Wednesday, July 2, 2014

Si Plaridel at ang Katipunan





Sa mahabang panahon ay ipinakilala at itinuro sa atin ng mga libro ng kasaysayan si Gat Marcelo H.Del Pilar bilang isang dakilang propagandista at abogado.

Siya ay niyakap ng pamahlaang panglalawigan bilang panglalawigang bayani, at ng mga mamamahayag sa bansa bilang modelo ng isang matapang at makatotohanang pamamahayag.

Ngunit batay sa pananaliksik ni King Cortez, ang pagkakakilala nating ito kay Del Pilar na kilala sa kanyang pangalan sa panulat bilang Plaridel ay kapos at hindi sapat.


Ito ay dahil na rin sa pagkukulang ng pagtuturo sa atin ng mga libro ng kasaysayan at mga historyador na ang pangunahing responsibilidad ay ipabatid sa madla ang bunga ng kanilang pananaliksik upang ang kasalukuyang salinlahi ay makapuloy ng aral mula sa nagdaang panahon at buhay ng mga bayaning nagsakripisyo ng buhay para sa ating bayan.

Batay sa pananaliksik ni Cortez, hindi lamang isang propagandista si Plaridel.  Sa halip ay siya ang utak ng pagbuo at pagtatayo sa Kilusang Katipunan na karaniwang inuugnay kay Gat Andres Bonifacio na itinuturing na Supremo ng Katipunan.

Ito ay nangangahulugan na ang Kilusang Propaganda na naiugnay kina Plaridel, Dr. Jose Rizal, Mariano Ponce at Graciano Lopez-Jaena ay hindi hiwalay sa Kilusang Katipunan.

Sa halip,ang Kilusang Propaganda ay bahagi lamang ng mas malawak na Kilusang Katipunan na ang pangunahing layunin ay ang pagkakaroon ng reporma sa noo’y pamahalaang Kastila sa Pilipinas; at sa huli ay ang pagpapalaya ng Pilipinas mula sa tanikala ng pananakop ng Espanya.

Batay sa pananaliksik ni Cortez sa mga nalathalang salaysay ng mga kasapi ng katipunan, si Plaridel ang nagplano at nag-udyok sa mga kaibigan na magbuo at magtayo ng kilusang Katipunan sa bansa at sa ibayong dagat.

Si Plaridel din ang responsible sa pagbabalangkas at pagbuo ng Saligang Batas ng Katipunan na sa mahabang panahon ay nalihim sa  marami sa atin.

Ang pananaliksik ni Cortez ay simula pa lamang ng panibagong yugto sa kasaysayan ng bansa at buhay niPlaridel.

Ito ay marapat na suportahan ng  bawat Bulakenyo at mga pamahalaang lokal sa lalawigan, partikular na ang pamamahagi ng mga ililimbag na libro upang sa gayon ay higit na mapalawak ang pagkakaunawa ng maraming Pilipino sa naging kontribusyon ni Plaridel sa paglaya ng ating bansa.

Ito ay isa ring magandang pagkakataon para sa mga namumunong lingkod bayan na pangunahan ang pagsasagawa ng mga talakayan at kumperensiya hinggil sa pananaliksik ni Cortez upang sa gayon ang pagkukulang ng nakaraang panahon ay mapunan ng kasalukuyang salinlahing Bulakenyo. 

No comments:

Post a Comment