Brgy. Calizon, Calumpit matapos ang pananalasa ng bahang hatid ng bagyong Pedring noong 2011. |
Sa nakaraang tatlong sunod na taon,
sinagasaan ng kalamidad ang Bulacan, lumubog sa baha ang maraming barangay sa
ibat-ibang bayan, marami ang inilikas, may mga nasawi pa at daan-daang milyong
piso ang halaga ng nasalantang ari-arian, imprastraktura, pananim at kabuhayan.
Ang kalagayang ito inaasahang mauulit pa,
hindi lang minsan, maaring sa marami pang beses.
Ito ay dahil na rin sa patuloy na pagpupuyos
ng panahon hatid ng epekto ng climate change tulad ng mas malakas na buhos ng
ulan sa loob ng maikling oras na naghahatid ng malawakang pagbaha na
pinalulubha pa ng mga bumababaw at kumikipot na mga sapa at mga kailugan, bukod
sa mga baradong kanal at iba pang dinadaluyan ng tubig.
Totoo. Hindi natin maiiwasan kalagayang
ito na patuloy na humahamon sa ating katatagan bilang isang lalawigan.
Ngunit mababawasan natin ang epekto nito maging sa pinakamahihina at
pinakamaliliit nating kalalawigan.
Totoo rin na hindi matutugunan ng iisang tao
lamang ang kalagayang ito na kung mapapabayaan ay maaring magbunga ng
kapahamakang walang katumbas—ang pagkasawi ng isang masigla at magiting na
liping pinanday ng dalawang digmaang pandaigdig, hinamon ng paulit-ulit na
pagbaha noong dekada 70 ngunit nanatiling matatag at kumikilala sa pinagsama-samang
talino at kakayahan ng sambayanang Bulakenyo.
Ang solusyon sa epekto ng climate change at
patuloy na pamamayagpag ng liping Bulakenyo ay hindi nananahan lamang sa iisang
tao. Ito ay nasa bawat isa atin,kaya’t marapat lamang na ito ay dinggin,
tipunin at isaayos upang mabuo ang isang kumprehensibo ngunit na magkakaugnay
na hakbangin.
Dahil dito, hinahamon namin si Gobernador
Wilhelmino Alvarado na pangunahan ang pagpapatawag at pagsasagawa ng isang
climate crisis summit sa lalawigan ng Bulacan upang matukoy ang mga proyektong
dapat bigyang ng prayoridad bilang paghahanda sa susunod na kalamidad na
maaaring manalasa sa Bulacan.
Sa pamamagitan nito, higit na magkakaroon ng
kabuluhan ang paggugol sa calamity fund ng mga barangay, bayan, lungsod at
maging ng kapitolyo na kung pagsasama-samahin ay aabot sa daan-daang milyong
piso.
Kaakibat nito ay ang pagbuo ng isang
oversight council na binubuo ng mga kinatawan mula sa ibat-ibang sektor na
magbabantay sa paggamit ng pondo at pagpapatupad ng mga proyekto sa buong taon;
kung nais na patunayan ng mga naumumnong lingkod bayan na sila ay tapat sa
tungkulinm walang itinatago at handang tumugon sa polisiyang tuwid na daan ni
Pangulong Benigno Aquino III.
No comments:
Post a Comment