Sunday, September 29, 2013

State of calamity


 
Bahang hatid ng bagyong Pedring noong 2011 sa Hagonoy.




  

Muling isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Bulacan dahil pagbahang hatid ng bagyong Maring na nagpaigting sa hanging habagat na naghatid ng ilang araw na walang patid na pag-ulan.

Ito ang ikatlong sunod na taon na pagsasailalim sa Bulacan sa state of calamity.  Matatandaan na noong Oktubre 2011 ay isinailalim din ang lalawigan sa katulad na kalagayan matapos ang pananalasa ng mga bagyong Pedring at Quiel na nagdulot ng pinakamalalim na pagbaha sa lalawigan sa loob ng nagdaang 30 taon.

Noong Agosto 2012 ay isinailalim din sa katulad na kalagayan ang lalawigan dahil sa malawakang pagbaha na hatid ng malakas na ulan ng hanging habagat. Sa pagkakataon iyon, ang mga lugar sa lalawigan na hindi binabaha sa nagdaang 30 taon ay lumubog.

Ang pagdedeklara ng state of calamity ay may isang natatanging bunga sa hanay ng pamahalang lokal. Ito ay ang paglalabas ng calamity fund na ang katumbas ay limang porsyento ng kabuuang  pondo sa isang taon ng pamahalang lokal—panglalawigan man, panglungsod, pambayan o pambarangay.

Ngunit ayon sa batas, ang calamity fund ay hindi lamang gagamitin para sa pagmumudmod ng mga relief goods. Itinatakda ng batas na 70 porsyento ng calamity fun ay para sa paghahanda sa kalamidad, ata ng 30 porsyento ay para sa relief operations.

Ito ay nangangahulugan na milyon-milyong piso ang dapat gugulin ng mga pamahalaang lokal para sa paghahanda sa kalamidad. Kabilang dito ay ang pagbili ng mga kagamitan, pagbibigay ng pagsasanay sa mga taon, pamamahag ng sapat at akmang impormasyon, at marami pang iba.

Kung ang pagbabatayan ay ang pamahalaang panglalawigan na may kabnuuang pondong mahigit sa P3-Bilyon bawat taon, lumalabas na mayroon silang p100-Milyong calamity fund sa bawat taon, o mahigit sa P300-M calamity fund sa nagdaang tatlong taon.

Ngunit ang tanong ay saan nagugolo napunta ang calamity fun ng kapitoloyo at mga pamahalaang pambayan, panglungsod at pambarangay sa nagdaang dalawang taon na isinailalim sa state of calamity ang buong Bulacan.

May nadagdag bang kagamitan ang mga disaster risk reduction office? Nadagdagan ba ang mga taon nabigyan ng sapat at akmang kakayahan sa sa pagsaklolo at pagtugon sa kalamidad? Nakapamahagi ba sila ng sapat na impormasyon hinggil sa mga dapat gawin sa panahon ng kalamidad bilang paghahanda?

Kung ang mga bagay na ito ay hindi makita at nagawa ng inyong pamahalaang lokal, lumalabas na marami ang kumita sa panahon ng mga nagdaang kalamidad sa Bulacan samantalang ang taumbayang katulad mo ay naghihirap.

No comments:

Post a Comment