Saturday, July 21, 2012

PROMDI: Tres Marias sa kapitolyo




Rewind muna tayo sa panunumpa ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa tungkulin noong Hunyo 30, 2010.

Pangako niya noon ay “dudurugin ko ang korapsyon sa kapitolyo.”
***
Fast forward naman tayo sa kasalukuyan. Nadurog na nga ba ni Alvarado ang korapsyon sa kapitolyo?

O baka siya ang unti-unting dinudurog nito?
***
Ok, let’s play it up.  Nagrereklamo ang mga supplier sa kapitolyo dahil sa hindi raw sila nababayaran.

Worst, ang ilan ay tumigil na sa pagde-deliver ng supply.
***
Kabilang dito ay ang mga supplier ng pagkain, gamit sa mga ospital, at maging mga gamit sa konstruksyon ng mga proyektong pang imprastraktura.

Dahil di nababayaran, ilan ay tumigil at ang kasunod na kontrata ay ibinigay sa iba na alaga ng sinasabing tatlong Maria sa kapitolyo.
***
Ayon sa isang mataas na opisyal, maiikli ang pisi ng mga supplier at kontraktor na tumigil.

Ibig sabihin, maliit ang puhunan o kakaunti ang perang ipinapalaot sa negosyo.
***
Eh ano naman ngayon kung maikli ang pisi ng ilang supplier na nagnanais magnegosyo?

Makatarungan bang ipitin ang Purchase Request (PR) para sa supply?
***
Di lang mga supplier ang nakakaranas ng delay ay mahabang pagkaantala ng tsekeng kabayaran mula sa kapitolyo.

Maging mga lokal na pahayagang pinaglathalaan ng advertisement ng kapitolyo noong nakaraang taon,  Paiyakan sa paniningil samantalang matagal ng nalathala ang advertisement nila.  Wika nga, service rendered na yun.
***
At dahil nagigipit ang mga supplier, makatarungan bang pautangin sila ng five-six ng opisyal ng kapitolyo?

Pero di lang daw five-six ang labanan, umaabot sa 20 porsyento ang kaltas sa tseke ng supplier.
***
Ayon sa mga tenga ng Promdi, hindi halos nahahawakan ng supplier ang kanilang tseke kapag ito ay na-release na.

Ini-endorse o pinipirmahan lang daw ng supplier ang tseke at opisyal na ng kapitolyo ang magpapa-encash noon.
***
Heto pa ang bomba. Kapag nakasingil ang supplier, kasabihan sa kapitolyo ay mapula ang hasang ng isa sa tatlong Maria.

Dahil daw sa gumana na ang “sustansiya.”
***
Ito ay ang tinatawag ngmga taga-kapitolyo na “masustansiyang pamamahala.”

Taliwas ito sa ipinangakong “mapanagutang pamamahala” ni Alvarado na bahagi rin ng kanyang pitong puntong adyenda, na sososlusyunan sa pamamagitan ng pagdurog sa korapsyon.
***
Ayon sa mga tenga ng kapitolyo, pinagalitan noong nakaraang linggo ni Alvarado ang isang mataas na opisyal sa kapitolyo dahil nakarating sa kanya ang mga balita ng himala.

Umaatikabong sermon ang ibinigay ni Alvarado, at ito ay narinig ng mga kapitan ng barangay na bisita niya sa oras na iyon dahil ibinukas niya ang speaker ng kanyang cellphone.  Talagang ipinarinig sa mga bisita.
***
Ngunit ang galit ni Alvarado sa pagtawag sa telepono sa opisyal ay hindi sapat, ayon sa ilang nakabalita sa pangyayari.

Dapat daw ay simulan ng punong lalawigan ang isang masusing imbestigasyon upang makilala ang mga nasa likod ng pananabotahe sa kanyang panunungkulan.
***
Ang totoo, dapat ay noong pang 2010 sinimulan ni Alvarado ang pagpapaimbestiga sa mga gumagawa ng himala sa kapitolyo.

Ang pagpapaimbestiga ay isang malinaw na hakbang sa kanyang pangakong “dudurugin ang korapsyon sa kapitolyo.”
***
Kung nag-imbestiga lamang si Alvarado noong 2010, hanggang sa kasalukuyan, nahukay sana niya ang mga kasong nakasampa sa ilang opisyal ng kapitolyo.

Isa rito ay ang isinampa sa Ombudsman noong Setyembre 2011.
***
Ang nasabing kaso ay isinampa ng isang “concerned citizen” na naglakas loob na magbulgar ng mga ghost delivery sa kapitolyo.

Naglakas loob dahil ang mga dokumentong isinumite bilang ebdensya ay may petsang 1999.
***
Napakatagal na panahon ang hinintay ng “concerned citizen” na ito bago magsampa ng kaso at ilabas ang mga dokumentong kanyang iniingatan.

Ito ay nangangahulugan na nakaipon lamang ng lakas ng loob ang concerned citizen sa panahon ni Alvarado dahil sa paniniwalang dudurugin nga ng gobernador ang korapsyon sa kapitolyo.
***
Sa pananaw ng Promdi, hindi sapat na sabihin ni Alvarado na hindi niya alam ang kasong iyon dahil siya ay copy furnished sa papel na isinampa sa Ombudsman.

Ipagpalagay nating hindi nga siya nabigyan ng kopya. Pero kung nagpaimbestiga lang siya noong 2010, nahalukay n asana niya ang mga himala sa kapitolyo na sa kasalukuyan ay unti-unting dumudurog sa kanyang administrasyon.  (Dino Balabo)

No comments:

Post a Comment