Tuesday, December 17, 2013

Takot



 
Hindi maitatangging mainit ang usapin ngayon sa hinggil sa panganib na hatid ng Angat Dam at naaantalang pagpapakumpuni dito na noong pang isang taon sinasabing ipapasubasta.

Sa mga tindahan, barberya , mga umpukan at maging sa social media partikular na sa Facebook.com ay iyan ang mga usap-usapan at paulit-ulit na nababanggit.

Marami ang nagsabing natatakot sila at may mga nagsasabing pananakot lamang ng ilang pulitiko balitang hinggil sa Angat Dam. Maging ang pahayagang ito ay inakusahang naging daluyan ng pananakot dahil sa mga balitang nailathala, partikular na sa aming website na Mabuhay Online (www,mabuhayonline.blogspot.com), fan page na Mabuhay Newspaper-Bulacan at account o pahinang Mabuhay Newspaper sa Facebook.com.

Ipagpaumanhin po ninyo kung naghatid ng takot sa inyo ang balitang aming hatid.  Ipagpaumanhin din po ninyo kung naabala naman ang inyong kaisipan dahil sa pagbabalita ng totoo sa sambayanang Bulakenyo.  Ipagpaumanhin na rin po ninyo kung ang aming balitang inihahatid ay hindi lamang mga balitang nais ninyong malaman, sa halip ay kalakip ang mga balitang dapat nating malamang lahat.

Ang totoo, ang mga taong nasa likod ng pahayagang Mabuhay ay may naunang natakot sa inyong lahat mula ng ng maunawaan ang panganib na nakamba sa dakilang liping Bulakenyo mula pa noong 2009 nang ito ay ihayag ni Dr. Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivocs).

Kami po ay natakot noon sa realisasyong iilang lingkod bayan natin ang nakinig sa babala ni Solidum. Natakot kami dahil sa mga namumuno sa mga pamahalaang lokal natin sa Bulacan ay abala sa maraming bagay ngunit hindi sa kaligtasan ng dakilang lahing Bulakenyo.

Natakot po kami para aming mga mambabasa na walang kamalay-malay sa panganib na nakaamba. Natakot kami para sa aming mga kapamilya, kaanak, kaibigan, kapitbahay, kababaryo, at mga kababayan. Natakot din kami sa aming sarili na maaaring madamay sa delubyong naka-abang sa ating lahat.

Ang totoo, natakot din kaming ibalita ang panganib na maaaring ihatid ng Angat Dam sa ating lahat dahil sa posibilidad na ito ay hindi maintidihan at maghatid ng pangamba sa marami.

Ito ang dahilan kung bakit naghintay kami ng ng mahabang panahon,ngunit sa paghihintay na iyan ay inunti-unti na namang ilahad ang panganib na nakaamba sa ating lahat.

Ang aming paghihintay ay nagbunga dahil na rin sa unti-unting namulat ang marami sa panganib ng kalamidad matapos masalanta ng lindol ang Bohol at ng bagyong Yolanda ang Visayas nitong Nobyembre. Ang dalawang kalamidad na ito ang naghatid sa ating sa kasalukuyan kalagayan na unti-unting nabuksan ang ating isipan sa mga panganib.

Kami po ay natatakot pa rin. Ngunit ang aming takot ay sa Panginoong Diyos na maaari kaming singilin sa pagtalikod sa responsibilidad na ilahad ang katotohanan.

Totoo.Tayo ay natakot pa rin. Pero mas makabubuting ang takot sa ating dibdib ay isantabi at palitan ng lakas ng loob ng paninindigan sa katotohanan, ng pananalig sa Diyos at ng bukas na isipan para sa isang may payapa ay maligayang Pasko.(-30-)

Sunday, September 29, 2013

Kung kami si Gob


Brgy. Calizon, Calumpit matapos ang pananalasa ng bahang hatid ng bagyong Pedring noong 2011.



Sa nakaraang tatlong sunod na taon, sinagasaan ng kalamidad ang Bulacan, lumubog sa baha ang maraming barangay sa ibat-ibang bayan, marami ang inilikas, may mga nasawi pa at daan-daang milyong piso ang halaga ng nasalantang ari-arian, imprastraktura, pananim at kabuhayan.

Ang kalagayang ito inaasahang mauulit pa, hindi lang minsan, maaring sa marami pang beses.

Ito ay dahil na rin sa patuloy na pagpupuyos ng panahon hatid ng epekto ng climate change tulad ng mas malakas na buhos ng ulan sa loob ng maikling oras na naghahatid ng malawakang pagbaha na pinalulubha pa ng mga bumababaw at kumikipot na mga sapa at mga kailugan, bukod sa mga baradong kanal at iba pang dinadaluyan ng tubig.

Totoo.  Hindi natin maiiwasan kalagayang ito na patuloy na humahamon sa ating katatagan bilang isang lalawigan.  Ngunit mababawasan natin ang epekto nito maging sa pinakamahihina at pinakamaliliit nating kalalawigan.

Totoo rin na hindi matutugunan ng iisang tao lamang ang kalagayang ito na kung mapapabayaan ay maaring magbunga ng kapahamakang walang katumbas—ang pagkasawi ng isang masigla at magiting na liping pinanday ng dalawang digmaang pandaigdig, hinamon ng paulit-ulit na pagbaha noong dekada 70 ngunit nanatiling matatag at kumikilala sa pinagsama-samang talino at kakayahan ng sambayanang Bulakenyo.

Ang solusyon sa epekto ng climate change at patuloy na pamamayagpag ng liping Bulakenyo ay hindi nananahan lamang sa iisang tao.  Ito ay nasa bawat isa atin,kaya’t marapat lamang na ito ay dinggin, tipunin at isaayos upang mabuo ang isang kumprehensibo ngunit na magkakaugnay na hakbangin.

Dahil dito, hinahamon namin si Gobernador Wilhelmino Alvarado na pangunahan ang pagpapatawag at pagsasagawa ng isang climate crisis summit sa lalawigan ng Bulacan upang matukoy ang mga proyektong dapat bigyang ng prayoridad bilang paghahanda sa susunod na kalamidad na maaaring manalasa sa Bulacan.

Sa pamamagitan nito, higit na magkakaroon ng kabuluhan ang paggugol sa calamity fund ng mga barangay, bayan, lungsod at maging ng kapitolyo na kung pagsasama-samahin ay aabot sa daan-daang milyong piso.

Kaakibat nito ay ang pagbuo ng isang oversight council na binubuo ng mga kinatawan mula sa ibat-ibang sektor na magbabantay sa paggamit ng pondo at pagpapatupad ng mga proyekto sa buong taon; kung nais na patunayan ng mga naumumnong lingkod bayan na sila ay tapat sa tungkulinm walang itinatago at handang tumugon sa polisiyang tuwid na daan ni Pangulong Benigno Aquino III.

Tapos na ang panahon ng pagwawalang bahala sa kalamidad. Tapos na rin ang walang pananagutang paggastos ng calamity fund. Isulong natin ang tuwid na daan sa pamamahala, at bigyan daan ang makabuluhan, tumutugon at nararamdamang pamamahala sa dakilang lalawigan ng Bulacan.

State of calamity


 
Bahang hatid ng bagyong Pedring noong 2011 sa Hagonoy.




  

Muling isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Bulacan dahil pagbahang hatid ng bagyong Maring na nagpaigting sa hanging habagat na naghatid ng ilang araw na walang patid na pag-ulan.

Ito ang ikatlong sunod na taon na pagsasailalim sa Bulacan sa state of calamity.  Matatandaan na noong Oktubre 2011 ay isinailalim din ang lalawigan sa katulad na kalagayan matapos ang pananalasa ng mga bagyong Pedring at Quiel na nagdulot ng pinakamalalim na pagbaha sa lalawigan sa loob ng nagdaang 30 taon.

Noong Agosto 2012 ay isinailalim din sa katulad na kalagayan ang lalawigan dahil sa malawakang pagbaha na hatid ng malakas na ulan ng hanging habagat. Sa pagkakataon iyon, ang mga lugar sa lalawigan na hindi binabaha sa nagdaang 30 taon ay lumubog.

Ang pagdedeklara ng state of calamity ay may isang natatanging bunga sa hanay ng pamahalang lokal. Ito ay ang paglalabas ng calamity fund na ang katumbas ay limang porsyento ng kabuuang  pondo sa isang taon ng pamahalang lokal—panglalawigan man, panglungsod, pambayan o pambarangay.

Ngunit ayon sa batas, ang calamity fund ay hindi lamang gagamitin para sa pagmumudmod ng mga relief goods. Itinatakda ng batas na 70 porsyento ng calamity fun ay para sa paghahanda sa kalamidad, ata ng 30 porsyento ay para sa relief operations.

Ito ay nangangahulugan na milyon-milyong piso ang dapat gugulin ng mga pamahalaang lokal para sa paghahanda sa kalamidad. Kabilang dito ay ang pagbili ng mga kagamitan, pagbibigay ng pagsasanay sa mga taon, pamamahag ng sapat at akmang impormasyon, at marami pang iba.

Kung ang pagbabatayan ay ang pamahalaang panglalawigan na may kabnuuang pondong mahigit sa P3-Bilyon bawat taon, lumalabas na mayroon silang p100-Milyong calamity fund sa bawat taon, o mahigit sa P300-M calamity fund sa nagdaang tatlong taon.

Ngunit ang tanong ay saan nagugolo napunta ang calamity fun ng kapitoloyo at mga pamahalaang pambayan, panglungsod at pambarangay sa nagdaang dalawang taon na isinailalim sa state of calamity ang buong Bulacan.

May nadagdag bang kagamitan ang mga disaster risk reduction office? Nadagdagan ba ang mga taon nabigyan ng sapat at akmang kakayahan sa sa pagsaklolo at pagtugon sa kalamidad? Nakapamahagi ba sila ng sapat na impormasyon hinggil sa mga dapat gawin sa panahon ng kalamidad bilang paghahanda?

Kung ang mga bagay na ito ay hindi makita at nagawa ng inyong pamahalaang lokal, lumalabas na marami ang kumita sa panahon ng mga nagdaang kalamidad sa Bulacan samantalang ang taumbayang katulad mo ay naghihirap.

Pork barrel





 
Nakahihiya ang pahayag ng ilang kongresista sa bansa na hinggil sa pork barrel na diumano’y ginagamit nila para sa kapakanan ng kanilang nasasakupan, samantalang nakabibingi ang katahimikan ng mga kongresistang Bulakenyo hinggil dito.

Sinasabi ng mga kongresista na ginagamit daw nila para sa isklolarsip at pampagamot ng kanilang nasasakupan ang P70-Milyon pork barrel na kanilang tinatanggap bawat taon, bukod pa sa pagpapatayo ng mga proyektong pang imprastraktura tulad ng kalasada, tulay at mga kanal.

Ngunit ang mga trabahong ito ay nasasakop na ng ibat-ibang ahensiya tulad ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Kung ang mga trabahong ito ay tuluyang isusuko ng mga kongresista sa mga nasabing ahensiya, mas matututukan nilaang paghubog at paglikha ng batas na maaaring magbunga ng mas mabilis na pagpapatibay ng mga napapanahon at makakahulugang batas.

Maitatanong natin kung totoo bang namamahay sa puso ng mga kagalang-galang na kongresista ang diwa ng bolunterismo sa pagsasagaw ang trabaho ng ehukutibo, samantalang ang kanilang tunay na trabaho bilang mambabatas at humubog o lumikha ng batas.

Aminin man nila o hindi, personalna interes ang namamayani sa kanila sa paghahanay ng mga gawaing pang ehukutibo tulad ng pamamahagi ng iskolarship, pagbibigay ng gamot at pagpapagawa ng gawaing pang imprasktraktura.  Unang una na rito ay ang makapagtanim ng utang na loob sa kanilang nasasakupan upang matiyak na muling mahahalal sa susunod na eleksyon.

Ang kalagayang ito ay patuloy na naggagatong sa habang panahong sistema ng patronage politics hindi lamang sa lalawigan kungdi sa buong bansa.


Ilan na ang nagpayo na dapat nang mabuwag ang sistemang ito upang ang mahalal ay mga tunay na maglilingkod sa bayan at hindi sa kaban ng bayan.

Isa paraan ay ang pagbuwag sa pork barrel at ang pondong kaakibat ng pork barrel na nagpapalawak sa pampulitikang kapital ng mga pulitiko, at ipagkaloob sa mga ahensiya gobyerno upang higit na mapalakas ito.

Bawasan natin ang pogi points ng mga pulitiko, patatagin ang mga ahensiya at institusyon ng gobyerno.

Suportahan ang pagbuwag sa pork barrel ng mga mambabatas upang matutunan nila ang kanilang tunay na trabaho, upang mabigyang daan ang mga taong ang paglilikuran ay bayan, hindi ang kaban ng bayan.

Calamity fund


Maring 2013, photo by Jeff Lobos.



Hindi maitatanggi ang kasiyahan ng ilang opisyal ng pamahlaang lokal sa pagsasailalim sa lalawigan ng Bulacan sa state of calamity matapos ang pagbahang hatid ng bagyong Maring at walang patid na pag-ulan na bunga ng pinaigting na hanging habagat.

Ito ay dahil sa milyon-milyong halaga  ng calamity fund ang kanilang maaaring galawin, lalo pa’t katatapos lamang ng halalang lokal noong Mayo at nalalapit naman ang halalang pambarangay sa Oktubre.

Katulad ng kontrobersyal na pork barrel fund, marami ang naghihinala at nag-aakusa na ang calamity fund ay karaniwang nalulustay ng mga opisyal na naghahawak nito. Ito ay dahil na rin sa walang malinaw na pag-uulat hinggil sa paggamit ng calamity fund.

Ngunit sa nagdaang linggo,umusok ang usapan hinggil sa calamity fund salalawigan matapos lumabas ang ulat ng kapitolyo hinggil sa pondong ginugol sa ipinamahaging relief goods.

Batay sa ulat ng kapitolyo ang bawat bag ng relief goods na ipinamahagi nila sa Lungsod ng Malolos at Hagonoy ay nagkakahalaga ng P250.  Ito ay ayon sa tala ng bilang ng bag ng relief goods na ipinamahagi at tinatayang halaga nito.

Ngunit lalong naglagablab ang usapan ng mailathala sa social media ang mga larawan ng dalawang kilong bigas, dalawang noddles, dalawang kapeng 3-in-1,isang lata ng corned beef at isang lata ng meat loaf.

Batay sa pagtaya ng mga socialmedia users, hindi P250 ang halag ng relief goodf na kanilang tinanggap. Sa halip ay P120 hanggang P150 lamang.

Hindi pa kasama dito ang posibilidad na mas mababa ang presyo ng pagkakabili ng mga relief goods na nabanggit mula sa supplier ng kapitolyo.

Lumalabas na hindi bababa sa P100 ang halagang nawawala sa bawat bag ng relief goods na ipinamahagi ng kapitolyo.

Ang kalagayang ito ay nagpapatunay na ang kalamidad ay hindi natatapos sa paghupa ng baha, sa halip ay lalo itong lumulubha dahil may mga taong nagsasamantala ay umaagaw sa mga tulong na dapat matanggap ng mga mamamayang kanilang pinangakuan ng tapat na paglilingkod at ipagtatanggol.

Hindi biro ang kalagayang ito sapagkat ang katumbas nito ay isang pandarambong sa sambayanang napinsala ng kalamidad. Pero ngayon natin masusubukan kung ang mga lingkod bayan na nangako ng paglilingkod at pagtatanggol sa mamamayan ay maninindigan sa tama at may dignidad na pamamahala sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga taong sangkot sa pagsasamantala sa mamayang Bulakenyo.

Tingnan natin kung matitigas ang gulugod ng mga halal na opisyal sa Bulacan at kung mag-uulat ng tama ang mga pamahalaang lokal sa paggmit nuila ng calamity fund.

Sunday, January 27, 2013

FOI nasa ICU: Kaligtasan nasa kamay ni P-Noy




NASA bingit ng kamatayan ang Freedom of Information (FOI) bill.

Dahil anim na session days na lang ang  natitira bago muling magsasara ang House of Representatives para sa kampanya ng eleksyon sa Mayo 2013, bukod tangjng isang milagro ang maaring magligtas sa panukalang batas -- isang sertipikasyon na ito ay dapat na dagliang maisabatas, mula kay Pangulong Aquino mismo.

Hindi na nga dapat umabot pa sa ICU ang FOI bill kundi lang walang ginawa ang Kamara sa nakalipas na tatlong session days nito nuong nakaraang linggo.

Lunes, unang araw ng sesyon, hindi man lang nailista sa Order of Business ng Kamara ang FOI bill, kahit na nuon pang Disyembre 18, 2012 pa ito naipaabot sa House Committee on Rules. Sa ikalawa't ikatlong araw, nai-schedule nga ang sponsorship speeches at debate sa plenaryo ng FOI bill pero biglang nagbababala ang isang mambabatas na kikuwestiyunin niya ang kawalan ng quorum dahil sa mosyon niyang parokyal at makasarili. Ang buong Kamara'y naging animo hostage sa tantrum ng mambababatas.

Gayunman, pinayagan ng liderato ang tatlong privilege speeches, at lagpas isang oras na interpelasyon sa isa, nuong ikatlong araw. Pero ni isang minuto, hindi man lang nailaan sa pagtalakay ng FOI bill.

Ang mga pangyayari nitong nakalipas na linggo ay nagpapatibay na may sabwatang nagaganap sa Kamara para kitlin ang buhay ng FOI bill. Ito ay sa pangunguna ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. at Majority Leader Neptali Gonzales II, at kasama ang palagiang absent na mga mambabatas bilang kakutsaba.

Binuksan ni Belmonte ang sesyon nuong Lunes, ngunit matapos iyon, siya at si Gonzales ay hindi na nagapakita sa sessiin hall hanggang dumating ang ikatlong araw. Ilang minuto silang nagpakita nuong MIyerkules. Tila iyon ang hangganan ng kanilang liderato sa Kamara na walang ginawa para bigyang ng dagliang aksyon ang FOI bill sa harap ng pag-iinarte ng isang mambabatas.

Pero paulit-ulit bago ito, nagpahayag pa si Belmonte at Gonzales na nais nilang paspasan na ang debate sa plenaryo ukol sa panukalang batas. Isang saglit na naisip ng mga nagsusulong ng FOI baka seryoso na at hindi na nambobola ang dalawa ukol sa panukala.

Ngunit nailinaw nitong nakalipas na linggo: kasunod ng pambobola, narito na ang kutsabahan para patayin ang FOI bill sa bisa ng kapalpalpakan ng liderato, talamak na absenteeism ng maraming mambabatas, at pag-iinarte ng isa.

Umaalingasaw na ang amoy ng kamatayan ng FOI bill sa Kamara. Napanood na natin ang bodabil na ito nuong 14th Congress sa ilalim ni Speaker Prospero Nograles Jr., liban nga lang sa isang pagbabago ng script: Ang 15th Congress ni Belmonte ay pabalat-bungang naninindigan daw para sa FOI bill ngunit sabay din ang samu't saring palusot para pigilan ang pagsasabatas nito.

Matibay ang pruweba na binigo ng Kamara ni Belmonte ang mga mamamayan sa isyu ng FOI bill.

Una, dapat sana'y napigilan ang pag-iinarte ng mambabatas na nagkukuwestiyon ng quorum sa tuwing tatalakayin na ang FOI bill.

Ikalawa, ang Rules Committee na pinamumunuan ni Gonzales ay may kapangyarihang magdesisyon sa mga usaping nasa agenda ng Kamara. Wala itong ginawa para sa FOI bill na nasa agenda naman ng sesyon.

Ikatlo, ang kawalan ng quorum ay hindi dapat pinoproblema ng mga mamamamayang nagsusulong ng FOI bil. Napakalaki ng sweldo at napakataba ng pork barrel ng mga mambabatas at kapalit nito, minimum na obligasyon nila ang umattend sa lahat ng sesyon ng Kamara at gumawa ng batas. Ang pagdisiplina sa mga mambabatas na palagiang absent ay tungkulin nila Belmonte at Gonzales.

Ikaapat, dapat sana'y idineklara na nila Belmonte at Gonzales na urgent legislation ang FOI bill alinsunod sa Rule X, Section 52, ng House Rules, upang malinaw ang timetable para sa debate at botohan para rito.

At pinakamahalaga sa lahat, nuon pa ma'y dapat pinigil na nila Belmonte at Gonzales ang pagpapa-delay sa talakayan sa FOI bill mula sa Committee on Public Information ni Rep. Ben Evardone, upang hindi na kinapos ang panahon sa pagsasabatas nito.

Ang totoo'y dahil matagal na nagpatumpik-tumpik si Evardone, ang mga mambabatas na nagsusulong ng FOI bill ay nagsagawa na ng initiative ayon sa Rule IX, Section 37, Par. 1 ng House Rules. Pinapayagan nito ang pagsasagawa ng committee hearing, sa mosyon ng one-fourth ng committee members.

Nang makita ni Belmote ang notice of hearing ng mga mambababatas, nakiusap siyang hayaan na lang nila si Evardone na magtawag ng hearing sa FOI bill, kaya lalong nabimbin ang panukala,

Tatlong session days na ang nalustay, at anim na lamang ang natitira. Sa ngayon, tanging isang bagay lang ang makapagliligtas sa FOI bill: Sertipikasyon mula kay Pangulong Aquino na ito ay dapat maisabatas, agad-agad.

Tatlong taon nakalipas nuong 2010, bilang kandidato sa pagka-pangulo, nangako si Aquino na isusulong niya ang FOI bill at itututing itong top priority kapag siya'y naluklok sa
Westo. Ngayo't Pangulo na siya, at chairman pa ng namumunong Liberal Party coalition sa Kamara, may kapangyarihan at obligasyon siya na tupdin ang kanyang pangako, at iligtas ang isang batas na nagsusulong sa karapatan ng mga mamamayan sa impormasyon, at sa pamahalaang bukas at tapat -- mga karapatang garantisado ng Konstitusyon.

Kung hindi ito mangyayari, tila lumagapak na rin ang Pangulo sa isang napakahalagang pagsubok ng kanyang liderato, Kung siya'y di kikibo at kikilos, sa harap ng pagkitil sa FOI ng kanyang mga kapartido, tila sjya'y nagpapabilang na rin sa hanay ng nga pumatay sa FOI bill.

Ngayong araw na ito, muling magmamartsa sa Mendiola ang mga mamamayan upang idulog sa pintuan ng Pangulo ang FOI bill, nanlulumo, naghihingalo. Iligtas ang batas, kayang gawin ng Pangulo. Patayin ang batas, kaya ring gawin ng Pangulo. Sa ngalan ng Konstitusyon, ng mga mamamayan, at ng daang matuwid, isa lamang ang tamang aksyon: I-sertipika ng Pangulo na dapat isabatas ang FOI bill, agad-agad!