Monday, October 29, 2012

Pinabayaang yaman



Sa paggunita ng ng Araw ng mga kaluluwa at mga yumao sa taong ito, nais ng Mabuhay na tawagin ang pansin ng mga namumunong lingkod bayan sa sa lalawigan sa pangangalaga sa mga libingan.

Ito ay dahil sa ang mga pampublikong libingan o sementryo ay isang bahagi ng pamayanan na hindi nabibigyang ang pansin ng maraming namumunong lingkod bayan na ngayon ay nagsisimula na namang manuyo sa mga mamamayang botante.

Masakit isipin ang pahayag ng isang residente ng Hagonoy na ang dahilan kung bakit hindi nabibigyan pansin ang pangangalaga sa mga pampublikong libingan ay dahil sa mga patay ang nakahimlay doon at ang hinahanap ng mga lingkod bayang haharap sa halalan ay buhay na botante.

Ang kaisipang nabanggit ay tumutukoy sa maikling pananaw at pansariling interes ng mga lingkod bayan, at hindi sa pagbibigay halaga sa kapakanan ng sambayanan.

Kung totoong ang nasa isip ng mga kandidatong lingkod bayan ay mga buhay na botante at hindi ang himlayan ng mga yumao, dapat silang mag-isip at baguhin ang pananaw.

Ito ay dahil sa ang mga libingan ay hindi lamang himlayan ng mga yumao, sa halip ay isang tahanan ng mga yamang pangkalinangan na kung pag-aaralan ay makakatulong sa kasalukuyan at susunod na salinlahi sa pag-unawa sa kalinangan at buhay ng nagdaang panahon.

“Time pieces,” ito ang ginamit na mga kataga ni Jaime Corpuz sa paglalarawan sa kahalagahan ng mga pigura iskultura sa Sto. Cristo Catholic Cemetery sa bayan ng Baliwag.

Ito ay nangangahulugan na dapat pangalagaan ang mga nasa loob ng mga sementeryo sa mga tumatampalasan at maging sa epekto ng climate change sapagkat angmga iyon ay magsisilbi hindi lamang palatandaan ng nagdaang panahon, kungdi batayan ng pag-unawa sa ating pambayang kalinangan.

Bukod sa mga mahahalagang istraktura at iskultura sa mga libingan, hindi rin maitatanggi sa doon nakahimlay ang ating mga ninunong bayani na nagbuwis ng buhay para sa ating kasarinlan bilang isang bansa at malayang bayan.

Sa diwang ito, hinahamon ng Mabuhay ang mga namumuno at susunod na lingkod bayan sa lalawigan na bigyan ng pansin ang mga pampublikong libingan sa pamamagitan ng pagbuo ng programa at paghahanda ng pondo bukod sa pagbuo ng mga grupo na magsasagawa ng pag-aaral at imbentaryo sa mga yamang pangkalinangang doo’y unti-unting winawasa ng kapabayaan at kawalan ng pakialam sa mayamang kalinangan ng samabayang Bulakenyo.

Promdi: Lakbay-kaluluwa



Bilang isang mamamahayag, naging tradisyon na ng Promdi bawat taon ang pagsasagawa ng “lakbay-kaluluwa.”

Ooops, buhay pa po ang Promdi, hindi lumalayo ang aking kaluluwa sa aking katawan.
***
Ang tinutukoy kong lakbay-kaluluwa ay ang pagtungo sa ibat-ibang sementeryo bawat taon.

Bahagi po kasi ng news coverage. Kaya, cover dito, cover doon.(Hindi po TNT o tago-ng-tago.)
***
Layunin po ng news coverage na iyan ay maipakita ang kalagayan ng mga paghahanda sa mga sementeryo kung panahon ng undas.

Maging ang mga kasalukuyan at mga nagdaang gawi o pamamaraan ng mga Bulakenyo sa paggunita ng undas.
***
Ito ay sa paghahangad na mailarawan at maipaunawa na ang undas para sa mga Pilipino ay konektado sa pamilya.

Sa mga Pilipino po kasi, ang undas ay nagsisilbing “reunion.”
***
Pero sa tradisyon ng Simbahang Katoliko, ang undas o Araw ng mga Santo (All Saints Day) ay isa sa pinakabanal na araw.
 
Sa araw pong iyan ginugunita ng simbahan ang lahat ng pumanaw na santo o mabuting kristiyano.
***
Kung mapapansin ninyo, ang bawat araw sa kalendaryo ay may katumbas na araw ng piyesta o paggunita sa isang yumaong santo.

Kaya po noong mga nagdaang panahon, kapag walang maisip na pangalan ang magulang sa bagong silang sa sanggol ay sa kalendaryo sila kumukuha ng araw.
***
Tulad po ng Promdi, ang pangalan kop o ay hango kay San Bernardino na ang piyesta at ipinagdiriwang kapag Mayo 20.

Iyon po ang kaarawan ng ikatlong anak ng amang at inang ko.
***
Kaya po noong araw, kapag wala sa kalendaryo ang pangalan mo, sasabihin sa iyo, hindi ka pa nabibinyagan.

Pero ngayon, hindi na sa kalendaryo ibinabatay ang pangalan ng mga sanggol.
***
Balikan natin ang aking paglalakbay kaluluwa. Kung saan-saang pong libingan ngapupunta ang Promdi.

Siyempre, kasama na diyan ang pagmamasid at pagkuha ng larawan.
***
Ilan sa mga kapansin-pansing pagbabago sa mga nagdaang taon ay ang mga kulayng pintura sa mga nitso.

Dati ay kulay puti lang o kaya abuhin dahil kalburo ang ginagamit.

***
Ngayon ay iba na.  Rainbow colors na ang gamit na pintura s amga nitso.

May pula, asul, berde, dilaw, orange,itim, ube,  at iba pang nagpapatingkarang kulay. Parang color coding.
***
Kapansin pansin din ang pagkawala ng mga rehas na bakal sa mga puntod.

“Kinakahoy” daw kasi at ibinibenta sa magbabakal.
***
Sa mga bayan sa coastal area ng Bulacan, marami naman angmga underwater tombs.

Ito ay dahil sa hightide o tubig ulan na hindi makalabas ng sementeryo dahil walang padaluyan ng tubig o kanal palabas.
***
Sa mga pampublikong libingan, hindi maitatanggi ang kawalang kaayusan.

Ito ay dahil sa sali-saliwa ang hanay ng nitso. May magkaharap, may nakatagilid at nakatalikod. Pati mga pasilyo ay mayroon ding mga nakasingit.
***
Siyempre, tiyak na napapansin din ninyo ang sanitasyon sa loob ng mga pampublikong libingan, lalo na kung kayo ang naglinis ng puntod ng ingyong mahal sa buhay.

Kung minsan ay ginagamit na palikuran ng mga nakatira sa gilid ng libingan ang mga puntod.
***
Kapansin-pansin din ang agawat ng mahihirap at mayayamang pamilya sa kalagayan ng puntod ng kanilang mahal sa buhay na pumanaw.

Yung sa mayayaman, parang bahay, may bubong pa. Yung sa mahihirap, nanduon sa isang sulok.
***
Maging sa mga kandilang gamit, mapapansin mo ang mayaman at mahirap. Ang iba naman ay praktikal lang.

Payat  ang kandilang itinulos dahil sandal lang sila, yung iba ay mataba na nasa bote dahil gagamitin sa bahay kapag brownout.
***
Parang wala na rin yung mga kandilang may disenyong dragon sa gilid.

Pero dumarami naman ngayon ang mga kandilang ibat-iba ang kulay; at hindi pa rin nawawala ang mga batang nag-uunahan sa pagiipon ng tulo at naupos na kandila para gamiting floorwax sa paaralan o kaya ay ibenta sa nagreresiklo ng kandila.  (Dino Balabo)

Friday, October 26, 2012

Kakaibang halalan


 
Kakaiba ang nalalapit na halalan sa 2013 kumpara sa nagdaang mga halalan, lalo na sa Bulacan kung saan isinilang ang unang demokratikong republika at isinagawa ang kauna-unahang malayang halalan.

Mula sa pagtatapos ng pagsusumite ng mga kandidato ng Certificate of Candidacy (COC) noong Oktubre 5 ay bibilang pa ng mahigit sa pitong buwag bago maghalalan.  Ito ay nangangahulugan ng mas mahabang panahon para sa mga kandidato upang magpakilala at ilatag ang kanilang mga plataporma de gobyerno.

Sa hanay ng mga botante, ito ay nangangahulugan naman ng mas mahabang panahon upang kilalanin, suriin, kilatisin at kaliskisan ang bawat kandidatong nangangangarap at nangangakong maglingkod sa kanila.

Ang kalagayang ito ay taliwas sa mga nagdaaang halalan kung kailan ay halos dalawang buwan lamang ang itinakda para magpakilala at maglatag ng plataporma ang mga kandidato.  Dahil sa maikling panahon, hindi nailalatag ang buong plataporma, sa halip ay puro porma lamang ang ginagawa ng mga kandidato.

Hindi rin nabibigyan ng sapat na panahon ang mga botante upang magsuri, kaya’t pagdating sa araw ng halalan ay yung lamang ng mga popular at may kasamang artista at iba pang sikat na tao ang  ibinoboto.

Para sa mga bumubuo ng Mabuhay, ang mahabang panahon para sa pagkandidato ay hindi isang aksidente.  Sa halip, ito ay isang akda ng langit upang ang bawat botante ay mabigyan ng pagkakataon na gamitin ang kanyang isip upang magsuri at kailalin ang mga taong nais niyang maglingkod sa bayan.

Sa diwang ito, ang pahayagang Mabuhay ay kumilos na upang tumulong sa mga botante na makilala ang kanilang mga kandidato sa pamamagitan ng paghahatid ng impormasyon sa pamamagitan ng pahayagang ito at ng internet kung saan matatagapuan ang Facebook account na Mabuhay Newspaper (www.facebook.com/mabuhaynews), Facebook fan page na Mabuhay Newspaper-Bulacan (www.facebook.com/page/Mabuhay-Newspaper-Bulacan), at ang website na Mabuhay Online (www.mabuhayonline.blogspot.com).

Katulad ng inimprentang pahayagang ito, ang mga pahina ng Mabuhay sa internet at tigib ng mga impormasyon at larawan patuingkol sa mga kandidato at pulitika sa dakilang lalawigan ng Bulacan.

Ang mga impormasyong nakatala sa mga pahinang iyon ay itinataguyod ng mga tao sa likod ng Mabuhay at mga sangay nito sa layuning makatulong sa bawat botante para sa matalinong pagboto sa Mayo 2013.

Bahagi ng pagtataguyod na ito ay ang pagkilala ng Mabuhay sa mga tala ng kasaysayan na sa Malolos unang isinilang ang isang demokratikong republika noong Enero 1899, at sa bayan ng Baliwag unang isinagawa ang malayang halalang pambayan noong Mayo 7, 1899.

Dahil sa mga talang ito na nagmarka sa mukha ng kasaysayan ng Bulacan, higit na hamon an gang nakapatong sa balikat ng sambayanang Bulakenyo na tiyaking patas, malinis, tapat at makabuluhan ang nalalapit na halalan.

Huwag nating ipagwalang bahala ito.  Angkinin natina ng responsibilidad bilang isang lalawigang nagsilbing duyan ng demokrasya sa nakaraan, sa kasalukuyan at sa darating na panahon.