Monday, October 29, 2012

Pinabayaang yaman



Sa paggunita ng ng Araw ng mga kaluluwa at mga yumao sa taong ito, nais ng Mabuhay na tawagin ang pansin ng mga namumunong lingkod bayan sa sa lalawigan sa pangangalaga sa mga libingan.

Ito ay dahil sa ang mga pampublikong libingan o sementryo ay isang bahagi ng pamayanan na hindi nabibigyang ang pansin ng maraming namumunong lingkod bayan na ngayon ay nagsisimula na namang manuyo sa mga mamamayang botante.

Masakit isipin ang pahayag ng isang residente ng Hagonoy na ang dahilan kung bakit hindi nabibigyan pansin ang pangangalaga sa mga pampublikong libingan ay dahil sa mga patay ang nakahimlay doon at ang hinahanap ng mga lingkod bayang haharap sa halalan ay buhay na botante.

Ang kaisipang nabanggit ay tumutukoy sa maikling pananaw at pansariling interes ng mga lingkod bayan, at hindi sa pagbibigay halaga sa kapakanan ng sambayanan.

Kung totoong ang nasa isip ng mga kandidatong lingkod bayan ay mga buhay na botante at hindi ang himlayan ng mga yumao, dapat silang mag-isip at baguhin ang pananaw.

Ito ay dahil sa ang mga libingan ay hindi lamang himlayan ng mga yumao, sa halip ay isang tahanan ng mga yamang pangkalinangan na kung pag-aaralan ay makakatulong sa kasalukuyan at susunod na salinlahi sa pag-unawa sa kalinangan at buhay ng nagdaang panahon.

“Time pieces,” ito ang ginamit na mga kataga ni Jaime Corpuz sa paglalarawan sa kahalagahan ng mga pigura iskultura sa Sto. Cristo Catholic Cemetery sa bayan ng Baliwag.

Ito ay nangangahulugan na dapat pangalagaan ang mga nasa loob ng mga sementeryo sa mga tumatampalasan at maging sa epekto ng climate change sapagkat angmga iyon ay magsisilbi hindi lamang palatandaan ng nagdaang panahon, kungdi batayan ng pag-unawa sa ating pambayang kalinangan.

Bukod sa mga mahahalagang istraktura at iskultura sa mga libingan, hindi rin maitatanggi sa doon nakahimlay ang ating mga ninunong bayani na nagbuwis ng buhay para sa ating kasarinlan bilang isang bansa at malayang bayan.

Sa diwang ito, hinahamon ng Mabuhay ang mga namumuno at susunod na lingkod bayan sa lalawigan na bigyan ng pansin ang mga pampublikong libingan sa pamamagitan ng pagbuo ng programa at paghahanda ng pondo bukod sa pagbuo ng mga grupo na magsasagawa ng pag-aaral at imbentaryo sa mga yamang pangkalinangang doo’y unti-unting winawasa ng kapabayaan at kawalan ng pakialam sa mayamang kalinangan ng samabayang Bulakenyo.

No comments:

Post a Comment