Wednesday, November 21, 2012

Tama na ang 153



Katulad noong isang taon, nananatili ang panawagan ng mga mamamahayag at mag-aaral sa Bulacan kay Pangulong Aquino upang kumilos at wakasan ang pamamaslang sa mga mamamahayag sa bansa.

Noong nakaraang taon, ang kabuuang bilang ng mamamahayag na pinaslang sa bansa mula 1986 ay 146.  Sa taong ito, ang bilang ay nadagdagan pa at ayon sa National Union of Journalists of the Philippines ay umabot na sa 153, hindi pa kasama ang brodkaster na si Julius Ceasar Cauzo na pinaslang sa Lungsod ng Cabanatuan sa lalawigan ng Nueva Ecija, may dalawang linggo pa lamang ang nakakaraan.

Ang kalagayang ito ay nagpapatunay na patuloy ang culture of impunity sa bansa at sumasalamin sa patuloy na pagkukulang ng administrasyong Aquino sa pagtupad ng kanyang pangako sa halalan noong 2010 kung kalian ay nagamit pa niya sa kanyang political advertisement ang ilang maybahay ng mga biktima sa Maguindanao Massacre.

Dahil dito, patuloy namin hinahamon ang kasalukuyang administrasyon sa pangunguna ng Pangulo ng Republika na bigyang kahulugan, kulay at hubog ang kanyang pangako, samantalang ipinapaalala rin namin sa kanya na matagal ng tapos ang kampanya na tinatampukan ng pangako ng mga kandidato.  Oras na upang kumilos at makinig at patunayan sa sambayanang Pilipino na “kami ang Boss mo.”

Bilang paalala rin sa Pangulo at kasapi ng kanyang admoinistrasyon, ang patuloy na pamamayagpag ng culture of impunity sa bansa at isang banta sa demokratikong ating pilit na itinataguyod at ipinakipaglaban sa noong 1896, 1945, at Edsa noong 1986.

Kung ang pamamaslang sa mga mamamahayag ay magpapatuloy, anong kinabukasan ang naghinhintay sa mga mag-aaral ng pamamamahayag ngayon, at maging sa susunod na salinlahing Pilipino kung ang mga tagapaghatid ng balita at katotohanan ay namumuhay sa mundo ng takot?

Tandaan natin na bilang tagapaghatid ng balita’t impormasyon, ang mga mamamahayag ay dapat manatiling malaya hindi lamang sa impluwensiya ng makakapangyarihang diyos-diyosan, kungdi ay maging sa banta ng karahasan at pananakot.

Upang matupad iyan, kailangan munang wakasan ang culture of impunity at di na sana masundan ang 153 na mamamahayag na pinaslang.  (END)

(Nagkakaisang pahayag ng mga mamamahayag sa Bulacan na inihanda ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan Chapter kaugnay ng paggunita sa ikatlong taon ng Maguindanao Massacre ngayong Nobyembre 23, na idineklara  ng International Free Expression eXchange (IFEX) bilang araw ng pagsasagawa ng International Day to End Impunity).


Tuesday, November 6, 2012

PROMDI: Dinastiya sa Bulacan




Mainit ang usapin ng political dynasty sa Senado dahil matapos pagtibayin ang Saligang Batas noong 1987, hanggang ngayon ay wala panganti-political dynasty law sa bansa.

Ito ay dahil sa ipinaubaya ng mga umakda ng Saligang Batas ang pag-akda ng anti-political dynasty sa Kongreso at Senado.
***
Sabi ni Father Pedring ng Leighbytes, imposibleng mapagtibay ang anti-political dynasty law sa Kongreso at Senado.

Hindi raw kukuha ng batong ipupukpok sa ulo ang mga Kongresista at mga Senador.
***
May punto si Father Pedring dahil sa mga panukalang batas sa anti-political dynasty ay hindi sumasakop sa mga kasapi ng Kongreso at Senado.

Ayon kay Father Pedring, mukhang above the law ang mga Kongresista at Senador.
***
Kung hindi idadamay ang mga kasa;pi ng dalawang mataas na kapulungan ng bansa, lumalabas na ang mga mambabatas natin ay bulag.

Hindi siguro nila nababasa ang apelyido ng mga dati at kasalukuyang kasama sa Senado.
***
Ilan sa mga apelyidong pamilyar ay Cayetano, Ejercito. May pagkakataong pang nag-abot sa panunungkulan angmga senador na apelyidong ganyan.

Yung iba naman ay nais palitan ang kanilang ama.  Tulad ng mga Angara, Villar at Enrile.
***
Ang kalagayang ito ay parang nireresiklo na lamang.  Hindi ba’t sa mga naunang Senado ng bansa ay nanungkulan ang mga Senador na may apelyidong Roxas, Aquino, Marcos.

Ayon sa ilang komentarista, lumalabas na isa sa katangian ng pamumuno sa pulitika sa bansa ay ayon sa bloodline o kadugo.
***
Nangyayari rin iyan sa larangan ng lokal na pulitika, partikular sa Bulacan.

Kulang na lamang ay bumuo sila ng partido pangpamilya. Pwede nilang tawagin iyon na Lapiang Kapamilya, o kaya ay Alyansa ng Magkakamag-anak (Alma)
***
Ayon sa kuwento ng matatanda, ang magkakapamilya sa lalawigan ay karaniwang naghahalinhinan sa posisyon.

Pagkatapos ni tatay ay si nanay o kaya ay si Junior o si Ate. Kung minsan kasabay pa ang manugang, biyenanan, pamangkin, apo, pati kalaguyo.
***
Ngunit sa pagpasok ng bagong milenyo, nagsimula na ring magbago ang larangan ng pulitika sa Bulacan.

Hindi lang halinhinan ang sistema, magkatandem pa.
***
Nauna riyan ang mag-lolong Meneses sa bayan ng Bulacan, na sinundan ng mag-amang Buencamino sa San Miguel.

Nagtagumpay ang maglolo sa Bulacan, ngunit ang mag-ama sa San Miguel ay hindi.
***
Sa bayan ng Norzagaray, magtatangka naman sa halalan sa 2013 ang mag-amang Legazpi na kandidato bilang aklade at bise alkalde.

Pero sa San Ildefonso ay labo-labo ang pamilya Galvez sa pagka-alkalde.
***
 Ang laban ng pamilya ay nagsimula noong 2010 auomated elections sa Ikatlong Distrito ng Bulacan.

Naglaban noon bilang kongresista ang mag-amang Silverio, pero ang nanalo ay ay dating Gob. Jonjon Mendoza.
***
Si Mendoza ay benipisaryo ng kanyang kapatid na si dating Gob. Josie Dela Cruz na huling nanungkulan noong 2007.

Umaasa namang makikinabang din ang kanilang mas nakababatang kapatid na si Doc Pete na kandidatong kongresista sa ikalawang distrito ng Bulacan.
***
Si Kint. Marivic Alvarado naman ay sumunod sa kanyang asawa na si Gob. Wilhelmino Alvarado na dating kongresista ng unang distrito.

Si Gob Alvarado ay dating alkalde ng Hagonoy, ngunit hindi nanalong alkalde sa nasabing bayan ang kanyang may bahay.  Sa halip nahalal siya na bise alkalde noong 2004 at nanungkulang hanggang 2007.
***
Sa bayan ng Balagtas, sinundan ni Mayor Romeo Castro ang kanyang kapatid; at sa bayan ng Baliwag, tatangkain ng anak ni Mayor Romy Estrella na humalili sa kanya.

Gayundin sa Plaridel kung saan ay nais ng anak ni Mayor Tessie Vistan na humalili sa kanya.  Si Mayor Vistan ay humalili sa kanyang yumaong asawa na si Jaime.
***
Gayundin sa bayan ng Calumpit, ang kapatid ni Mayor James De Jesus ang inendorso niya na kandidato ng koalisyon.

Sa lungsod ng Meycauayan, hangad ni Mayor Joan Alarilla ang ikatlong termino.  Siya ang humalili sa kanyang asawa na si ex-Mayor Eddie, na pumanaw may dalawang taon na ang nakakaraan.

Huwag pabobola




Anim na buwan bago maghalalan, ngunit ngayon pa lamang ay kumikilos na ang ilang kandidato upang manuyo ng mga botante sa pagtatangka na makamit ang kanilang boto.

Ibat-iba ang kanilang ginagamit na pamamaraan kung saan ay masasalamin ang dalawang bagay.  Una ay ang pagiging malikhain ng mga kandidato; at ang ikalawa ay kahinaan o pagiging marupok ng mga botante.

Ang una ay batay sa mahabang paghahanda ng mga kandidato kung saan ay kabilang ang pag-aaral sa kalagayan ng mga taong kanilang susuyuin. Ang pag-aaral na ito ay karaniwang nakatutok sa kahinaan ng mga botante, na matapos matukoy ay  pinaghahandaan ng eksaktong mensahe at impormasyon kung saan ay lalabas na bayani ang pulitiko na maghahatid ng solusyon sa suliranin ng pamayanan.

Kadalasan, ito ay nakatutok sa mga hadlang sa mga pangarap ng mgamamamayan katulad ng suliranin sa trabaho, o kaya ay sa edukasyon at kalusugan.

Ang mga suliraning ito ay hindi na bago dahil sa mga nagdaang halalan ay kanila na itong idiniga sa mga botante sa mga nagdaang kampanya sahalalan, dangan nga lamang at maikli ang ating alaala at hindi  na natin matandaan, dahil na rin sa dami ng ating iniisip o dili kaya aynalibang tayo ng pang-aalliw ng ibang kandidato noon.

Sa madaling salita, muli silang mangangako at muli ring mapapako ang mga pangakong iyon.  Matatapos ang kampanya, mahahalal sila at matatapos ang termino upang  ,angampanya uli.  Umunlad sila, ngunit tayo ay hindi.

Huwag tayong padadaya sa ating nakikita.  Kung maganda ang sasakyan ng pulitiko, ito ay nangangahulugan na sila lamang ang umunlad at tayo ay hindi. Pero ang kanilang karaniwang mensahe sa kampanya ay umuunlad an gating bayan at lalawigan.

Ang mensaheng ito ay kabalintunaan ng katotohanan at kasalukuyang kaganapan.  Paano nila nasabing umunlad ang lalawigan kung ang ating mangggagawa ay sa ibayong dagat nagsisipagtrabaho at hindi sa lalawigan.

Isang halimbawa diyan ay si Florentino Santiago ng Pandi na nasawi noong Nobyembre 1 sa pagsabog ng isang tanker truck sa Riyadh Saudi Arabia.  Mula pa 2008 ay doon na nagtatrabaho si Santiago.

Isa sa magandang batayan ng kaunlaran ng lalawigan na dapat natin isa-isip ay kung may sapat na oportunidad sa pangakaraniwamng mamamayan ng dakilanmg lalawigang  ito upang maghanapbuhay at umunlad dito at at hindi sa ibayong dagat bilang overseas Filipino workers (OFWs).

Kung ang oportunidad sa kaunlaran ay nanatiling malayo sa kamay nating mga pangkaraniwang mamamayan, nangangahulugan lamang na namumuno sa atin at hindi sapat ang ginagawa.

Paalala lamang po. Magisip tayo ay magsuring mabuti.  Huwag pabobola sa mga kandidato, sa halip at isulong natin ang makabuluhang halalan sa 2013.  (END)