Tuesday, November 6, 2012

Huwag pabobola




Anim na buwan bago maghalalan, ngunit ngayon pa lamang ay kumikilos na ang ilang kandidato upang manuyo ng mga botante sa pagtatangka na makamit ang kanilang boto.

Ibat-iba ang kanilang ginagamit na pamamaraan kung saan ay masasalamin ang dalawang bagay.  Una ay ang pagiging malikhain ng mga kandidato; at ang ikalawa ay kahinaan o pagiging marupok ng mga botante.

Ang una ay batay sa mahabang paghahanda ng mga kandidato kung saan ay kabilang ang pag-aaral sa kalagayan ng mga taong kanilang susuyuin. Ang pag-aaral na ito ay karaniwang nakatutok sa kahinaan ng mga botante, na matapos matukoy ay  pinaghahandaan ng eksaktong mensahe at impormasyon kung saan ay lalabas na bayani ang pulitiko na maghahatid ng solusyon sa suliranin ng pamayanan.

Kadalasan, ito ay nakatutok sa mga hadlang sa mga pangarap ng mgamamamayan katulad ng suliranin sa trabaho, o kaya ay sa edukasyon at kalusugan.

Ang mga suliraning ito ay hindi na bago dahil sa mga nagdaang halalan ay kanila na itong idiniga sa mga botante sa mga nagdaang kampanya sahalalan, dangan nga lamang at maikli ang ating alaala at hindi  na natin matandaan, dahil na rin sa dami ng ating iniisip o dili kaya aynalibang tayo ng pang-aalliw ng ibang kandidato noon.

Sa madaling salita, muli silang mangangako at muli ring mapapako ang mga pangakong iyon.  Matatapos ang kampanya, mahahalal sila at matatapos ang termino upang  ,angampanya uli.  Umunlad sila, ngunit tayo ay hindi.

Huwag tayong padadaya sa ating nakikita.  Kung maganda ang sasakyan ng pulitiko, ito ay nangangahulugan na sila lamang ang umunlad at tayo ay hindi. Pero ang kanilang karaniwang mensahe sa kampanya ay umuunlad an gating bayan at lalawigan.

Ang mensaheng ito ay kabalintunaan ng katotohanan at kasalukuyang kaganapan.  Paano nila nasabing umunlad ang lalawigan kung ang ating mangggagawa ay sa ibayong dagat nagsisipagtrabaho at hindi sa lalawigan.

Isang halimbawa diyan ay si Florentino Santiago ng Pandi na nasawi noong Nobyembre 1 sa pagsabog ng isang tanker truck sa Riyadh Saudi Arabia.  Mula pa 2008 ay doon na nagtatrabaho si Santiago.

Isa sa magandang batayan ng kaunlaran ng lalawigan na dapat natin isa-isip ay kung may sapat na oportunidad sa pangakaraniwamng mamamayan ng dakilanmg lalawigang  ito upang maghanapbuhay at umunlad dito at at hindi sa ibayong dagat bilang overseas Filipino workers (OFWs).

Kung ang oportunidad sa kaunlaran ay nanatiling malayo sa kamay nating mga pangkaraniwang mamamayan, nangangahulugan lamang na namumuno sa atin at hindi sapat ang ginagawa.

Paalala lamang po. Magisip tayo ay magsuring mabuti.  Huwag pabobola sa mga kandidato, sa halip at isulong natin ang makabuluhang halalan sa 2013.  (END)

No comments:

Post a Comment