Friday, September 21, 2012

Paalam, Ka Nene



(NOTE: Ang kalatas na ito ay ipinagkaloob ng sangay sa Bulacan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa pamilya Ocampo bilang pagkilala, at pagpupugay sa namayapang beteranang mamamahayag na si Maria Bundoc-Ocampo)

Ang kamatayan ay bahagi ng buhay, at bilang patunay, bawat isa sa atin ay unti-unting namamatay matapos isilang. Ngunit sa kabila nito, marami pa rin ang nagugulat kapag ang isang kapamilya o kaibigan ay pumanaw.  Sinabi nila, biglaan naman, pero ang totoo, ang lahat ay nakaplano; lahat tayo hahantong sa kamatayan. Hindi na lamang natin alam kung kailan, paano at saan.

Ang pagpanaw ni Maria “Ka Nene” Bundoc-Ocampo ay ikinagulat ng marami.  Maging kaming mga kasama niyang mamamahayag sa lalawigan ng Bulacan ay nagulat dahil kamakailan lamang ay kasama namin siyang nagtatrabaho. Malakas siya at wala kaming palatandaan nakita na may dinaramdam siya. Marahil, ang kalagayang itoang sumagka sa plano ng National Union of Journalist of the Philippines Bulacan Chapter (NUJP-Bulacan) nabigyan siya ng natatanging pagkilala bilang mamamahayag sa lalawigan, na binigyang daan naman ngayon ng kanyang biglang paglisan.

Hindi pangkaraniwang tao si Ka Nene. Isa siyang mapagmahal na maybahay, modelong ina, mabuting kaibigan, mahusay at beteranang mamamahayag at higit sa lahat, ipinamuhay niya ang pagiging isang mabuting Kristiyano.

Bilang isang mamamahayag, si Ka Nene ang Punong Editor at Pabliser ng pahayagang Punla (Pulso ng Madla), isang pahayagang pangkomunidad sa Bulacan. Isa rin siya sa orihinal na mamamahayag ng Mabuhay,a ring lokal na pahayagan sa Bulacan.

Siya ay nagtapos ng AB Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1975 at agad na napasok bilang Supervising Information Officer ng noo’y Department of Public Information (DPI). Naging Deskman hanggang maging Section Editor ng Philippine News Agency (PNA) noong 1978 hanggang 1985.

Naging korespondent siya hanggang maging Deskman at Section Editor ng Ang Pilipino NGAYON noong 1986 hanggang 1992. Marami siyang napasukan pang ibang gawain kabilang ang pagiging translator o tagapagsalin ng The Word of Joy Publications, tagapagsalin hanggang maging editor ng GABAY ng Shepherd’s Voice Publications, naging editor ng mga aklat, at ngayo’y freelance writer.

Nahasa at napanday siya ng hindi na mabilang na mga pampropesyunal na seminar sa pamamahayag at premyado siya ng maraming samahang pampasulatan bilang isang mahusay na manunulat sa Filipino.  Kabilang sa mga parangal niyang tinanggap ay ang tatlong Binhi Award muna sa Philippine Agricultural Journalists (PAJ)  at apat na Gawad Plaridel mula sa pamahalaang panglalawigan ng Bulacan.

Siya ang tagapagtatag at presidente emeritus ng Pagkakaisa ng mga Mamamahayag sa Bulakan (PAHAYAGAN). Aktibo rin siyang kasapi ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) kung saan siya ang Ingat-yaman ng sangay nito sa Bulacan, at ng Philippine Press Institute (PPI). Kasapi rin siya ng Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP).

Masigasig siya sa pagsasanay ng mga kabataang nais pumasok sa larangan ng pamamahayag sa pamamagitan ng PUNLAan sa Tag-araw, na nagbibigay ng mga pangunahing kaalaman sa peryodismo.

Sa diwang ito, buong pagkakaisang iginagawad ng bumubuo ng NUJP-Bulacan itong KALATAS PAGKILALA kay MARIA BUNDOC-OCAMPO para sa kanyang natatanging kontribusyon sa larangan ng pamamahayag na nagbigay inspirasyon sa mga kapwa at kabataang mamamahayag.

Saturday, September 8, 2012

Singkaban 2012




Payak at simple ang pagdiriwang ng Singkaban Fiesta sa taong ito ayon
sa kapitolyo, dahil sa katatapos lamang ng kalamidad at hindi pa
tuluyang nakakabangon ang ilang kalalawigan natin.

Ang pagtitipid sa pagdiriwang ay masasalamin sa pondong ginugol sa
taong ito kumpara noong nakaraang taon.  Umabot lamang daw sa
P2.5-Milyon ang inihanda para sa walong araw na pagdiriwang sa taong
ito kumpara sa P10-M noong nakaraang taon.

Dahil dito, maraming palatuntunan ang binawas sa walong araw na
pagdiriwang at kabilang dito ay ang araw ng mga magsasaka at
mangingisda.

Inaayunan ng Mabuhay ang payak na pagdiriwang sa taong ito, ngunit ang
pagiging payak ay hindi sapat upang hindi maging makahulugan ang
pagdiriwang.

Kung ang pagbabasehan natin ay ang tatlong taong nagdaan, mas maraming
makabuluhang programa ang dapat idinagdag sa taunang pagdiriwang.

Matatandaan na noong 2009 ay sinagasa ng bahang hatid ng bagyong Ondoy
ang Bulacan.  Ang kalagayang ito ay naulit pa matapos manalasa ang
bagyong Pedring at Quiel noong nakaraang taon; at ang malakas na ulan
ng hanging habagat nitong nakaraang buwan.

Ang mga karanasang ito ay hindi lamang nagpapahiwatig, sa halip ay
naghuhumiyaw na bigyang pansin ang kultura ng paghahanda sa kalamidad
sa lalawigan lalo pa ngayon na halos taon-taon ay isinasailalim sa
state of calamity ang Bulacan.

Ngunit ano ang ginawa ng kapitolyo sa usaping ito? Nakapaghanda man
lamang ba sila ng mga babasahin hinggil sa paglaban sa kalamidad na
maipapamahagi sa taumbayang lalahok sa Singkaban Fiesta 2012?
Naghanda ba sila ng isang booth para sa eksibisyon at demonstrasyon ng
mga gamit at impormasyong magagamit sa paglaban sa kalamidad?

Batay sa ipinalabas tala ng mga palatuntunan para sa Singkaban Fiesta
2012 noong Agosto 5, wala ang dalawang nabanggit na bagay.

Nakalulungkot ang kalagayang ito dahil lumalabas na hindi pa sapat ang
kakayahan ng pamahalaang panglalawigan partikular na ang Provincial
Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) para sa
“mainstreaming” o pagpapalawak ng kultura ng paglaban sa kalamidad sa
lalawigan.

Sayang. Isa na sa itong pagkakataon upang patunayan ng kapitolyo na
seryoso sila sa paglaban sa kalamidad.

Ngunit higit na sayang ang pagkakataong higit na maimulat ang mga
mamamayang Bulakenyo at mapataas ang kanilang kakayahan sa pagtugon at
paglaban sa kalamidad

Tandaan natin, ang isang matuwid na paglilingkod ay naglalayong
pataasin ang kakayahan ng kanilang sasakupan, sa halip na palaging
paasahin sa kanila.