilan ay tumigil na sa pagde-deliver ng supply.
***
Kabilang dito ay ang mga supplier ng pagkain, gamit sa mga ospital, at maging mga gamit sa konstruksyon ng mga proyektong pang imprastraktura.

Dahil di nababayaran, ilan ay tumigil at ang kasunod na kontrata ay ibinigay sa iba na alaga ng sinasabing tatlong Maria sa kapitolyo.
***
Ayon sa isang mataas na opisyal, maiikli ang pisi ng mga supplier at kontraktor na tumigil.

Ibig sabihin, maliit ang puhunan o kakaunti ang perang ipinapalaot sa negosyo.
***
Eh ano naman ngayon kung maikli ang pisi ng ilang supplier na nagnanais magnegosyo?

Makatarungan bang ipitin ang Purchase Request (PR) para sa supply?
***
Di lang mga supplier ang nakakaranas ng delay ay mahabang pagkaantala ng tsekeng kabayaran mula sa kapitolyo.

Maging mga lokal na pahayagang pinaglathalaan ng advertisement ng kapitolyo noong nakaraang taon,  Paiyakan sa paniningil samantalang matagal ng nalathala ang advertisement nila.  Wika nga, service rendered na yun.
***
At dahil nagigipit ang mga supplier, makatarungan bang pautangin sila ng five-six ng opisyal ng kapitolyo?

Pero di lang daw five-six ang labanan, umaabot sa 20 porsyento ang kaltas sa tseke ng supplier.
***
Ayon sa mga tenga ng Promdi, hindi halos nahahawakan ng supplier ang kanilang tseke kapag ito ay na-release na.

Ini-endorse o pinipirmahan lang daw ng supplier ang tseke at opisyal na ng kapitolyo ang magpapa-encash noon.
***
Heto pa ang bomba. Kapag nakasingil ang supplier, kasabihan sa kapitolyo ay mapula ang hasang ng isa sa tatlong Maria.

Dahil daw sa gumana na ang “sustansiya.”
***
Ito ay ang tinatawag ngmga taga-kapitolyo na “masustansiyang pamamahala.”

Taliwas ito sa ipinangakong “mapanagutang pamamahala” ni Alvarado na bahagi rin ng kanyang pitong puntong adyenda, na sososlusyunan sa pamamagitan ng pagdurog sa korapsyon.
***
Ayon sa mga tenga ng kapitolyo, pinagalitan noong nakaraang linggo ni Alvarado ang isang mataas na opisyal sa kapitolyo dahil nakarating sa kanya ang mga balita ng himala.

Umaatikabong sermon ang ibinigay ni Alvarado, at ito ay narinig ng mga kapitan ng barangay na bisita niya sa oras na iyon dahil ibinukas niya ang speaker ng kanyang cellphone.  Talagang ipinarinig sa mga bisita.
***
Ngunit ang galit ni Alvarado sa pagtawag sa telepono sa opisyal ay hindi sapat, ayon sa ilang nakabalita sa pangyayari.

Dapat daw ay simulan ng punong lalawigan ang isang masusing imbestigasyon upang makilala ang mga nasa likod ng pananabotahe sa kanyang panunungkulan.
***
Ang totoo, dapat ay noong pang 2010 sinimulan ni Alvarado ang pagpapaimbestiga sa mga gumagawa ng himala sa kapitolyo.

Ang pagpapaimbestiga ay isang malinaw na hakbang sa kanyang pangakong “dudurugin ang korapsyon sa kapitolyo.”
***
Kung nag-imbestiga lamang si Alvarado noong 2010, hanggang sa kasalukuyan, nahukay sana niya ang mga kasong nakasampa sa ilang opisyal ng kapitolyo.

Isa rito ay ang isinampa sa Ombudsman noong Setyembre 2011.
***
Ang nasabing kaso ay isinampa ng isang “concerned citizen” na naglakas loob na magbulgar ng mga ghost delivery sa kapitolyo.

Naglakas loob dahil ang mga dokumentong isinumite bilang ebdensya ay may petsang 1999.
***
Napakatagal na panahon ang hinintay ng “concerned citizen” na ito bago magsampa ng kaso at ilabas ang mga dokumentong kanyang iniingatan.

Ito ay nangangahulugan na nakaipon lamang ng lakas ng loob ang concerned citizen sa panahon ni Alvarado dahil sa paniniwalang dudurugin nga ng gobernador ang korapsyon sa kapitolyo.
***
Sa pananaw ng Promdi, hindi sapat na sabihin ni Alvarado na hindi niya alam ang kasong iyon dahil siya ay copy furnished sa papel na isinampa sa Ombudsman.

Ipagpalagay nating hindi nga siya nabigyan ng kopya. Pero kung nagpaimbestiga lang siya noong 2010, nahalukay n asana niya ang mga himala sa kapitolyo na sa kasalukuyan ay unti-unting dumudurog sa kanyang administrasyon.  (Dino Balabo)

Modelo ng mamamayan




Ipinagmamalaki ng Bulacan ang ang mataas na bilang ng gumaling mula sa sakit na dengue sa lalawigan sa unang anim na buwan ng taon kung kailan naitala na isa lamang ang namatay sa mahigit 1,500 mamamayang nagkasakit.

Taas noo rin nilang ipinahayag na bumaba ang kaso ng dengue mula sa mahigit na 1,700 na naitala sa katulad na panahon noong nakaraang taon.

Ngunit nananatili pa rin ang katohanang mataas pa rin ang kaso ng dengue sa lalawigan sa kabila ng mga pahayag ng mga opisyal na nagsasagawa sila ng malawakang search and destroy operation o pamumuksa sa lamok.

Ito ay nangangahulugan na hindi epektibo ang isinasagawang search and destroy operation laban sa mga lamok dahil sa kung nagawa nilang puksain ang mga lamok at sirain ang mga pinangingitlugan nito, higit sanang mababa ang naitalang kaso.

Sa kalagayang ito, maitatanong natin sa ating mga sarili, ilan sa atin ang lumahok sa search and destroy operation laban sa dengue.  Hindi natin kailangang sumama sa mga nagsagawa nito, dahil magagawa natin ito sa loob at labas lamang ng ating mga bakuran sa pamamagitan ng paglilinis.

Lumalabas na kapos ang kampanya laban sa dengue sa lalawigan dahil hindi naeengganya ng mga namumuno ang mga mamamayan na lumahok dito. Ilan sa mga kadahilan ng di paglahok ng mga mamamayan ay ang kawalan ng halimbawa mula sa mga namumuno, partikular na sa mga mga bayan at barangay.

Ito ay dahil sa kapos na pag-unawa sa tungkulin ng mga opisyal na umookupa sa mas mabababang posisyon sa gobyerno. Nalilimutan nila na bilang mga opisyal, bahagi sila ng isang malaking samahan o katawan na dapat kumilos upang maging matagumpay ang programa ng gobyerno.

Pero ano ang ginagawa ng mga mas mga opisyalo na ito? Nag-aabang na lang sila ng biyaya sa halip na magkusang-palo sa pagtupad sa tungkulin.

Tama ang pahayag ng mas mataas na opisyal.  Hindi basurero o taga-puksa ng lamok ang gobyerno.   Dapat ay makiisa at makilahok ang mga mamamayan sa kampanya upang ito ay magtagumpay.

Ngunit dapat nilang maunawaan na ang paglahok ng mga mamamayan ay nakabatay sa halimbawa ng mga opisyal na naghahatid ng inspirasyon na makiisa.  Ang halimbawang ito ay higit na magbibigay kahulugan sa kanilang sinumpaang tungkulin at sa pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III na “kayo ang boss ko.”

Kilos mga Bulakenyo, iwaksi ang mga tamad na opisyal!

Pulitika ng pagkilala



Nakiisa ang Bulacan sa pakikidalamhati sa pamilya ng yumaong hari ng komedya na si Rodolfo “Dolphy” Vera Quizon na ang ina ay nagmula sa Barangay Wawa sa bayan ng Balagtas.

Dahil dito, inangkin ng pamahalaang panglalawigan ng Bulacan ang pagiging Bulakenyo ng komedyante na noong 1995 ay pinagkalooban ng parangal na Dangal ng Lipi, ang pinakamataas na pagkilala sa ipinagkakaloob ng kapitolyo sa mga Bulakenyo o may lahing Bulakenyo na nagtagumpay sa kanilang larangan.

Ngunit ang mga pagkilalalang ipinagkakaloob ng kapitolyo ay may kabalintunaan. Mas higit nilang pinapansin ang mga popular, samantalang dahop sa pagkilala sa tunay na Bulakenyong naghahatid ng karangalan sa lalawigan.

Isa halimbawa nito aya ng FutBulakenyos Football Club nagwagi ng unang kampeonato sa Central Luzon Football League (CLFL) na sinimulan noong Mayo 20.

Sa anim na magkakahiwalay na pakikipagtunggali ng FutBulakenyos sa iba pang koponan sa rehiyon, lahat ay tinalo nila.  Ito ay sa kawalan ng suporta at pondo sa mga lokal na pamahalaan at maging sa mga pamantasan sa lalawigan.

Panggasolina man sa sasakyan o pambili ng uniporme ay walang naipagkaloob ang mga ahensiya ng gobyerno sa lalawigan.  Ito ay sa kabila ng pahayag ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa mga lumahok sa State Colleges and Universities Athletics Association (SCUAA) noong Disyembre 2010 na nais niyang paunlarin ang larong football sa lalawigan.

Sa larangan naman ng imbensyon ay namayagpag si Kelvin Ghell Faundo ng Obando sa katatapos na International Exhibition for Young Inventors na isinagawa sa Bangkok Thailand nitong huling bahagi ng Hunyo.

Kung tutuusin ay maliit ang kontribusyon ng FutBulakenyos at ng imbentor na si Faundo, ngunit ang dapat bigyang pansin ng ating pamahalaan ay ang kanilang pagiging kabataan na maaaring magsilbing modelo sa kapwa kabataan.

Isa pang pagkukulan ng kapitolyo ay ang pagpapatigil sa taunang Gawad Gat Marcelo H. Del Pilar simula noong 2010.  Ang nasabing parangal ay nagbibigay pagkilala sa mga mamamahayag na Bulakenyo at naglalayong mapataas ang antas ng pamahahayag sa lalawigan.

Hindi sa hinihingi namin ang mga nabanggit na pagkilala, sa halip ipinababatid lamang natin sa mga namumuno sa kapitolyo ang ilang pagkukulang nila ayon na rin sa hamon ni Alvarado noong Agosto 30, 2010 na kung may pagkukulang sila, responsibilidad nating tawagin ang kanilang pansin o punan ito.

Hindi pa huli ang lahat, may panahon pa upang ituwid ang ilang pagkukulang.  Kailangan lamang ay ang tuwid na kaisipan na handang tumanggap sa pagkukulang at pagkakamali.

Tandaan natin, ang namumuno sa ating ay makakasing-galing lamang natin; at tayo ay makakasinggaling lamang ng namumuno sa atin.

Ito ang diwa ng demokratikong lipunan kung saan ang lahat ay magkakaugnay, maliban na lamang sa katotohanang sila ang naghahawak ng lukbutan ng bayan.