Sunday, January 27, 2013

FOI nasa ICU: Kaligtasan nasa kamay ni P-Noy




NASA bingit ng kamatayan ang Freedom of Information (FOI) bill.

Dahil anim na session days na lang ang  natitira bago muling magsasara ang House of Representatives para sa kampanya ng eleksyon sa Mayo 2013, bukod tangjng isang milagro ang maaring magligtas sa panukalang batas -- isang sertipikasyon na ito ay dapat na dagliang maisabatas, mula kay Pangulong Aquino mismo.

Hindi na nga dapat umabot pa sa ICU ang FOI bill kundi lang walang ginawa ang Kamara sa nakalipas na tatlong session days nito nuong nakaraang linggo.

Lunes, unang araw ng sesyon, hindi man lang nailista sa Order of Business ng Kamara ang FOI bill, kahit na nuon pang Disyembre 18, 2012 pa ito naipaabot sa House Committee on Rules. Sa ikalawa't ikatlong araw, nai-schedule nga ang sponsorship speeches at debate sa plenaryo ng FOI bill pero biglang nagbababala ang isang mambabatas na kikuwestiyunin niya ang kawalan ng quorum dahil sa mosyon niyang parokyal at makasarili. Ang buong Kamara'y naging animo hostage sa tantrum ng mambababatas.

Gayunman, pinayagan ng liderato ang tatlong privilege speeches, at lagpas isang oras na interpelasyon sa isa, nuong ikatlong araw. Pero ni isang minuto, hindi man lang nailaan sa pagtalakay ng FOI bill.

Ang mga pangyayari nitong nakalipas na linggo ay nagpapatibay na may sabwatang nagaganap sa Kamara para kitlin ang buhay ng FOI bill. Ito ay sa pangunguna ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. at Majority Leader Neptali Gonzales II, at kasama ang palagiang absent na mga mambabatas bilang kakutsaba.

Binuksan ni Belmonte ang sesyon nuong Lunes, ngunit matapos iyon, siya at si Gonzales ay hindi na nagapakita sa sessiin hall hanggang dumating ang ikatlong araw. Ilang minuto silang nagpakita nuong MIyerkules. Tila iyon ang hangganan ng kanilang liderato sa Kamara na walang ginawa para bigyang ng dagliang aksyon ang FOI bill sa harap ng pag-iinarte ng isang mambabatas.

Pero paulit-ulit bago ito, nagpahayag pa si Belmonte at Gonzales na nais nilang paspasan na ang debate sa plenaryo ukol sa panukalang batas. Isang saglit na naisip ng mga nagsusulong ng FOI baka seryoso na at hindi na nambobola ang dalawa ukol sa panukala.

Ngunit nailinaw nitong nakalipas na linggo: kasunod ng pambobola, narito na ang kutsabahan para patayin ang FOI bill sa bisa ng kapalpalpakan ng liderato, talamak na absenteeism ng maraming mambabatas, at pag-iinarte ng isa.

Umaalingasaw na ang amoy ng kamatayan ng FOI bill sa Kamara. Napanood na natin ang bodabil na ito nuong 14th Congress sa ilalim ni Speaker Prospero Nograles Jr., liban nga lang sa isang pagbabago ng script: Ang 15th Congress ni Belmonte ay pabalat-bungang naninindigan daw para sa FOI bill ngunit sabay din ang samu't saring palusot para pigilan ang pagsasabatas nito.

Matibay ang pruweba na binigo ng Kamara ni Belmonte ang mga mamamayan sa isyu ng FOI bill.

Una, dapat sana'y napigilan ang pag-iinarte ng mambabatas na nagkukuwestiyon ng quorum sa tuwing tatalakayin na ang FOI bill.

Ikalawa, ang Rules Committee na pinamumunuan ni Gonzales ay may kapangyarihang magdesisyon sa mga usaping nasa agenda ng Kamara. Wala itong ginawa para sa FOI bill na nasa agenda naman ng sesyon.

Ikatlo, ang kawalan ng quorum ay hindi dapat pinoproblema ng mga mamamamayang nagsusulong ng FOI bil. Napakalaki ng sweldo at napakataba ng pork barrel ng mga mambabatas at kapalit nito, minimum na obligasyon nila ang umattend sa lahat ng sesyon ng Kamara at gumawa ng batas. Ang pagdisiplina sa mga mambabatas na palagiang absent ay tungkulin nila Belmonte at Gonzales.

Ikaapat, dapat sana'y idineklara na nila Belmonte at Gonzales na urgent legislation ang FOI bill alinsunod sa Rule X, Section 52, ng House Rules, upang malinaw ang timetable para sa debate at botohan para rito.

At pinakamahalaga sa lahat, nuon pa ma'y dapat pinigil na nila Belmonte at Gonzales ang pagpapa-delay sa talakayan sa FOI bill mula sa Committee on Public Information ni Rep. Ben Evardone, upang hindi na kinapos ang panahon sa pagsasabatas nito.

Ang totoo'y dahil matagal na nagpatumpik-tumpik si Evardone, ang mga mambabatas na nagsusulong ng FOI bill ay nagsagawa na ng initiative ayon sa Rule IX, Section 37, Par. 1 ng House Rules. Pinapayagan nito ang pagsasagawa ng committee hearing, sa mosyon ng one-fourth ng committee members.

Nang makita ni Belmote ang notice of hearing ng mga mambababatas, nakiusap siyang hayaan na lang nila si Evardone na magtawag ng hearing sa FOI bill, kaya lalong nabimbin ang panukala,

Tatlong session days na ang nalustay, at anim na lamang ang natitira. Sa ngayon, tanging isang bagay lang ang makapagliligtas sa FOI bill: Sertipikasyon mula kay Pangulong Aquino na ito ay dapat maisabatas, agad-agad.

Tatlong taon nakalipas nuong 2010, bilang kandidato sa pagka-pangulo, nangako si Aquino na isusulong niya ang FOI bill at itututing itong top priority kapag siya'y naluklok sa
Westo. Ngayo't Pangulo na siya, at chairman pa ng namumunong Liberal Party coalition sa Kamara, may kapangyarihan at obligasyon siya na tupdin ang kanyang pangako, at iligtas ang isang batas na nagsusulong sa karapatan ng mga mamamayan sa impormasyon, at sa pamahalaang bukas at tapat -- mga karapatang garantisado ng Konstitusyon.

Kung hindi ito mangyayari, tila lumagapak na rin ang Pangulo sa isang napakahalagang pagsubok ng kanyang liderato, Kung siya'y di kikibo at kikilos, sa harap ng pagkitil sa FOI ng kanyang mga kapartido, tila sjya'y nagpapabilang na rin sa hanay ng nga pumatay sa FOI bill.

Ngayong araw na ito, muling magmamartsa sa Mendiola ang mga mamamayan upang idulog sa pintuan ng Pangulo ang FOI bill, nanlulumo, naghihingalo. Iligtas ang batas, kayang gawin ng Pangulo. Patayin ang batas, kaya ring gawin ng Pangulo. Sa ngalan ng Konstitusyon, ng mga mamamayan, at ng daang matuwid, isa lamang ang tamang aksyon: I-sertipika ng Pangulo na dapat isabatas ang FOI bill, agad-agad!