NASA
bingit ng kamatayan ang Freedom of Information (FOI) bill.
Dahil
anim na session days na lang ang
natitira bago muling magsasara ang House of Representatives para sa
kampanya ng eleksyon sa Mayo 2013, bukod tangjng isang milagro ang maaring
magligtas sa panukalang batas -- isang sertipikasyon na ito ay dapat na
dagliang maisabatas, mula kay Pangulong Aquino mismo.
Hindi
na nga dapat umabot pa sa ICU ang FOI bill kundi lang walang ginawa ang Kamara
sa nakalipas na tatlong session days nito nuong nakaraang linggo.
Lunes,
unang araw ng sesyon, hindi man lang nailista sa Order of Business ng Kamara
ang FOI bill, kahit na nuon pang Disyembre 18, 2012 pa ito naipaabot sa House
Committee on Rules. Sa ikalawa't ikatlong araw, nai-schedule nga ang
sponsorship speeches at debate sa plenaryo ng FOI bill pero biglang nagbababala
ang isang mambabatas na kikuwestiyunin niya ang kawalan ng quorum dahil sa
mosyon niyang parokyal at makasarili. Ang buong Kamara'y naging animo hostage
sa tantrum ng mambababatas.
Gayunman,
pinayagan ng liderato ang tatlong privilege speeches, at lagpas isang oras na
interpelasyon sa isa, nuong ikatlong araw. Pero ni isang minuto, hindi man lang
nailaan sa pagtalakay ng FOI bill.
Ang
mga pangyayari nitong nakalipas na linggo ay nagpapatibay na may sabwatang
nagaganap sa Kamara para kitlin ang buhay ng FOI bill. Ito ay sa pangunguna ni
Speaker Feliciano Belmonte Jr. at Majority Leader Neptali Gonzales II, at
kasama ang palagiang absent na mga mambabatas bilang kakutsaba.
Binuksan
ni Belmonte ang sesyon nuong Lunes, ngunit matapos iyon, siya at si Gonzales ay
hindi na nagapakita sa sessiin hall hanggang dumating ang ikatlong araw. Ilang
minuto silang nagpakita nuong MIyerkules. Tila iyon ang hangganan ng kanilang
liderato sa Kamara na walang ginawa para bigyang ng dagliang aksyon ang FOI
bill sa harap ng pag-iinarte ng isang mambabatas.
Pero
paulit-ulit bago ito, nagpahayag pa si Belmonte at Gonzales na nais nilang
paspasan na ang debate sa plenaryo ukol sa panukalang batas. Isang saglit na
naisip ng mga nagsusulong ng FOI baka seryoso na at hindi na nambobola ang
dalawa ukol sa panukala.
Ngunit
nailinaw nitong nakalipas na linggo: kasunod ng pambobola, narito na ang
kutsabahan para patayin ang FOI bill sa bisa ng kapalpalpakan ng liderato,
talamak na absenteeism ng maraming mambabatas, at pag-iinarte ng isa.
Umaalingasaw
na ang amoy ng kamatayan ng FOI bill sa Kamara. Napanood na natin ang bodabil
na ito nuong 14th Congress sa ilalim ni Speaker Prospero Nograles Jr., liban
nga lang sa isang pagbabago ng script: Ang 15th Congress ni Belmonte ay
pabalat-bungang naninindigan daw para sa FOI bill ngunit sabay din ang samu't
saring palusot para pigilan ang pagsasabatas nito.
Matibay
ang pruweba na binigo ng Kamara ni Belmonte ang mga mamamayan sa isyu ng FOI
bill.
Una,
dapat sana'y napigilan ang pag-iinarte ng mambabatas na nagkukuwestiyon ng
quorum sa tuwing tatalakayin na ang FOI bill.
Ikalawa,
ang Rules Committee na pinamumunuan ni Gonzales ay may kapangyarihang
magdesisyon sa mga usaping nasa agenda ng Kamara. Wala itong ginawa para sa FOI
bill na nasa agenda naman ng sesyon.
Ikatlo,
ang kawalan ng quorum ay hindi dapat pinoproblema ng mga mamamamayang
nagsusulong ng FOI bil. Napakalaki ng sweldo at napakataba ng pork barrel ng
mga mambabatas at kapalit nito, minimum na obligasyon nila ang umattend sa
lahat ng sesyon ng Kamara at gumawa ng batas. Ang pagdisiplina sa mga
mambabatas na palagiang absent ay tungkulin nila Belmonte at Gonzales.
Ikaapat,
dapat sana'y idineklara na nila Belmonte at Gonzales na urgent legislation ang
FOI bill alinsunod sa Rule X, Section 52, ng House Rules, upang malinaw ang timetable
para sa debate at botohan para rito.
At
pinakamahalaga sa lahat, nuon pa ma'y dapat pinigil na nila Belmonte at
Gonzales ang pagpapa-delay sa talakayan sa FOI bill mula sa Committee on Public
Information ni Rep. Ben Evardone, upang hindi na kinapos ang panahon sa
pagsasabatas nito.
Ang
totoo'y dahil matagal na nagpatumpik-tumpik si Evardone, ang mga mambabatas na
nagsusulong ng FOI bill ay nagsagawa na ng initiative ayon sa Rule IX, Section
37, Par. 1 ng House Rules. Pinapayagan nito ang pagsasagawa ng committee
hearing, sa mosyon ng one-fourth ng committee members.
Nang
makita ni Belmote ang notice of hearing ng mga mambababatas, nakiusap siyang
hayaan na lang nila si Evardone na magtawag ng hearing sa FOI bill, kaya lalong
nabimbin ang panukala,
Tatlong
session days na ang nalustay, at anim na lamang ang natitira. Sa ngayon,
tanging isang bagay lang ang makapagliligtas sa FOI bill: Sertipikasyon mula
kay Pangulong Aquino na ito ay dapat maisabatas, agad-agad.
Tatlong
taon nakalipas nuong 2010, bilang kandidato sa pagka-pangulo, nangako si Aquino
na isusulong niya ang FOI bill at itututing itong top priority kapag siya'y
naluklok sa
Westo.
Ngayo't Pangulo na siya, at chairman pa ng namumunong Liberal Party coalition
sa Kamara, may kapangyarihan at obligasyon siya na tupdin ang kanyang pangako,
at iligtas ang isang batas na nagsusulong sa karapatan ng mga mamamayan sa
impormasyon, at sa pamahalaang bukas at tapat -- mga karapatang garantisado ng
Konstitusyon.
Kung
hindi ito mangyayari, tila lumagapak na rin ang Pangulo sa isang napakahalagang
pagsubok ng kanyang liderato, Kung siya'y di kikibo at kikilos, sa harap ng
pagkitil sa FOI ng kanyang mga kapartido, tila sjya'y nagpapabilang na rin sa
hanay ng nga pumatay sa FOI bill.
Ngayong
araw na ito, muling magmamartsa sa Mendiola ang mga mamamayan upang idulog sa
pintuan ng Pangulo ang FOI bill, nanlulumo, naghihingalo. Iligtas ang batas,
kayang gawin ng Pangulo. Patayin ang batas, kaya ring gawin ng Pangulo. Sa
ngalan ng Konstitusyon, ng mga mamamayan, at ng daang matuwid, isa lamang ang
tamang aksyon: I-sertipika ng Pangulo na dapat isabatas ang FOI bill,
agad-agad!
No comments:
Post a Comment