Tuesday, June 26, 2012

Sentrong pangkalikasan


Marilao River clean up


Napapanahon ang pagtatayo ng ecology center sa dating basurahan sa likod ng Bulacan Medical Center (BMC) dahil sa patuloy na pagkasira ng ating kalikasan.

Ito ay magsisilbing paalala sa bawat Bulakenyo, partikular sa mga pamahalaang bayan, lungsod at barangay na kumilos din sapagkat ang pagsisinop ng basura ay obligasyon nating lahat, maging ang paglaban sa epektong hatid ng climate change.

Kung tutuusin ay hulin na sa panahon ang itatayong ecology center dahil 12 taon ng napagtibay ang Republic Act 9003 o ang Ecologucal Solidwaste Management Act, b ukod pa sa ilang salinlahi na tayong nagkakalat ng basura at ilang dekada ng nararadaman ang epekto ng pagbabago ng klima ng mundo.

Ngunit may kasabihan tayong mga Pilipino na “huli man daw at magaling, maihahabol din.”  Ang kasabihang ito ay higit na magkakaroon ng kahulugan kung magiging magaling nga ang pamamahala sa nasabing ecology center.

Ayon kay Abogado Rustico De Belen, hepe ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), magsisilbi ring sentro ng pagsasanay ang nasabing pasilidad, bukod pa sa magkakaroon ito ng nursery ng mga binhin ng punong kahoy na maitatanim.

Bilang sentrong pangkalikasan, ang ecology center ay magsisibi ring tipunan ng impormasyon na magagamit ng mga nais mag-aral at magsanay sa pangangalaga ng kalikasan.

Ang bahaging ito ay ang pinakamalaking hamon sa gobyerno hindi lamang sa lalawigan kundi sa buong bansa dahil ang pag-iingat ng mga impormasyong ay isa sa kahinaan ng gobyerno noon at ngayon.

Hindi lingid sa marami ang pagkawala ng mga dokumento sa pamahalaan, partikular na ang mga dokumentong hinihinalang may bahid ng korapsyon.

Sa diwang ito, kinikilala ng Mabuhay ang pagtatangka ng kapitolyo sa pangunguna ng Benro na makapagtayo ng sentrong pangkalikasan sa lalawigan.

Ngunit sa kabila nito ay nais ipabatid ng Mabuhay na ang mga inhahanda nilang pamamaraan ay maaring hindi na napapanahon dahil sa ito ay aktalis sa tradisyonal na pananaw na kung gusto mo ng impormasyong ay magtunga ka sa amiong tanggapan.

Upang higit na maging makabuluhan ang pagtatangkang ito ng kapitolyo, marapat lamang na ikunsidera nila ang paggamit ng makabagoing teknolohiya sa komunikasyon.  Kabilang diyan ay ang paglikha ng website na may data base ng mga impormasyong magagamit ng taumbayan.  Maaari din nilang gamitin ang mga social networking sites tulad ng Facebook.com para sa pagsasapopular ng mga impormasyong kanilang iniipon at maiipon.

Tandaan natin, imposibleng magwagi tayo sa digmaang hinaharap kung ang ating armas ay hindi akma sa panahon.  (END)

No comments:

Post a Comment