Saturday, July 21, 2012

Pulitika ng pagkilala



Nakiisa ang Bulacan sa pakikidalamhati sa pamilya ng yumaong hari ng komedya na si Rodolfo “Dolphy” Vera Quizon na ang ina ay nagmula sa Barangay Wawa sa bayan ng Balagtas.

Dahil dito, inangkin ng pamahalaang panglalawigan ng Bulacan ang pagiging Bulakenyo ng komedyante na noong 1995 ay pinagkalooban ng parangal na Dangal ng Lipi, ang pinakamataas na pagkilala sa ipinagkakaloob ng kapitolyo sa mga Bulakenyo o may lahing Bulakenyo na nagtagumpay sa kanilang larangan.

Ngunit ang mga pagkilalalang ipinagkakaloob ng kapitolyo ay may kabalintunaan. Mas higit nilang pinapansin ang mga popular, samantalang dahop sa pagkilala sa tunay na Bulakenyong naghahatid ng karangalan sa lalawigan.

Isa halimbawa nito aya ng FutBulakenyos Football Club nagwagi ng unang kampeonato sa Central Luzon Football League (CLFL) na sinimulan noong Mayo 20.

Sa anim na magkakahiwalay na pakikipagtunggali ng FutBulakenyos sa iba pang koponan sa rehiyon, lahat ay tinalo nila.  Ito ay sa kawalan ng suporta at pondo sa mga lokal na pamahalaan at maging sa mga pamantasan sa lalawigan.

Panggasolina man sa sasakyan o pambili ng uniporme ay walang naipagkaloob ang mga ahensiya ng gobyerno sa lalawigan.  Ito ay sa kabila ng pahayag ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa mga lumahok sa State Colleges and Universities Athletics Association (SCUAA) noong Disyembre 2010 na nais niyang paunlarin ang larong football sa lalawigan.

Sa larangan naman ng imbensyon ay namayagpag si Kelvin Ghell Faundo ng Obando sa katatapos na International Exhibition for Young Inventors na isinagawa sa Bangkok Thailand nitong huling bahagi ng Hunyo.

Kung tutuusin ay maliit ang kontribusyon ng FutBulakenyos at ng imbentor na si Faundo, ngunit ang dapat bigyang pansin ng ating pamahalaan ay ang kanilang pagiging kabataan na maaaring magsilbing modelo sa kapwa kabataan.

Isa pang pagkukulan ng kapitolyo ay ang pagpapatigil sa taunang Gawad Gat Marcelo H. Del Pilar simula noong 2010.  Ang nasabing parangal ay nagbibigay pagkilala sa mga mamamahayag na Bulakenyo at naglalayong mapataas ang antas ng pamahahayag sa lalawigan.

Hindi sa hinihingi namin ang mga nabanggit na pagkilala, sa halip ipinababatid lamang natin sa mga namumuno sa kapitolyo ang ilang pagkukulang nila ayon na rin sa hamon ni Alvarado noong Agosto 30, 2010 na kung may pagkukulang sila, responsibilidad nating tawagin ang kanilang pansin o punan ito.

Hindi pa huli ang lahat, may panahon pa upang ituwid ang ilang pagkukulang.  Kailangan lamang ay ang tuwid na kaisipan na handang tumanggap sa pagkukulang at pagkakamali.

Tandaan natin, ang namumuno sa ating ay makakasing-galing lamang natin; at tayo ay makakasinggaling lamang ng namumuno sa atin.

Ito ang diwa ng demokratikong lipunan kung saan ang lahat ay magkakaugnay, maliban na lamang sa katotohanang sila ang naghahawak ng lukbutan ng bayan. 

No comments:

Post a Comment