Balansehin ang
paglilingkod
Nakagagalak malaman na nagbunga na ang panawagan ni
Gobernador Wilhelmino Alvarado hinggil sa pagtiyak ng katatagan ng Angat Dam na
matatagpuan sa bayan g Norzagaray sa silangang Bulacan.
Batay sa huling ulat mula sa Metropolitan Waterworks and
Sewerage System (MWSS), nagsimula na ang proseso para sa pagpili sa magsasagawa
ng rehabilitasyon sa dam, at ito ay tinatayang matatapos sa Setyembre 2016.
Una rito, inihayag noong 2009 sa Sangguniang Panglalawigan ni
Dr. Renato Solidum, direktor Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) ang
posibilidad ng panganib na hatid ng dam dahil sa ang dike nito ay nakaupo di
kalayuan sa Marikina West Valley Faultline na kung gagalaw ay lilikha ng lindol
na 7.2 magnitude.
Mula noon ay hindi na napigil si Alvarado sa paghahatid ng
babala sa mga Bulakenyo at sa Malakanyang, hanggang sda dinggin ni Pangulong
Benigno Aquino III ang kanyang pahimakas.
Ngayon, nabigyan na ng pansin ang banta ng panganib sa
kabundukan sa silangan ng Bulacan, nararapat na sigurong bigyang pansin ng
pamahalaang panglalawigan ang baybaying Bulacan sa kanlurang bahagi ng
lalawigan.
Sa baybaying dagat ng Bulacan matatagapuan ang mga
naglalakihang palaisdaan na galanteng nagbigay ng biyaya sa maraming pamilyang
Bulakenyo sa mahigit 100 taon.
Ito rin ay tahanan sa libo-libong pamilyang Bulakenyo na ang
bawat salinlahi at walang tigil sa paghahatid ng isda at lamang dagat sa hapag
kainan di lamang ng mga Bulakenyo kungdi ng iba pang lalawigan kabilang na ang
kalakhang Maynila.
Sa mahabang panahon, ang kontribusyon ng mga pamilyang ito
sa latian ng lalawigan ay halos di
pansin ng mga namumunong nakabase sa katihan.
Marami sa mga anak nila ang hindi nakatutuntong sa paaralang sekundarya,
lalo na sa kolehiyo dahil sa kakapusan sa pananalapi ay kakulangan ng pasilidad
na pang-edukasyon sa latian. Dahil dito,
kailangan pa silang sumakay sa bangka tuwing umaga upang makapasok sa mga
paaralang sekundarya partikular na sa Hagonoy.
Bukod sa pangangailangang pang-edukasyon ng mga pamilya sa
baybayin ng Bulacan, dapat ding madaliin ng kapitolyo ang pagbibigay protektsyon
sa kanila. Matatandaan na habang
nananalasa ang Bagyong Pedring sa lalawigan noong nakaraang taon, ay nakumutan
ng mataas na alon mula sa dagat ang mga bahay sa Barangay Pugad sa Hagonoy. Ayon sa Provincial Disater Risk Reduction
Management Office (PDRRMO), hindi tsunami ang sumalpok sa Barangay Pugad, kundi
storm surge na kinumpirma ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical
Services Administration (Pagasa).
Ayon sa mga residente, matagal na nilang hinihiling sa
munisipyo at kapitolyo na makumpuni ang kanilang seawall dike maging ang parola
sa kanilang lugar na nagsisilbing gabay ng mga mangingisda kung gabi. Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa
nila nararamdam ang pagkilos ng pamahalaan.
Sa diwang ito, nanawagan ang pahayagang Mabuhay samga
namumuno sa lalawigan sa pangunguna ni Gob. Alvarado na balansehin ang
pagbibigay proteksyon sa mamamayang Bulakenyo, nasa kapatagan man, kabundukan o
nasa baybaying dagat. (END)
No comments:
Post a Comment