Wednesday, November 21, 2012

Tama na ang 153



Katulad noong isang taon, nananatili ang panawagan ng mga mamamahayag at mag-aaral sa Bulacan kay Pangulong Aquino upang kumilos at wakasan ang pamamaslang sa mga mamamahayag sa bansa.

Noong nakaraang taon, ang kabuuang bilang ng mamamahayag na pinaslang sa bansa mula 1986 ay 146.  Sa taong ito, ang bilang ay nadagdagan pa at ayon sa National Union of Journalists of the Philippines ay umabot na sa 153, hindi pa kasama ang brodkaster na si Julius Ceasar Cauzo na pinaslang sa Lungsod ng Cabanatuan sa lalawigan ng Nueva Ecija, may dalawang linggo pa lamang ang nakakaraan.

Ang kalagayang ito ay nagpapatunay na patuloy ang culture of impunity sa bansa at sumasalamin sa patuloy na pagkukulang ng administrasyong Aquino sa pagtupad ng kanyang pangako sa halalan noong 2010 kung kalian ay nagamit pa niya sa kanyang political advertisement ang ilang maybahay ng mga biktima sa Maguindanao Massacre.

Dahil dito, patuloy namin hinahamon ang kasalukuyang administrasyon sa pangunguna ng Pangulo ng Republika na bigyang kahulugan, kulay at hubog ang kanyang pangako, samantalang ipinapaalala rin namin sa kanya na matagal ng tapos ang kampanya na tinatampukan ng pangako ng mga kandidato.  Oras na upang kumilos at makinig at patunayan sa sambayanang Pilipino na “kami ang Boss mo.”

Bilang paalala rin sa Pangulo at kasapi ng kanyang admoinistrasyon, ang patuloy na pamamayagpag ng culture of impunity sa bansa at isang banta sa demokratikong ating pilit na itinataguyod at ipinakipaglaban sa noong 1896, 1945, at Edsa noong 1986.

Kung ang pamamaslang sa mga mamamahayag ay magpapatuloy, anong kinabukasan ang naghinhintay sa mga mag-aaral ng pamamamahayag ngayon, at maging sa susunod na salinlahing Pilipino kung ang mga tagapaghatid ng balita at katotohanan ay namumuhay sa mundo ng takot?

Tandaan natin na bilang tagapaghatid ng balita’t impormasyon, ang mga mamamahayag ay dapat manatiling malaya hindi lamang sa impluwensiya ng makakapangyarihang diyos-diyosan, kungdi ay maging sa banta ng karahasan at pananakot.

Upang matupad iyan, kailangan munang wakasan ang culture of impunity at di na sana masundan ang 153 na mamamahayag na pinaslang.  (END)

(Nagkakaisang pahayag ng mga mamamahayag sa Bulacan na inihanda ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan Chapter kaugnay ng paggunita sa ikatlong taon ng Maguindanao Massacre ngayong Nobyembre 23, na idineklara  ng International Free Expression eXchange (IFEX) bilang araw ng pagsasagawa ng International Day to End Impunity).


No comments:

Post a Comment