Tuesday, June 26, 2012

Posibilidad ng delubyo



Pagbaha sa Hagonoy noong dekada 70.  (Ang larawang ito ay mula sa FB album ni ex-Mayor HB Perez)

Hindi na maitatanggi ngayon ang malinaw na panganib na nagbabanta sa buhay at kabuhayan ng halos 1.5-Milyong Bulakenyo matapos kumpirmahin ng Tonkin and Taylor International ang naunang pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang dike ng Angat Dam ay nakaupo sa dalawang sanga o “splay” ng Marikina West Valley Fault Line (WMVF).

Ayon sa Tonkin and Taylor, ang “splay” ay maliit na bitak sa ilalim ng lupa, ngunit mas maliit, makipot at maikli ito kaysa regular na faultline katulad ng WMVF.  Ngunit kapag gumalaw ang WMVF na ayon sa Phivolcs ay anumang oras ay posibleng mangyari, gagalaw din ang “splay” o sanga ng faultline.

Batay sa naunang pahayag ng Phivolcs, ang paggalaw ng WMVF ay maaaring magbunga ng lindol na may lakas na magnitude 7.2, na ayon sa ilang dalubhasa, kung ang lindol na may lakas na magnitude 7.2 ay tatama sa kalakhang Maynila, malaki ang posibilidad na mabuwag ang 50 porsyento ng mga kongkretong gusaling itinayo doon.

Para sa marami sa atin, ang epekto ng lindol ay karaniwang iniuugnay sa mga gumuhong gusali katulad ng naganap sa bansang Haiti ilang taon na ang nakakaraan.  Ngunit kung ang WMVF ang gagalaw at lilindol ng magnitude 7.2 at maaapektuhan ang 43-taong gulang na Angat Dam sa bayan Norzagaray, iba ang larawang masasaksihan.

Batay sa inisyal na ulat ng Tonkin an Taylor, kung sakaling lilindol at masisira ang dike ng dam, raragasa ang tubig at sasalantain nito ang anumang bagay sa daraanan ng tubig na may 10 hangang 30 metro ang lalim o taas.

Hindi sa tinatakot namin kayo, partikular na ang mga residente ng mga pamayanang malapit sa Ilog Angat.  Ngunit hindi imposibleng higit pa sa delubyo ang manalasa sa Bulacan at ilang bayan sa timog ng lalawigan ng Pampanga, kung sakaling lilindol, mabubugta ang dike ng dam at raragasa ang daang milyong kubiko metro ng tubig mula sa dam.

Ito ay nanganganhulugan na hindi birong trahedya ang sasapitin natin sanhi ng paglindol o paggalaw ng WMVF.  Ito ay kakaibang lindol dahil hindi lamang basta guguho ang mga gusali at iba pang istrakturang ilang panahon nating pinaghirapang itayo, dahil sa panganib na hatid ng dam.

Batay sa pag-aaral ng mga dalubahasa, ang mga dam ay isang mapanganib na pasilidad.  Higit pa raw ang pinsalang hatid nito kumpara sa sumabog o nasirang plantang nukleyar dahil higit na mas marami ang nasasawi kapag nasira ang dam.

Muli ay uulitin namin ang posibilidad ng delubyong paparating kapag lumidol at nasira ang dike ng Angat Dam. Raragasa ang may 10-hanggang 30 metrong lalim ng tubig sa kahabaan ng Ilog Angat at kapag umapaw, sasagasaan ng rumaragsang tubig lahat ng daraanan nito.  Hindi lang guguho ang mga istraktura, lulunurin pa ang mga mamamayang aabutan. Hindi ito simpleng lindol na guguho ang mga gusali.  Hindi rin ito simpleng baha na unti-unti ang pagtaas ng tubig at magagawa pang umiwas.  Ito ay delubyong handang kumitil ng buhay mo at ng iyong mahal sa buhay; bukod pa sa pinsalang hatid sa iyong ari-ariang pinghirapan sa mahabang panahon.

Muli, hindi kami nananakot.  Tinatawag lamang namin ang inyong pansin upang maging handa at hindi makalimot na tumawag at manampalataya sa Diyos sa harap ng papalapit n delubyo.  (END)

Sentrong pangkalikasan


Marilao River clean up


Napapanahon ang pagtatayo ng ecology center sa dating basurahan sa likod ng Bulacan Medical Center (BMC) dahil sa patuloy na pagkasira ng ating kalikasan.

Ito ay magsisilbing paalala sa bawat Bulakenyo, partikular sa mga pamahalaang bayan, lungsod at barangay na kumilos din sapagkat ang pagsisinop ng basura ay obligasyon nating lahat, maging ang paglaban sa epektong hatid ng climate change.

Kung tutuusin ay hulin na sa panahon ang itatayong ecology center dahil 12 taon ng napagtibay ang Republic Act 9003 o ang Ecologucal Solidwaste Management Act, b ukod pa sa ilang salinlahi na tayong nagkakalat ng basura at ilang dekada ng nararadaman ang epekto ng pagbabago ng klima ng mundo.

Ngunit may kasabihan tayong mga Pilipino na “huli man daw at magaling, maihahabol din.”  Ang kasabihang ito ay higit na magkakaroon ng kahulugan kung magiging magaling nga ang pamamahala sa nasabing ecology center.

Ayon kay Abogado Rustico De Belen, hepe ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), magsisilbi ring sentro ng pagsasanay ang nasabing pasilidad, bukod pa sa magkakaroon ito ng nursery ng mga binhin ng punong kahoy na maitatanim.

Bilang sentrong pangkalikasan, ang ecology center ay magsisibi ring tipunan ng impormasyon na magagamit ng mga nais mag-aral at magsanay sa pangangalaga ng kalikasan.

Ang bahaging ito ay ang pinakamalaking hamon sa gobyerno hindi lamang sa lalawigan kundi sa buong bansa dahil ang pag-iingat ng mga impormasyong ay isa sa kahinaan ng gobyerno noon at ngayon.

Hindi lingid sa marami ang pagkawala ng mga dokumento sa pamahalaan, partikular na ang mga dokumentong hinihinalang may bahid ng korapsyon.

Sa diwang ito, kinikilala ng Mabuhay ang pagtatangka ng kapitolyo sa pangunguna ng Benro na makapagtayo ng sentrong pangkalikasan sa lalawigan.

Ngunit sa kabila nito ay nais ipabatid ng Mabuhay na ang mga inhahanda nilang pamamaraan ay maaring hindi na napapanahon dahil sa ito ay aktalis sa tradisyonal na pananaw na kung gusto mo ng impormasyong ay magtunga ka sa amiong tanggapan.

Upang higit na maging makabuluhan ang pagtatangkang ito ng kapitolyo, marapat lamang na ikunsidera nila ang paggamit ng makabagoing teknolohiya sa komunikasyon.  Kabilang diyan ay ang paglikha ng website na may data base ng mga impormasyong magagamit ng taumbayan.  Maaari din nilang gamitin ang mga social networking sites tulad ng Facebook.com para sa pagsasapopular ng mga impormasyong kanilang iniipon at maiipon.

Tandaan natin, imposibleng magwagi tayo sa digmaang hinaharap kung ang ating armas ay hindi akma sa panahon.  (END)

Karangyaan ng batas




Bukambibig na mga namumuno sa ating bansa ang mga katagang “no one is above the law” bilang pagbibigay diin na sinuman ay maaatring managot sa batas.

Ito ay nabigyan pa ng higit na atensyon sa katatapos na paglilitis at pagpapatalsik sa puwesto kay dating Punong Mahistrado; at nitong Hunyo 12 kung kailan ay ipinagdiwang ang ika-114 guning taon ng Pagpapahayag ng Kasarinlan ng bansana pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

Sa kanyang talumpating binigkas, pinahalagahan ng Pangulo ang Saligang Batas na pinagtibay ng Kongreso ng Malolos noong 1899 at inilarawan bilang “mga alituntunin na sinang-ayunan ng taumbayan, upang magsilbing gabay kung paano sila mamumuhay at makikitungo nang tama, patas, at makatarungan sa isa’t isa” at “isang saligan na bukal ng katarungan, magtatanggol at magtataguyod ng kabutihan, at sisiguro sa pantay na karapatan para sa lahat.”

Ang nasabing Saligang Batas ay ilang beses ng napalitan ngunit nananatili buhay ang mga inugit na prinsipyo nito patungkol sa pagkakapantay-pantay, katarungan at pananagutan.  Ito ay isang patunay sa karangyaan ng batas.

Ngunit, ayon pa rin sa Pangulo, “ hindi pa rin nauubos ang mga walang pakundangan pa ring naghahanap ng butas upang gamitin ito sa pansarili nilang kapakanan” at “may mga opisyal na harap-harapan kung lumabag sa batas, at harap-harapan ding tinatakasan ang pananagutan.”

Bukod dito, sinabi niya na may ilang naghahari na ang turing sa Saligang Batas ay “laruan na lamang”at “kung umasta sila, animo’y hawak nila ang piring ng katarungan, para bang lisensyado silang palitan, bawasan, ibahin at baliktarin ang Konstitusyon.”

Malungkot ang mga binigkas na paglalarawang ito ng Pangulo sa mga nagyari at nangyayari sa ating bansa patungkol sa pagsunod at pagpapatupad ng mga batas.

Ngunit higit na mas malungkot ang kalagayang kung walang salapi ang isang taong akusado ay balewala ang mga sinasabing karapatan sa batas.

Candle lighting for Maguindanao massacre victims.  By Julie Alipala
Bigyan pansin natin ang mga taoing nakadetine sa ating mga bilangguan na ilang taon ng nakakulong samantalang hindi pa nababasahan ng sakdal dahil sa walang perang maipambayad sa abogado.

Ikumpara ninyo ito sa mga masasalaping diyos-diyosan na kahit direktang itinuro ng mga saksi at ebidensiya sa kanilang pananagutan sa krimeng kinasasangkutan at hindi magalaw ng kinauukulan dahil sa kakayahang magbayad ng abogadong nagtatanggol sa kanila sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga legal na remedyong itinakda ng batas.


Isang halimbawa nito ay ang mga itinuturong sangkot sa insidente ng pamamaslang sa 58 katao kabilang ang 32 mamamahayag na ngayong ay naaalala natin bilang Maguindanao Massacre.

Maaaring ituring ng pamahalaan na tagumpay ang mabiulis na paglilitis sa malaking isdang katulad ng dating punong mahistrado, ngunit ito ay kabalintunaan sa kaso ng mga sangkot sa Maguinanao Massacre na ngayon ay magtatalong taon na.

Kung totoong seryoso ang Pangulo sa kampanyang tuwid na landas kung saan ay nais niyang ituwid at linisin ang mga kabulukan sa pamahalaan, hindi siya dapat tumigil sa magdiwang sa pagkakapatalsik sa dating Punong mahistrado hanggang hindi nabibigyan ng katarungan ang mga biktima sa Maguindanao Massacre.  (END)

Balansehin ang paglilingkod

Balansehin ang paglilingkod

Nakagagalak malaman na nagbunga na ang panawagan ni Gobernador Wilhelmino Alvarado hinggil sa pagtiyak ng katatagan ng Angat Dam na matatagpuan sa bayan g Norzagaray sa silangang Bulacan.

Batay sa huling ulat mula sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), nagsimula na ang proseso para sa pagpili sa magsasagawa ng rehabilitasyon sa dam, at ito ay tinatayang matatapos sa Setyembre 2016.

Una rito, inihayag noong 2009 sa Sangguniang Panglalawigan ni Dr. Renato Solidum, direktor Philippine Institute of  Volcanology and Seismology (Philvocs) ang posibilidad ng panganib na hatid ng dam dahil sa ang dike nito ay nakaupo di kalayuan sa Marikina West Valley Faultline na kung gagalaw ay lilikha ng lindol na 7.2 magnitude.

Mula noon ay hindi na napigil si Alvarado sa paghahatid ng babala sa mga Bulakenyo at sa Malakanyang, hanggang sda dinggin ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang pahimakas.

Ngayon, nabigyan na ng pansin ang banta ng panganib sa kabundukan sa silangan ng Bulacan, nararapat na sigurong bigyang pansin ng pamahalaang panglalawigan ang baybaying Bulacan sa kanlurang bahagi ng lalawigan.

Sa baybaying dagat ng Bulacan matatagapuan ang mga naglalakihang palaisdaan na galanteng nagbigay ng biyaya sa maraming pamilyang Bulakenyo sa mahigit 100 taon.

Ito rin ay tahanan sa libo-libong pamilyang Bulakenyo na ang bawat salinlahi at walang tigil sa paghahatid ng isda at lamang dagat sa hapag kainan di lamang ng mga Bulakenyo kungdi ng iba pang lalawigan kabilang na ang kalakhang Maynila.

Sa mahabang panahon, ang kontribusyon ng mga pamilyang ito sa latian ng lalawigan  ay halos di pansin ng mga namumunong nakabase sa katihan.  Marami sa mga anak nila ang hindi nakatutuntong sa paaralang sekundarya, lalo na sa kolehiyo dahil sa kakapusan sa pananalapi ay kakulangan ng pasilidad na pang-edukasyon sa latian.  Dahil dito, kailangan pa silang sumakay sa bangka tuwing umaga upang makapasok sa mga paaralang sekundarya partikular na sa Hagonoy.

Bukod sa pangangailangang pang-edukasyon ng mga pamilya sa baybayin ng Bulacan, dapat ding madaliin ng kapitolyo ang pagbibigay protektsyon sa kanila.  Matatandaan na habang nananalasa ang Bagyong Pedring sa lalawigan noong nakaraang taon, ay nakumutan ng mataas na alon mula sa dagat ang mga bahay sa Barangay Pugad sa Hagonoy.  Ayon sa Provincial Disater Risk Reduction Management Office (PDRRMO), hindi tsunami ang sumalpok sa Barangay Pugad, kundi storm surge na kinumpirma ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon sa mga residente, matagal na nilang hinihiling sa munisipyo at kapitolyo na makumpuni ang kanilang seawall dike maging ang parola sa kanilang lugar na nagsisilbing gabay ng mga mangingisda kung gabi.  Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nila nararamdam ang pagkilos ng pamahalaan.

Sa diwang ito, nanawagan ang pahayagang Mabuhay samga namumuno sa lalawigan sa pangunguna ni Gob. Alvarado na balansehin ang pagbibigay proteksyon sa mamamayang Bulakenyo, nasa kapatagan man, kabundukan o nasa baybaying dagat.  (END)