Thursday, March 1, 2012

Sama-sama saan? (Feb. 24-Mar.1)

May basehan ang pangamba ng mga negosyante ay iba pang mamamayang Bulakenyo:  Sunod-sunod ang insidente ng krimen sa lalawigan sa nagdaang isang buwan na tinampukan ng mga pamamaslang, pagnanakaw at iba pang karahasahan, kung saan ay mga kagawad ng pulisya ang nasasangkot.

Para sa mga opisyal, nananatili daw mababa ang kriminalidad sa lalawigan, at ang tanging problema ay nagkasunod-sunod ito.  Sa kalagayang ito,muling nananawagan ang ilan sa kanila para masugpo ng kriminalidad at ang kanila solusyon ay ang gasgas na panawagang “tulong-tulong” at “sama-sama.”

Ang panawagang ito ng mga lingkod bayan ay sumasalamin sa matandang kaugaliang “bayanihan” na karaniwang inilalarawan sa pamamagitan ng pagbuhat ng mga mamamayan sa isang bahay.

Maganda ang panawagang ito,ngunit kulang sa pag-unawa ang mga lingkod bayang namumuno sa mga pamahalaang lokal sa lalawigan.  Ang kanilang nakikita ay ang larawan ng samsa-samang pagbuhay sa bahay, ngunit hindi ang kanilang responsibilidad na mamumuno at magbigay ng malinaw na direksyon.

Sa nagdaang panahon, ang bayanihan sa pagbuhay ng bahay o paglinang sa bukid o paghuhukay at paglilinis sa mga kanal ng patubig ay tinatampukan ng direksyong hatid ng tagapamuno.  Siya ang nagmamando kung ano ang gagawin at alin ang uunahin, kung saan dadaan, at kung ano ang mga gagamitin.

Sa kasalukuyang panahon, kritikal pa rin ang direksyong hatid ng mga namumunong lingkod bayan sa pagtugon sa problemang pampamayaman, katulad ng kriminalidad.  Ngunit ang katanungan, nasaan at ano ang direksyong dapat tahakin ng mga mamamayang pinayuhang magsama-sama at magtulong-tulong?

May mga numero bang matatawagan ang mga mamamayan upang iulat ang krimen?  Gaano kabilis ang magiging pagtugon ng mga pulis sa krimen at may sapat ba silang kasanayan?

Ito ay ilan lamang sa mga katanungang dapat sagutin ng mga namumunong lingkod bayan sa ating dakilang lalawigan bago nila hikayating ang bawat mamamayan para magsama-sama at magtulong-tulong sa pagsugpo sa krininalidad.

Kiung walang malinaw na paghahanda, kasanayan ang mga pulis na dapat manguna sa pagsugpo mga krimen, walang silbi ang panghihikaya’t ng mga lingkod bayan sa mga taumbayan para sa isang bayanihan.

Sa diwang ito, hinahamon ng pahayagang Mabuhay ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan sa pangunguna ng kapitolyo at ng panglalawigang pulisya na tukuyin at linawin ang direksyong dapat tahakin sa pagsugpo sa kriminalidad kung nais nila ng pakikiisa ng mamamayan.

Tandaan natin, nakahandang aariin ng mamamayan ang responsilidad sa inyong hamon, ngunit kailangan ay malinaw ang papel ng bawat isa, at matukoy ang sistemang gagalawan.

No comments:

Post a Comment