Tuesday, March 13, 2012

EDITORYAL: 50-taon ng pananalig (March 9-15)


Magandang balita ang hatid ng mga mensaheng binigkas ng matataas na opisyal ng simbahang katoliko sa pagdiriwang ng ika-50 Jubileo ng Diyosesis ng Malolos.

Binigyan nila ng papuri ang matibay na pananalig sa Diyos ng mga kasapi ng diyosesis na nagsilbing isa sa mga sandigan ng nito sa nagdaang 50-taon, bukod sa mapagpalang grasya o kagandahang loob ng Diyos.

Dahil dito, sinabi ni Gaudencio Cardinal Rosales, ang dating arsobispo ng Maynila na dapat humanda ang mga Bulakenyo dahil mas marami pang biyayang ipagkakaloob ng Diyos.  Ang pahayag na ito ay isa sa mga halimbawa ng katapatan ng Diyos sa kanyang bayang naging matapat sa kanya na ayon sa Banal na Aklat ay “hindi ko kayo pababayaan.”

Marami ang umaasa sa mayamang biyayang sinambit ng obispo sapagkat marami ang naniniwala na ang mga biyayang iyon ay magkakahugis sa pamamagitan ng materyal na bagay. Posible. Pero, tandaan natin ang payo ng Panginoong Hesus sa mga tao na ang “ipunin ay kayamanang di nabubulok” o ang kayamanang espiritwal na sa langit makakamtan.

Ito ang dalawang mukha ng pangako ng Diyos sa tao. Ngunit, sa lupa man o sa langit ipagkaloob ang biyaya, tiyak na ipagkakaloob ito dahil ang pangako ng Diyos ay hindi nagbabago. 

Ito ay nangangahulugan na habang naririto tayo ay lupa ay tatanggap pa rin tayo ng mayamang biyaya ng Diyos.  Pero dapat di nating tandaan ang paalala ng simbahan na “nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”

Sa diwang ito, nais ng Mabuhay na ipaalala sa bawat Bulakenyo, katoliko man o hindi, na mayroon tayong obligasyon sa ating bayan at kapwa mamamayan.  Gawin natin ang ating obligasyon bilang mabuting mamamayan, at iwaksi ang gawang masama.

Ito ay tumutugon din sa mga nilalaman ng 10-Utos ng Diyos na nasaad sa Bibliya kung saan ay nilinaw ang papel ng bawat tao sa Diyos at sa kanyang kapwa tao.  Ang mabuting relasyon natin sa kapwa tao ay isang paggalang sa Diyos na lumikha sa atin; at ayon sa katuruan ng simbahan, ang bawat tao ay sakramento ng Diyos, o daluyan ng kanyang grasya o kagandahang loob.

Sa huli, ipinapaalala namin ang buod ng mensahe ni Obispo Luis Antonio Tagle ng Maynila na nakabatay pa rin sa nilalaman ng Bibliya na nagsasabing, “walang halaga ang pananampalatayang hindi nasasagkapan ng gawa.”

Patunayan natin an gating pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng ating mabuibuting gawa, ngayon!  (END)

EDITORYAL: Pitak ng pag-unlad, (March 2-8)


EDITORYAL: Pitak ng pag-unlad

Kahanga-hanga ang ipinakitang determinasyon ng mga kabataang Bulakenyo sa magkakaugnay na balitang inilathala ng Mabuhay sa linggong ito.

Una, muling namayani ang manlalarong Bulakenyo sa katatapos na Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) na isinagawa sa lalawigan ng Zambales noong Pebrero 19 hanggang 24.

Ikalawa ay ang pagsungkit ng mga mag-aaral ng Dr. Yanga Colleges Inc., (DYCI) High School sa kampenonato ng First Lego League (FLL) noong Pebrero 25 na maghahatisa kanila upang katawanin ang bansa sa FLL World Festival sa Estados Unidos sa Abril.

Ikatlo, tinanghal na bar topnotcher si Raoul Angelo Atadero ng Lungsod ng Meycauayan sa matapos makakuha ng pinakamataas na puntos sa isinagawang bar examination noon Nobyembre.  Ang resulta ay inilabas noong Pebrero 29.

Tatlong mamamahayag naman sa lalawigan ang binigyan ng pagkilala ng Bulacan State Unioversity dahil sa kanilang kontribusyon sa papataas ng kasanayan ng mag-aaral ng pamamahayag sa nasabing pamantasan; samantalang lumahok ang mga Bulakenyong may kapansanan sa isinagawang Kite Making and Flying Festival na isinagawa sa Baliuag.

Ang mga kuwentong ito ay nagpapatunay lamang na ang mga Bulakenyo ay handang harapin ang mga pagsubok, may kapansanan o wala, at abutin ang matataas na karangalan sa larangang kanilang pinasok.

Sa madaling salita, ang kailangan lamang ng mga Bulakenyo ay ang tinatawag na “break” o pagkakataon upang patunayan ang kanilang kakayahan bunsod ng nag-aalab na determinasyon upang maabot ang pinakamataas na antas ng kahusayan o pagpapakainam (excellence).

Ngunit hindi lahat ng Bulakenyo ay kasingpalad ng mga nabanggit.  Batay sa mga tala na naipon ng Mabuhay, marami ang nabiktima ng karahasan, o naging bahagi ng maling gawain—ang kabilang dulo ng pagpapakainam.

Sa diwang ito, muli naming hinahamon ang mga namumunong lingkod bayan sa ating mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang isang ligtas, payapa at may takot sa Diyos na pamayanan sa lalawigan upang higit  na mapayabong ng mga Bulakenyo ang kanilang kakayahan.

Ipinapaalala rin ng Mabuhay na ang pamumudmod ng tulong o mga “dole-out” sa mga mamamayan ay isang hadlang sa kaunlaran ng kakayahan ng ng taumbahay dahill ang kailangan ng sambayanan ay isang mapagkakatiwalaang sistema na tumutugon sa pangkalahatang pangangailangan.
Bigyang daan po natin ang pitak ng pagunlad ng mamamayan; at hindi ang pakinabang na pampulitika.

Friday, March 2, 2012

Gising, Bulakenyo! (Pebrero 10-16)

Gising, Bulakenyo!

Napapanahon ang plano ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na pagkakaloob ng "Seal of Disaster Preparedness" sa taong ito sa mga namumuno sa mga pamahalaang lokal dahil sa halos tuwing ikalawang buwan ay nasasalanta ng kalamidad ang mga bahagi ng bansa.

Noong Setyembre at Oktubre ay lumubog sa baha ang Hagonoy at Calumpit; nasundan pa ito mas mapanalantang pagbaha sa mga lungsod ng Cagayan De Oro at Iligan sa Mindanao noong Disyembre 16; at ngayong buwan ay nasalanta naman ng malakas na paglindol ang mga bayan at lalawigan sa isla ng Negros.

Hindi biro ang mga kalamidad na ito dahil bukod sa nagiging sanhi ito ng pagkasawi ng maraming buhay, nasasalanta nnito ang kabuhayan ng mamamayan.  Ang puntong ito ay binigyang diin nina Pangulong Aquino at Gob. Joey Salceda ng Albay noong Nobyembre 25 sa pagsasagawa ng kauna-unahang national media conference on climate change.

Sa nasabing kumperensiya, ipinahayag ni Salceda na nang manalasa ang bagyong Reming sa kanilang lalawigan noong 2006, halos 50 porsyento ng kabuhayan at ekonomiya ng Albay ang nasalanta sa loob lamang ng may anim na oras.

Sa lalawigan ng Bulacan, iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office na umabot sa P2.5-Bilyon piso ang tinatayang halaga ng pinsalang hatid ng may dalawang linggong pagbaha noong Setyembre at Oktubre.  Hindi biro ang halagang ito, lalong higit ang panahon na ginugol ng mga mamamayan na pagpupundar ng kagamitan kabuhayang napinsala.

Sa diwang ito, nais muling gisingin ng Mabuhay ang natutulog na diwa ng maraming lingkod bayan sa lalawigan dahil sa matapos manalasa ang pagbaha sa Bulacan ay parang muling nakalimot.

Marami sa kanila ang nalibang sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon kung kailan ay maihahalintulad sila kay Santa Claus sa pamamahagi ng mga regalo; samantalang nakalimutan ang paglalaan ng pondo para sa pagpapataas ng antas ng kaalaman at kakayahan ng mamamayang Bulakenyo sa paghahanda at paglaban sa kalamidad.

Muli, ipinaaalala ng Mabuhay sa mga lingkod bayan na hindi sapat ang pamamahagi ng relief goods kapag may kalamidad.  Kung nais bigyan ng kabuluhan ng mga lingkod bayan sa lalawigan ang kanilamng sinumpaang tungkulin na bigyang proteksyon ang mamamayang kanilang nasasakupan, nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ang paghahanda sa paglaban sa kalamidad.

Harinawa’y tugunin ito ng mga pinuno ng mga pamahalaang lokal sa lalawigan upang sila ay maging kwalipikado rin sa ibibigay na pagkilala ng Department of Interior and Local Government (DILG) na “Seal of Disaster Preparedness” sa taong ito.

Gob, kilos na! (Pebrero 17-23)

Nakapapangamba ang mga kaganapan sa bansa sa nagdaang halos anim na buwan kung kailan ay magkakasunod na trahedya ang naganap hatid ng kalamidad.

Noong Setyembre at Okrubre, nasalanta malalim at malawakang pagbaha ang Bulacan; kasunod ay ang mga lungsod ng Cagayan De Oro at Iligan noong Disyembre na binaha rin.  Ngayong Pebrero, lindol at pagbaha naman ang sumagasa sa Cebu, Negros at Bicol.

Bukod sa pagkasawi ng maraming buhay, kasamang nasalanta ang bilyon-bilyong pisong halaga ng mga ari-arian at imprastraktura; samantalang maraming pangarap ang naglaho.

Ngunit ang higit na nakakapangamba ay parang hindi natuto ang mga namumuno sa mga pamahalaang lokal.  Ilan sa kanila ay nagsabing, “wake up call ito,” at “babala na ito ng Diyos.”

Kung pagbabatayan ang kanilang mga naging pagkilos, lumalabas na ang kanilang mga pahayag na ang kalamidad ay paraan ng paggising o pagtawag pansin ng Diyos sa mga mamamayan at hindi sa kanila.  Nakalulungkot, sapagkat karaniwan nilang sinasabi pagkatapos ng halalan na ang “tinig ng bayan ay ang tinig ng Diyos” na nangangahulugan na sila ang pinili ng Diyos upang mamumuno, ngunit kapag nanalasa ang kalamidad parang hindi sa kanila nangungusap ang Diyos.

Higit na nakalulungkot ang pananaw at ugali ng mga lokal na opisyal.  Bawat isa sa nakatingala sa mas nakataaas sa kanila, naghihintay ng aksyon.  Ang mga kapitan ay naghihintay ng aksyon sa mga alkalde, ang mga akalde ay sa mga kongresista at gobernador, ang gobernador ay sa Pangulo ng bansa at mga Senador.

Nagaganap din sa Bulacan ang kabalintunaang ito na ang mga opisyal ay nakatingala sa mga “diyos-diyosang” nakatataas sa kanila. Isang halimbawa ay si Gob. Wilhelmino Alvarado na mula pa noong 2009 ay nagpahayag na ng posibilidad ng malawakang kalamidad dahil sa ang Angat Dam ay nakaupo di kalayuan sa Marikina West Valley Fault line, batay sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ang babalang ito ay tinugon na ng Malakanyang sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pa-aaral sa katatagan ng Angat Dam, ngunit ang kulang ay ang katapat na paghahanda ng lalawigan sa pamamagitan ng pagbuo ng isang malinaw na Emergency Action Plan (EAP) na dapat ipaunawa sa taumbayan upang sila mismo ay makatugon ng akma sa panahon ng kalamidad.

Sa diwang ito, nais ipaunawa ng Mabuhay sa mga namumuno sa Bulacan sa pangunguna ni Alvarado na hindi sapat ang pagtawag pansin sa mas higit na nakataaas na opisyal ng pamahalaan.  Ang kailangan ay ang pagkakaroon ng kusang palo o sariling pagkilos upang magkaroon ng kahulugan ang kanilang ipinahahayag na mga babala, at ang sinumpaang tungkulin na bigyang proteksyon ang mamamayang Bulakenyo.

Bilang isang pahayagang naglilingkod sa lalawigan mula noong 1980, ito ay hindi isang pagbatikos, sa halip ay isang pagpapaalala kay Alvarado na noong Agosto 30, 2011 ay nagbigay ng hamon sa mga mamamahayag sa lalawigan na magsilbing propeta ng lipunan at sumalangsang sa kanya upang maituwid ang pagkakamali o mapunan ang kanyang pagkukulang.

Gob, kilos na!

Thursday, March 1, 2012

Sama-sama saan? (Feb. 24-Mar.1)

May basehan ang pangamba ng mga negosyante ay iba pang mamamayang Bulakenyo:  Sunod-sunod ang insidente ng krimen sa lalawigan sa nagdaang isang buwan na tinampukan ng mga pamamaslang, pagnanakaw at iba pang karahasahan, kung saan ay mga kagawad ng pulisya ang nasasangkot.

Para sa mga opisyal, nananatili daw mababa ang kriminalidad sa lalawigan, at ang tanging problema ay nagkasunod-sunod ito.  Sa kalagayang ito,muling nananawagan ang ilan sa kanila para masugpo ng kriminalidad at ang kanila solusyon ay ang gasgas na panawagang “tulong-tulong” at “sama-sama.”

Ang panawagang ito ng mga lingkod bayan ay sumasalamin sa matandang kaugaliang “bayanihan” na karaniwang inilalarawan sa pamamagitan ng pagbuhat ng mga mamamayan sa isang bahay.

Maganda ang panawagang ito,ngunit kulang sa pag-unawa ang mga lingkod bayang namumuno sa mga pamahalaang lokal sa lalawigan.  Ang kanilang nakikita ay ang larawan ng samsa-samang pagbuhay sa bahay, ngunit hindi ang kanilang responsibilidad na mamumuno at magbigay ng malinaw na direksyon.

Sa nagdaang panahon, ang bayanihan sa pagbuhay ng bahay o paglinang sa bukid o paghuhukay at paglilinis sa mga kanal ng patubig ay tinatampukan ng direksyong hatid ng tagapamuno.  Siya ang nagmamando kung ano ang gagawin at alin ang uunahin, kung saan dadaan, at kung ano ang mga gagamitin.

Sa kasalukuyang panahon, kritikal pa rin ang direksyong hatid ng mga namumunong lingkod bayan sa pagtugon sa problemang pampamayaman, katulad ng kriminalidad.  Ngunit ang katanungan, nasaan at ano ang direksyong dapat tahakin ng mga mamamayang pinayuhang magsama-sama at magtulong-tulong?

May mga numero bang matatawagan ang mga mamamayan upang iulat ang krimen?  Gaano kabilis ang magiging pagtugon ng mga pulis sa krimen at may sapat ba silang kasanayan?

Ito ay ilan lamang sa mga katanungang dapat sagutin ng mga namumunong lingkod bayan sa ating dakilang lalawigan bago nila hikayating ang bawat mamamayan para magsama-sama at magtulong-tulong sa pagsugpo sa krininalidad.

Kiung walang malinaw na paghahanda, kasanayan ang mga pulis na dapat manguna sa pagsugpo mga krimen, walang silbi ang panghihikaya’t ng mga lingkod bayan sa mga taumbayan para sa isang bayanihan.

Sa diwang ito, hinahamon ng pahayagang Mabuhay ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan sa pangunguna ng kapitolyo at ng panglalawigang pulisya na tukuyin at linawin ang direksyong dapat tahakin sa pagsugpo sa kriminalidad kung nais nila ng pakikiisa ng mamamayan.

Tandaan natin, nakahandang aariin ng mamamayan ang responsilidad sa inyong hamon, ngunit kailangan ay malinaw ang papel ng bawat isa, at matukoy ang sistemang gagalawan.