Sa
mahabang panahon ay ipinakilala at itinuro sa atin ng mga libro ng kasaysayan
si Gat Marcelo H.Del Pilar bilang isang dakilang propagandista at abogado.
Siya
ay niyakap ng pamahlaang panglalawigan bilang panglalawigang bayani, at ng mga
mamamahayag sa bansa bilang modelo ng isang matapang at makatotohanang
pamamahayag.
Ngunit
batay sa pananaliksik ni King Cortez, ang pagkakakilala nating ito kay Del Pilar
na kilala sa kanyang pangalan sa panulat bilang Plaridel ay kapos at hindi
sapat.
Ito
ay dahil na rin sa pagkukulang ng pagtuturo sa atin ng mga libro ng kasaysayan
at mga historyador na ang pangunahing responsibilidad ay ipabatid sa madla ang
bunga ng kanilang pananaliksik upang ang kasalukuyang salinlahi ay makapuloy
ng aral mula sa nagdaang panahon at buhay ng mga bayaning nagsakripisyo ng buhay
para sa ating bayan.
Batay
sa pananaliksik ni Cortez, hindi lamang isang propagandista si Plaridel. Sa halip ay siya ang utak ng pagbuo at
pagtatayo sa Kilusang Katipunan na karaniwang inuugnay kay Gat Andres Bonifacio
na itinuturing na Supremo ng Katipunan.
Ito
ay nangangahulugan na ang Kilusang Propaganda na naiugnay kina Plaridel, Dr. Jose
Rizal, Mariano Ponce at Graciano Lopez-Jaena ay hindi hiwalay sa Kilusang
Katipunan.
Sa
halip,ang Kilusang Propaganda ay bahagi lamang ng mas malawak na Kilusang
Katipunan na ang pangunahing layunin ay ang pagkakaroon ng reporma sa noo’y
pamahalaang Kastila sa Pilipinas; at sa huli ay ang pagpapalaya ng Pilipinas
mula sa tanikala ng pananakop ng Espanya.
Batay
sa pananaliksik ni Cortez sa mga nalathalang salaysay ng mga kasapi ng
katipunan, si Plaridel ang nagplano at nag-udyok sa mga kaibigan na magbuo at
magtayo ng kilusang Katipunan sa bansa at sa ibayong dagat.
Si
Plaridel din ang responsible sa pagbabalangkas at pagbuo ng Saligang Batas ng
Katipunan na sa mahabang panahon ay nalihim sa
marami sa atin.
Ang
pananaliksik ni Cortez ay simula pa lamang ng panibagong yugto sa kasaysayan ng
bansa at buhay niPlaridel.
Ito
ay marapat na suportahan ng bawat
Bulakenyo at mga pamahalaang lokal sa lalawigan, partikular na ang pamamahagi
ng mga ililimbag na libro upang sa gayon ay higit na mapalawak ang pagkakaunawa
ng maraming Pilipino sa naging kontribusyon ni Plaridel sa paglaya ng ating
bansa.