Tuesday, December 17, 2013

Takot



 
Hindi maitatangging mainit ang usapin ngayon sa hinggil sa panganib na hatid ng Angat Dam at naaantalang pagpapakumpuni dito na noong pang isang taon sinasabing ipapasubasta.

Sa mga tindahan, barberya , mga umpukan at maging sa social media partikular na sa Facebook.com ay iyan ang mga usap-usapan at paulit-ulit na nababanggit.

Marami ang nagsabing natatakot sila at may mga nagsasabing pananakot lamang ng ilang pulitiko balitang hinggil sa Angat Dam. Maging ang pahayagang ito ay inakusahang naging daluyan ng pananakot dahil sa mga balitang nailathala, partikular na sa aming website na Mabuhay Online (www,mabuhayonline.blogspot.com), fan page na Mabuhay Newspaper-Bulacan at account o pahinang Mabuhay Newspaper sa Facebook.com.

Ipagpaumanhin po ninyo kung naghatid ng takot sa inyo ang balitang aming hatid.  Ipagpaumanhin din po ninyo kung naabala naman ang inyong kaisipan dahil sa pagbabalita ng totoo sa sambayanang Bulakenyo.  Ipagpaumanhin na rin po ninyo kung ang aming balitang inihahatid ay hindi lamang mga balitang nais ninyong malaman, sa halip ay kalakip ang mga balitang dapat nating malamang lahat.

Ang totoo, ang mga taong nasa likod ng pahayagang Mabuhay ay may naunang natakot sa inyong lahat mula ng ng maunawaan ang panganib na nakamba sa dakilang liping Bulakenyo mula pa noong 2009 nang ito ay ihayag ni Dr. Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivocs).

Kami po ay natakot noon sa realisasyong iilang lingkod bayan natin ang nakinig sa babala ni Solidum. Natakot kami dahil sa mga namumuno sa mga pamahalaang lokal natin sa Bulacan ay abala sa maraming bagay ngunit hindi sa kaligtasan ng dakilang lahing Bulakenyo.

Natakot po kami para aming mga mambabasa na walang kamalay-malay sa panganib na nakaamba. Natakot kami para sa aming mga kapamilya, kaanak, kaibigan, kapitbahay, kababaryo, at mga kababayan. Natakot din kami sa aming sarili na maaaring madamay sa delubyong naka-abang sa ating lahat.

Ang totoo, natakot din kaming ibalita ang panganib na maaaring ihatid ng Angat Dam sa ating lahat dahil sa posibilidad na ito ay hindi maintidihan at maghatid ng pangamba sa marami.

Ito ang dahilan kung bakit naghintay kami ng ng mahabang panahon,ngunit sa paghihintay na iyan ay inunti-unti na namang ilahad ang panganib na nakaamba sa ating lahat.

Ang aming paghihintay ay nagbunga dahil na rin sa unti-unting namulat ang marami sa panganib ng kalamidad matapos masalanta ng lindol ang Bohol at ng bagyong Yolanda ang Visayas nitong Nobyembre. Ang dalawang kalamidad na ito ang naghatid sa ating sa kasalukuyan kalagayan na unti-unting nabuksan ang ating isipan sa mga panganib.

Kami po ay natatakot pa rin. Ngunit ang aming takot ay sa Panginoong Diyos na maaari kaming singilin sa pagtalikod sa responsibilidad na ilahad ang katotohanan.

Totoo.Tayo ay natakot pa rin. Pero mas makabubuting ang takot sa ating dibdib ay isantabi at palitan ng lakas ng loob ng paninindigan sa katotohanan, ng pananalig sa Diyos at ng bukas na isipan para sa isang may payapa ay maligayang Pasko.(-30-)