Tuesday, June 26, 2012

Karangyaan ng batas




Bukambibig na mga namumuno sa ating bansa ang mga katagang “no one is above the law” bilang pagbibigay diin na sinuman ay maaatring managot sa batas.

Ito ay nabigyan pa ng higit na atensyon sa katatapos na paglilitis at pagpapatalsik sa puwesto kay dating Punong Mahistrado; at nitong Hunyo 12 kung kailan ay ipinagdiwang ang ika-114 guning taon ng Pagpapahayag ng Kasarinlan ng bansana pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.

Sa kanyang talumpating binigkas, pinahalagahan ng Pangulo ang Saligang Batas na pinagtibay ng Kongreso ng Malolos noong 1899 at inilarawan bilang “mga alituntunin na sinang-ayunan ng taumbayan, upang magsilbing gabay kung paano sila mamumuhay at makikitungo nang tama, patas, at makatarungan sa isa’t isa” at “isang saligan na bukal ng katarungan, magtatanggol at magtataguyod ng kabutihan, at sisiguro sa pantay na karapatan para sa lahat.”

Ang nasabing Saligang Batas ay ilang beses ng napalitan ngunit nananatili buhay ang mga inugit na prinsipyo nito patungkol sa pagkakapantay-pantay, katarungan at pananagutan.  Ito ay isang patunay sa karangyaan ng batas.

Ngunit, ayon pa rin sa Pangulo, “ hindi pa rin nauubos ang mga walang pakundangan pa ring naghahanap ng butas upang gamitin ito sa pansarili nilang kapakanan” at “may mga opisyal na harap-harapan kung lumabag sa batas, at harap-harapan ding tinatakasan ang pananagutan.”

Bukod dito, sinabi niya na may ilang naghahari na ang turing sa Saligang Batas ay “laruan na lamang”at “kung umasta sila, animo’y hawak nila ang piring ng katarungan, para bang lisensyado silang palitan, bawasan, ibahin at baliktarin ang Konstitusyon.”

Malungkot ang mga binigkas na paglalarawang ito ng Pangulo sa mga nagyari at nangyayari sa ating bansa patungkol sa pagsunod at pagpapatupad ng mga batas.

Ngunit higit na mas malungkot ang kalagayang kung walang salapi ang isang taong akusado ay balewala ang mga sinasabing karapatan sa batas.

Candle lighting for Maguindanao massacre victims.  By Julie Alipala
Bigyan pansin natin ang mga taoing nakadetine sa ating mga bilangguan na ilang taon ng nakakulong samantalang hindi pa nababasahan ng sakdal dahil sa walang perang maipambayad sa abogado.

Ikumpara ninyo ito sa mga masasalaping diyos-diyosan na kahit direktang itinuro ng mga saksi at ebidensiya sa kanilang pananagutan sa krimeng kinasasangkutan at hindi magalaw ng kinauukulan dahil sa kakayahang magbayad ng abogadong nagtatanggol sa kanila sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga legal na remedyong itinakda ng batas.


Isang halimbawa nito ay ang mga itinuturong sangkot sa insidente ng pamamaslang sa 58 katao kabilang ang 32 mamamahayag na ngayong ay naaalala natin bilang Maguindanao Massacre.

Maaaring ituring ng pamahalaan na tagumpay ang mabiulis na paglilitis sa malaking isdang katulad ng dating punong mahistrado, ngunit ito ay kabalintunaan sa kaso ng mga sangkot sa Maguinanao Massacre na ngayon ay magtatalong taon na.

Kung totoong seryoso ang Pangulo sa kampanyang tuwid na landas kung saan ay nais niyang ituwid at linisin ang mga kabulukan sa pamahalaan, hindi siya dapat tumigil sa magdiwang sa pagkakapatalsik sa dating Punong mahistrado hanggang hindi nabibigyan ng katarungan ang mga biktima sa Maguindanao Massacre.  (END)

No comments:

Post a Comment