Ipinagmamalaki ng Bulacan ang ang mataas na bilang ng
gumaling mula sa sakit na dengue sa lalawigan sa unang anim na buwan ng taon
kung kailan naitala na isa lamang ang namatay sa mahigit 1,500 mamamayang
nagkasakit.
Taas noo rin nilang ipinahayag na bumaba ang kaso ng dengue
mula sa mahigit na 1,700 na naitala sa katulad na panahon noong nakaraang taon.
Ngunit nananatili pa rin ang katohanang mataas pa rin ang
kaso ng dengue sa lalawigan sa kabila ng mga pahayag ng mga opisyal na
nagsasagawa sila ng malawakang search and destroy operation o pamumuksa sa
lamok.
Ito ay nangangahulugan na hindi epektibo ang isinasagawang
search and destroy operation laban sa mga lamok dahil sa kung nagawa nilang
puksain ang mga lamok at sirain ang mga pinangingitlugan nito, higit sanang
mababa ang naitalang kaso.
Sa kalagayang ito, maitatanong natin sa ating mga sarili,
ilan sa atin ang lumahok sa search and destroy operation laban sa dengue. Hindi natin kailangang sumama sa mga
nagsagawa nito, dahil magagawa natin ito sa loob at labas lamang ng ating mga
bakuran sa pamamagitan ng paglilinis.
Lumalabas na kapos ang kampanya laban sa dengue sa lalawigan
dahil hindi naeengganya ng mga namumuno ang mga mamamayan na lumahok dito. Ilan
sa mga kadahilan ng di paglahok ng mga mamamayan ay ang kawalan ng halimbawa
mula sa mga namumuno, partikular na sa mga mga bayan at barangay.
Ito ay dahil sa kapos na pag-unawa sa tungkulin ng mga
opisyal na umookupa sa mas mabababang posisyon sa gobyerno. Nalilimutan nila na
bilang mga opisyal, bahagi sila ng isang malaking samahan o katawan na dapat
kumilos upang maging matagumpay ang programa ng gobyerno.
Pero ano ang
ginagawa ng mga mas mga opisyalo na ito? Nag-aabang na lang sila ng biyaya sa
halip na magkusang-palo sa pagtupad sa tungkulin.
Tama ang pahayag ng mas mataas na opisyal. Hindi
basurero o taga-puksa ng lamok ang gobyerno. Dapat ay makiisa at makilahok ang mga
mamamayan sa kampanya upang ito ay magtagumpay.
Ngunit dapat nilang maunawaan na ang paglahok ng mga
mamamayan ay nakabatay sa halimbawa ng mga opisyal na naghahatid ng inspirasyon
na makiisa. Ang halimbawang ito ay higit
na magbibigay kahulugan sa kanilang sinumpaang tungkulin at sa pahayag ni
Pangulong Benigno Aquino III na “kayo ang boss ko.”
Kilos mga Bulakenyo, iwaksi ang mga tamad na opisyal!
No comments:
Post a Comment