Saturday, July 21, 2012

PROMDI: Himala sa kapitolyo




Halos tatlong linggo na ang nakakaraan ng maglagay ng mga tarpaulin poster sa labas ng bawat tanggapan sa kapitolyo.

Bahagi daw ito ng anti-red tape campaign.
***
Sa mga nasabing poster, nakalagay ang proseso ng pakikipagtransaksyon sa mga nasabing tanggapan.

Kung may kailangan kang dokumento, mababasa mo sa poster kung ano ang mga requirement/s na dapat mong dalhin o iprisinta tulad ng ID o kaya ay request letter.
***
Ang nakakatuwa, may mga tanggapan na itinala pa kung gaano katagal ang pagproproseso ng request.

Katulad sa Sangguniang Panglalawigan at sa BENRO, nakatala sa kanilang poster kung ilang minuto ang itatagal ng paghahanap ng dokumento.
***
Ang mga hakbang na ito nagpapatunay na pagnanais ng administrasyong Alvarado na para sa matuwid at mapanagutang pamamahala.

Ngunit ito naman ay taliwas sa umuugong na balita sa kapitolyo hinggil sa mga diumano’y di nababayarang utang sa mga supplier.
***
Sa nagdaang linggo, nabnaggit ng Promdi ang “Masustansiyang Pamamahala” ng Tres Marias ng kapitolyo.

Sila yung sinasabing kumokontrol sa mga supplier.
***
Sa pagsasaliksik ng Promdi, natuklasan ang simple ngunit masalimuot na prosesong sinusundan ng mga supplier.

Ito ay mula sa pagbibigay ng approval ng gobernador hanggang sa maibigay ang tsekeng kabayaran sa kanila para sa serbisyo o produktong inihatid.
***
Maaaring ilan sa bahagi ng prosesong aking babanggitin ay hindi eksakto ao nasusunod, pero ang mas maraming bahagi nito ay kinumpirma ng ilang supplier.

Yung iba, ayaw pang magsalita, baka daw maipit ang kanilang negosyo.  Sila rin yung handang magpadulas sa sistemang ‘fast tracking” sa kapitolyo.
***
Dalawa daw ang sistema ng pagbibigay ng kontrata.  Kung less than P500,000, walang bidding.  Shooping lang daw.

Pero kung P1-M o P1.5-M, tiyak na may bidding.
***
Kung shopping, pinaapruban kay Gob. Alvarado ang pagsusuply ng mga supplier.

Pagkatapos ay dadalin sa General Services Office ang papeles upang magawan ng purchase request (PR).
***
Tapos dadalhin sa Budget Office, Accounting at Treasurers Office ang PR para pirmahan.
Pero may ilang supplier na nagsasabing di na muna dinadala sa Treasurer’s Office ang PR.
***
Tapos ibabalik kay Gob ang PR para pirmahan, saka muling ibabalik sa General Services para igawa ng Purchase Order (PO).

May mga pagkakataon na kapag ibinalik ang PR sa General Services Office (GSO) para gawan ng PO ay isinasabay na ang paggawa ng voucher. (para daw mapabilis ang release ng tseke).
***
Tapos dadalhin sa Budget Office ang PO para pirmahan.

Sa pagkakataong ito, nagsisimula ng magdeliver ang supplier.
***
Muli, babalik sa GSO ang papel, tapos ay sa accounting at kay Gob para pirmahan ang tseke.

Ang huli ay ang pagrerelease ng Treasurer’s Office ng tseke.
***
Ayon sa mga supplier, ang prosesong ito ay natitigil matapos gumawa ng PR ng GSO.

Diumano ay naiipon ang mga PR sa mga kasunod na tanggapan na dadaanan nito.
***
Ayon sa isang  opisyal ng kapitolyo, naaantala ang PR dahil sa tinutukoy pa ng Budget Office at ng Accounting kung may sapat na pondo para sa supplies na idedeliver ng supplier.

Iginiit pa nya na mula daw noong 2010 ay higit na lumaki ang gastusin ng kapitolyo dahil sa pinalawak ang serbisyo nito sa mga indigents at mga ospital.
***
Mula daw noong 2010 ay naging tatlong araw ang people’s day ng gobernador, samantalang sa mga nagdaang administrasyon ay minsan lang isang linggo o wala pa.

Bukod dito, dalawang araw daw kung lumibot ang Kapitolyo sa barangay ni Alvarado kung saan ay katakot-takot na ipinamimigay na tulong sa mga taumbayan.
***
Maaaring totoo.  Pero lumabas na sobra-sobra ang gastos ng punong lalawigan.  Sa madaling sabi ay “overspending.”

Pero gaano ba karami ang tinutulungan ng gobernador sa isang people’s day niya? Di ba nasa 250 lamang bawat araw ayon sa Annual Investment Plan ng kapitolyo?
***
Ipagpalagay nang nag-o-overspending ang gobernador. Pero bakit yung mga utang noong 2009, 2010 at 2011 ay hindi pa nababayaran?
***
Ipagpalagay nating nasa 5,000 ang tintulungan ng gobernador loob ng isang buwan sa kanyang peoples’ day at Kapitolyo sa barangay.

Ibig bang sabihin na nauubos ang pondo ng kapitolyo sa loob ng isang buwan sa 5,000 katao?
***
Nakapagtataka na naaantala ng matagala ang pagbabayad sa mga supplier.

Hindi ba’t lahat ng gagastusin ng bawat departamento ay itinatala isang taon bago gastusin, at may nakalaang pondo roon?
***
Ito ay ilan lamang sa mga katanungang dapat sagutin ng kapitolyo.

Mas maganda siguro ay humarap sa buwanang Talakayang Bulakenyo ang mga may kinalaman sa usaping ito upang higit na maipaliwanag.  (Dino balabo)

No comments:

Post a Comment