Friday, October 26, 2012

Kakaibang halalan


 
Kakaiba ang nalalapit na halalan sa 2013 kumpara sa nagdaang mga halalan, lalo na sa Bulacan kung saan isinilang ang unang demokratikong republika at isinagawa ang kauna-unahang malayang halalan.

Mula sa pagtatapos ng pagsusumite ng mga kandidato ng Certificate of Candidacy (COC) noong Oktubre 5 ay bibilang pa ng mahigit sa pitong buwag bago maghalalan.  Ito ay nangangahulugan ng mas mahabang panahon para sa mga kandidato upang magpakilala at ilatag ang kanilang mga plataporma de gobyerno.

Sa hanay ng mga botante, ito ay nangangahulugan naman ng mas mahabang panahon upang kilalanin, suriin, kilatisin at kaliskisan ang bawat kandidatong nangangangarap at nangangakong maglingkod sa kanila.

Ang kalagayang ito ay taliwas sa mga nagdaaang halalan kung kailan ay halos dalawang buwan lamang ang itinakda para magpakilala at maglatag ng plataporma ang mga kandidato.  Dahil sa maikling panahon, hindi nailalatag ang buong plataporma, sa halip ay puro porma lamang ang ginagawa ng mga kandidato.

Hindi rin nabibigyan ng sapat na panahon ang mga botante upang magsuri, kaya’t pagdating sa araw ng halalan ay yung lamang ng mga popular at may kasamang artista at iba pang sikat na tao ang  ibinoboto.

Para sa mga bumubuo ng Mabuhay, ang mahabang panahon para sa pagkandidato ay hindi isang aksidente.  Sa halip, ito ay isang akda ng langit upang ang bawat botante ay mabigyan ng pagkakataon na gamitin ang kanyang isip upang magsuri at kailalin ang mga taong nais niyang maglingkod sa bayan.

Sa diwang ito, ang pahayagang Mabuhay ay kumilos na upang tumulong sa mga botante na makilala ang kanilang mga kandidato sa pamamagitan ng paghahatid ng impormasyon sa pamamagitan ng pahayagang ito at ng internet kung saan matatagapuan ang Facebook account na Mabuhay Newspaper (www.facebook.com/mabuhaynews), Facebook fan page na Mabuhay Newspaper-Bulacan (www.facebook.com/page/Mabuhay-Newspaper-Bulacan), at ang website na Mabuhay Online (www.mabuhayonline.blogspot.com).

Katulad ng inimprentang pahayagang ito, ang mga pahina ng Mabuhay sa internet at tigib ng mga impormasyon at larawan patuingkol sa mga kandidato at pulitika sa dakilang lalawigan ng Bulacan.

Ang mga impormasyong nakatala sa mga pahinang iyon ay itinataguyod ng mga tao sa likod ng Mabuhay at mga sangay nito sa layuning makatulong sa bawat botante para sa matalinong pagboto sa Mayo 2013.

Bahagi ng pagtataguyod na ito ay ang pagkilala ng Mabuhay sa mga tala ng kasaysayan na sa Malolos unang isinilang ang isang demokratikong republika noong Enero 1899, at sa bayan ng Baliwag unang isinagawa ang malayang halalang pambayan noong Mayo 7, 1899.

Dahil sa mga talang ito na nagmarka sa mukha ng kasaysayan ng Bulacan, higit na hamon an gang nakapatong sa balikat ng sambayanang Bulakenyo na tiyaking patas, malinis, tapat at makabuluhan ang nalalapit na halalan.

Huwag nating ipagwalang bahala ito.  Angkinin natina ng responsibilidad bilang isang lalawigang nagsilbing duyan ng demokrasya sa nakaraan, sa kasalukuyan at sa darating na panahon.

No comments:

Post a Comment