Tuesday, June 26, 2012

Posibilidad ng delubyo



Pagbaha sa Hagonoy noong dekada 70.  (Ang larawang ito ay mula sa FB album ni ex-Mayor HB Perez)

Hindi na maitatanggi ngayon ang malinaw na panganib na nagbabanta sa buhay at kabuhayan ng halos 1.5-Milyong Bulakenyo matapos kumpirmahin ng Tonkin and Taylor International ang naunang pahayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang dike ng Angat Dam ay nakaupo sa dalawang sanga o “splay” ng Marikina West Valley Fault Line (WMVF).

Ayon sa Tonkin and Taylor, ang “splay” ay maliit na bitak sa ilalim ng lupa, ngunit mas maliit, makipot at maikli ito kaysa regular na faultline katulad ng WMVF.  Ngunit kapag gumalaw ang WMVF na ayon sa Phivolcs ay anumang oras ay posibleng mangyari, gagalaw din ang “splay” o sanga ng faultline.

Batay sa naunang pahayag ng Phivolcs, ang paggalaw ng WMVF ay maaaring magbunga ng lindol na may lakas na magnitude 7.2, na ayon sa ilang dalubhasa, kung ang lindol na may lakas na magnitude 7.2 ay tatama sa kalakhang Maynila, malaki ang posibilidad na mabuwag ang 50 porsyento ng mga kongkretong gusaling itinayo doon.

Para sa marami sa atin, ang epekto ng lindol ay karaniwang iniuugnay sa mga gumuhong gusali katulad ng naganap sa bansang Haiti ilang taon na ang nakakaraan.  Ngunit kung ang WMVF ang gagalaw at lilindol ng magnitude 7.2 at maaapektuhan ang 43-taong gulang na Angat Dam sa bayan Norzagaray, iba ang larawang masasaksihan.

Batay sa inisyal na ulat ng Tonkin an Taylor, kung sakaling lilindol at masisira ang dike ng dam, raragasa ang tubig at sasalantain nito ang anumang bagay sa daraanan ng tubig na may 10 hangang 30 metro ang lalim o taas.

Hindi sa tinatakot namin kayo, partikular na ang mga residente ng mga pamayanang malapit sa Ilog Angat.  Ngunit hindi imposibleng higit pa sa delubyo ang manalasa sa Bulacan at ilang bayan sa timog ng lalawigan ng Pampanga, kung sakaling lilindol, mabubugta ang dike ng dam at raragasa ang daang milyong kubiko metro ng tubig mula sa dam.

Ito ay nanganganhulugan na hindi birong trahedya ang sasapitin natin sanhi ng paglindol o paggalaw ng WMVF.  Ito ay kakaibang lindol dahil hindi lamang basta guguho ang mga gusali at iba pang istrakturang ilang panahon nating pinaghirapang itayo, dahil sa panganib na hatid ng dam.

Batay sa pag-aaral ng mga dalubahasa, ang mga dam ay isang mapanganib na pasilidad.  Higit pa raw ang pinsalang hatid nito kumpara sa sumabog o nasirang plantang nukleyar dahil higit na mas marami ang nasasawi kapag nasira ang dam.

Muli ay uulitin namin ang posibilidad ng delubyong paparating kapag lumidol at nasira ang dike ng Angat Dam. Raragasa ang may 10-hanggang 30 metrong lalim ng tubig sa kahabaan ng Ilog Angat at kapag umapaw, sasagasaan ng rumaragsang tubig lahat ng daraanan nito.  Hindi lang guguho ang mga istraktura, lulunurin pa ang mga mamamayang aabutan. Hindi ito simpleng lindol na guguho ang mga gusali.  Hindi rin ito simpleng baha na unti-unti ang pagtaas ng tubig at magagawa pang umiwas.  Ito ay delubyong handang kumitil ng buhay mo at ng iyong mahal sa buhay; bukod pa sa pinsalang hatid sa iyong ari-ariang pinghirapan sa mahabang panahon.

Muli, hindi kami nananakot.  Tinatawag lamang namin ang inyong pansin upang maging handa at hindi makalimot na tumawag at manampalataya sa Diyos sa harap ng papalapit n delubyo.  (END)

No comments:

Post a Comment