(NOTE: Ang kalatas na ito ay ipinagkaloob ng sangay sa
Bulacan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa pamilya
Ocampo bilang pagkilala, at pagpupugay sa namayapang beteranang mamamahayag na
si Maria Bundoc-Ocampo)
Ang kamatayan ay bahagi ng buhay, at bilang patunay, bawat
isa sa atin ay unti-unting namamatay matapos isilang. Ngunit sa kabila nito,
marami pa rin ang nagugulat kapag ang isang kapamilya o kaibigan ay
pumanaw. Sinabi nila, biglaan naman,
pero ang totoo, ang lahat ay nakaplano; lahat tayo hahantong sa kamatayan.
Hindi na lamang natin alam kung kailan, paano at saan.
Ang pagpanaw ni Maria “Ka Nene” Bundoc-Ocampo ay ikinagulat
ng marami. Maging kaming mga kasama
niyang mamamahayag sa lalawigan ng Bulacan ay nagulat dahil kamakailan lamang
ay kasama namin siyang nagtatrabaho. Malakas siya at wala kaming palatandaan
nakita na may dinaramdam siya. Marahil, ang kalagayang itoang sumagka sa plano ng National Union
of Journalist of the Philippines Bulacan Chapter (NUJP-Bulacan) nabigyan siya
ng natatanging pagkilala bilang mamamahayag sa lalawigan, na binigyang daan
naman ngayon ng kanyang biglang paglisan.
Hindi
pangkaraniwang tao si Ka Nene. Isa siyang mapagmahal na maybahay, modelong ina,
mabuting kaibigan, mahusay at beteranang mamamahayag at higit sa lahat,
ipinamuhay niya ang pagiging isang mabuting Kristiyano.
Bilang isang
mamamahayag, si Ka Nene ang Punong Editor at Pabliser ng pahayagang Punla
(Pulso ng Madla), isang pahayagang pangkomunidad sa Bulacan. Isa rin siya sa
orihinal na mamamahayag ng Mabuhay,a ring lokal na pahayagan sa Bulacan.
Siya ay nagtapos
ng AB Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1975 at agad na napasok bilang
Supervising Information Officer ng noo’y Department of Public Information
(DPI). Naging Deskman hanggang maging Section Editor ng Philippine News
Agency (PNA) noong 1978 hanggang 1985.
Naging korespondent siya hanggang maging Deskman at Section
Editor ng Ang Pilipino NGAYON noong 1986 hanggang 1992. Marami siyang napasukan
pang ibang gawain kabilang ang pagiging translator o tagapagsalin ng The Word
of Joy Publications, tagapagsalin hanggang maging editor ng GABAY ng Shepherd’s
Voice Publications, naging editor ng mga aklat, at ngayo’y freelance writer.
Nahasa at napanday siya ng hindi na mabilang na mga
pampropesyunal na seminar sa pamamahayag at premyado siya ng maraming samahang
pampasulatan bilang isang mahusay na manunulat sa Filipino. Kabilang sa mga parangal niyang tinanggap ay
ang tatlong Binhi Award muna sa Philippine Agricultural Journalists (PAJ) at apat na Gawad Plaridel mula sa pamahalaang
panglalawigan ng Bulacan.
Siya ang tagapagtatag at presidente emeritus ng Pagkakaisa
ng mga Mamamahayag sa Bulakan (PAHAYAGAN). Aktibo rin siyang kasapi ng National
Union of Journalists of the Philippines (NUJP) kung saan siya ang Ingat-yaman
ng sangay nito sa Bulacan, at ng Philippine Press Institute (PPI). Kasapi rin
siya ng Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP).
Masigasig siya sa pagsasanay ng mga kabataang nais pumasok
sa larangan ng pamamahayag sa pamamagitan ng PUNLAan sa Tag-araw, na nagbibigay
ng mga pangunahing kaalaman sa peryodismo.
Sa diwang ito, buong pagkakaisang iginagawad ng bumubuo ng
NUJP-Bulacan itong KALATAS PAGKILALA kay MARIA BUNDOC-OCAMPO para sa kanyang
natatanging kontribusyon sa larangan ng pamamahayag na nagbigay inspirasyon sa
mga kapwa at kabataang mamamahayag.
No comments:
Post a Comment