Wednesday, December 5, 2012

Kolektibong pagkalimot

Bro. Martin Francisco at mga katutubong Dumagat ng Bulacan.


 Malinaw ang mensahe ni Dr. Felipe De Leon ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) sa pagbubukas ng 2012 Dayaw Festival sa Bulacan noong Martes, Nobyembre 27 kung saan ay binigyang diin niya ang “collective amnesia’ ng bansa bilang pagsasalarawan ng sama-sama at patuloy nating pagkalimot sa nakaraan partikular na kontribusyon ng mga katutubo sa ating mga pamayanan.

 Ang pahayag na ito ay sumasalamin at nagpapaalala sa matandang kasabihan na “ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”

 Totoo, maraming interpretasyon sa kasabihang iyan, ngunit simple lamang ang  pananaw ni De Leon patungkol sa ating kolektibong pagkalimot sa kalinangan at kaugaliang ninuno,

“Napakarami nating matututunan sa mga katutubo,” ani De Leon samantyalang sa pahayag ni Pangulong Aquino ay sinabing, “ang ating kalinangan mula Luzon hanggang Mindanao ay naimpluwesiyahan ng mga katutubo.”

Bukod dito iginiit ni De Leon na ang kasalukuyang kaugalian at kalinangan nagting mga taga-kapatangan ngayon ay hiram mula sa ibat-ibang lahi na hindi sumasalamin sa kaisipan n gating mga ninunong Pilipino at Bulakenyo.

Isa sa katangian ng kalinangan ng ating mga ninuno ay ang pagiging mapagmahal sa kapayapaan at katarungan, sabi ni De Leon at iginiit pa na an gating mga ninuno ay walang kosepto ng digmaan, sa halip ito ay hatid ng mga mananakop na nagsamantala sa atig bayan at likas na yaman.

Ang katangian ito ay buhay at nanantili ngayon sa isang grupo ng Bulakenyo—ang mga katutubong Dumagat na kasalukuyang nananahan sa kabundukan ng Sierra Madre matapos na unti-unting umunlad ang mga Tagalog na unat angbuhok sa kapatagan na kanilang pinatuloy.

Ngunit nakapangangambang ang katangiang iyan na patuloy na isinasabuhay ng mga Dumagat ay tuluyang mabura sa diwa at kaisipan ng mga Bulakenyo dahil sa kabila ng tatlong araw na pagdiriwang ng Dayaw sa Bulacan na tinampukan ng mga katututbo mula sa ibat-ibang lalawigan at rehiyon ng bansa, ang mga katutubong Dumagat ay halos hindi man lamang sumagi sa isipan ng mga organisasdor ng pagdiriwang at sa mga namumuno sa lalawigan.

Ang kalagayang ito isang sampal sa mga namumuno sa lalawigan at mga nagsusulong ng kalinangang Bulakenyo na ipinagkanulo ng kanilang maikling pananaw dahil lumalabas na hindi kasali sa kanilang kalinangang isinusulong at pilit na pinauunlad ang kalinangan ng mga katutubong Dumagat ang itintuturing na mga orhinal na Bulakenyo.

Ang higit na masakit ay ang lumalabas na sabwatan ng mga namumuno sa pamahalaan at organisador ng pagdiriwang na hindi imbitahan ang mga katutubong Dumagat.  Iti ay nagpapahiwatig ng hindi pagkilala sa mga Dumagat at patuloy na pagtataboy sa kanila sa kabundukan ng pagkalimot. 

Wednesday, November 21, 2012

Tama na ang 153



Katulad noong isang taon, nananatili ang panawagan ng mga mamamahayag at mag-aaral sa Bulacan kay Pangulong Aquino upang kumilos at wakasan ang pamamaslang sa mga mamamahayag sa bansa.

Noong nakaraang taon, ang kabuuang bilang ng mamamahayag na pinaslang sa bansa mula 1986 ay 146.  Sa taong ito, ang bilang ay nadagdagan pa at ayon sa National Union of Journalists of the Philippines ay umabot na sa 153, hindi pa kasama ang brodkaster na si Julius Ceasar Cauzo na pinaslang sa Lungsod ng Cabanatuan sa lalawigan ng Nueva Ecija, may dalawang linggo pa lamang ang nakakaraan.

Ang kalagayang ito ay nagpapatunay na patuloy ang culture of impunity sa bansa at sumasalamin sa patuloy na pagkukulang ng administrasyong Aquino sa pagtupad ng kanyang pangako sa halalan noong 2010 kung kalian ay nagamit pa niya sa kanyang political advertisement ang ilang maybahay ng mga biktima sa Maguindanao Massacre.

Dahil dito, patuloy namin hinahamon ang kasalukuyang administrasyon sa pangunguna ng Pangulo ng Republika na bigyang kahulugan, kulay at hubog ang kanyang pangako, samantalang ipinapaalala rin namin sa kanya na matagal ng tapos ang kampanya na tinatampukan ng pangako ng mga kandidato.  Oras na upang kumilos at makinig at patunayan sa sambayanang Pilipino na “kami ang Boss mo.”

Bilang paalala rin sa Pangulo at kasapi ng kanyang admoinistrasyon, ang patuloy na pamamayagpag ng culture of impunity sa bansa at isang banta sa demokratikong ating pilit na itinataguyod at ipinakipaglaban sa noong 1896, 1945, at Edsa noong 1986.

Kung ang pamamaslang sa mga mamamahayag ay magpapatuloy, anong kinabukasan ang naghinhintay sa mga mag-aaral ng pamamamahayag ngayon, at maging sa susunod na salinlahing Pilipino kung ang mga tagapaghatid ng balita at katotohanan ay namumuhay sa mundo ng takot?

Tandaan natin na bilang tagapaghatid ng balita’t impormasyon, ang mga mamamahayag ay dapat manatiling malaya hindi lamang sa impluwensiya ng makakapangyarihang diyos-diyosan, kungdi ay maging sa banta ng karahasan at pananakot.

Upang matupad iyan, kailangan munang wakasan ang culture of impunity at di na sana masundan ang 153 na mamamahayag na pinaslang.  (END)

(Nagkakaisang pahayag ng mga mamamahayag sa Bulacan na inihanda ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan Chapter kaugnay ng paggunita sa ikatlong taon ng Maguindanao Massacre ngayong Nobyembre 23, na idineklara  ng International Free Expression eXchange (IFEX) bilang araw ng pagsasagawa ng International Day to End Impunity).


Tuesday, November 6, 2012

PROMDI: Dinastiya sa Bulacan




Mainit ang usapin ng political dynasty sa Senado dahil matapos pagtibayin ang Saligang Batas noong 1987, hanggang ngayon ay wala panganti-political dynasty law sa bansa.

Ito ay dahil sa ipinaubaya ng mga umakda ng Saligang Batas ang pag-akda ng anti-political dynasty sa Kongreso at Senado.
***
Sabi ni Father Pedring ng Leighbytes, imposibleng mapagtibay ang anti-political dynasty law sa Kongreso at Senado.

Hindi raw kukuha ng batong ipupukpok sa ulo ang mga Kongresista at mga Senador.
***
May punto si Father Pedring dahil sa mga panukalang batas sa anti-political dynasty ay hindi sumasakop sa mga kasapi ng Kongreso at Senado.

Ayon kay Father Pedring, mukhang above the law ang mga Kongresista at Senador.
***
Kung hindi idadamay ang mga kasa;pi ng dalawang mataas na kapulungan ng bansa, lumalabas na ang mga mambabatas natin ay bulag.

Hindi siguro nila nababasa ang apelyido ng mga dati at kasalukuyang kasama sa Senado.
***
Ilan sa mga apelyidong pamilyar ay Cayetano, Ejercito. May pagkakataong pang nag-abot sa panunungkulan angmga senador na apelyidong ganyan.

Yung iba naman ay nais palitan ang kanilang ama.  Tulad ng mga Angara, Villar at Enrile.
***
Ang kalagayang ito ay parang nireresiklo na lamang.  Hindi ba’t sa mga naunang Senado ng bansa ay nanungkulan ang mga Senador na may apelyidong Roxas, Aquino, Marcos.

Ayon sa ilang komentarista, lumalabas na isa sa katangian ng pamumuno sa pulitika sa bansa ay ayon sa bloodline o kadugo.
***
Nangyayari rin iyan sa larangan ng lokal na pulitika, partikular sa Bulacan.

Kulang na lamang ay bumuo sila ng partido pangpamilya. Pwede nilang tawagin iyon na Lapiang Kapamilya, o kaya ay Alyansa ng Magkakamag-anak (Alma)
***
Ayon sa kuwento ng matatanda, ang magkakapamilya sa lalawigan ay karaniwang naghahalinhinan sa posisyon.

Pagkatapos ni tatay ay si nanay o kaya ay si Junior o si Ate. Kung minsan kasabay pa ang manugang, biyenanan, pamangkin, apo, pati kalaguyo.
***
Ngunit sa pagpasok ng bagong milenyo, nagsimula na ring magbago ang larangan ng pulitika sa Bulacan.

Hindi lang halinhinan ang sistema, magkatandem pa.
***
Nauna riyan ang mag-lolong Meneses sa bayan ng Bulacan, na sinundan ng mag-amang Buencamino sa San Miguel.

Nagtagumpay ang maglolo sa Bulacan, ngunit ang mag-ama sa San Miguel ay hindi.
***
Sa bayan ng Norzagaray, magtatangka naman sa halalan sa 2013 ang mag-amang Legazpi na kandidato bilang aklade at bise alkalde.

Pero sa San Ildefonso ay labo-labo ang pamilya Galvez sa pagka-alkalde.
***
 Ang laban ng pamilya ay nagsimula noong 2010 auomated elections sa Ikatlong Distrito ng Bulacan.

Naglaban noon bilang kongresista ang mag-amang Silverio, pero ang nanalo ay ay dating Gob. Jonjon Mendoza.
***
Si Mendoza ay benipisaryo ng kanyang kapatid na si dating Gob. Josie Dela Cruz na huling nanungkulan noong 2007.

Umaasa namang makikinabang din ang kanilang mas nakababatang kapatid na si Doc Pete na kandidatong kongresista sa ikalawang distrito ng Bulacan.
***
Si Kint. Marivic Alvarado naman ay sumunod sa kanyang asawa na si Gob. Wilhelmino Alvarado na dating kongresista ng unang distrito.

Si Gob Alvarado ay dating alkalde ng Hagonoy, ngunit hindi nanalong alkalde sa nasabing bayan ang kanyang may bahay.  Sa halip nahalal siya na bise alkalde noong 2004 at nanungkulang hanggang 2007.
***
Sa bayan ng Balagtas, sinundan ni Mayor Romeo Castro ang kanyang kapatid; at sa bayan ng Baliwag, tatangkain ng anak ni Mayor Romy Estrella na humalili sa kanya.

Gayundin sa Plaridel kung saan ay nais ng anak ni Mayor Tessie Vistan na humalili sa kanya.  Si Mayor Vistan ay humalili sa kanyang yumaong asawa na si Jaime.
***
Gayundin sa bayan ng Calumpit, ang kapatid ni Mayor James De Jesus ang inendorso niya na kandidato ng koalisyon.

Sa lungsod ng Meycauayan, hangad ni Mayor Joan Alarilla ang ikatlong termino.  Siya ang humalili sa kanyang asawa na si ex-Mayor Eddie, na pumanaw may dalawang taon na ang nakakaraan.

Huwag pabobola




Anim na buwan bago maghalalan, ngunit ngayon pa lamang ay kumikilos na ang ilang kandidato upang manuyo ng mga botante sa pagtatangka na makamit ang kanilang boto.

Ibat-iba ang kanilang ginagamit na pamamaraan kung saan ay masasalamin ang dalawang bagay.  Una ay ang pagiging malikhain ng mga kandidato; at ang ikalawa ay kahinaan o pagiging marupok ng mga botante.

Ang una ay batay sa mahabang paghahanda ng mga kandidato kung saan ay kabilang ang pag-aaral sa kalagayan ng mga taong kanilang susuyuin. Ang pag-aaral na ito ay karaniwang nakatutok sa kahinaan ng mga botante, na matapos matukoy ay  pinaghahandaan ng eksaktong mensahe at impormasyon kung saan ay lalabas na bayani ang pulitiko na maghahatid ng solusyon sa suliranin ng pamayanan.

Kadalasan, ito ay nakatutok sa mga hadlang sa mga pangarap ng mgamamamayan katulad ng suliranin sa trabaho, o kaya ay sa edukasyon at kalusugan.

Ang mga suliraning ito ay hindi na bago dahil sa mga nagdaang halalan ay kanila na itong idiniga sa mga botante sa mga nagdaang kampanya sahalalan, dangan nga lamang at maikli ang ating alaala at hindi  na natin matandaan, dahil na rin sa dami ng ating iniisip o dili kaya aynalibang tayo ng pang-aalliw ng ibang kandidato noon.

Sa madaling salita, muli silang mangangako at muli ring mapapako ang mga pangakong iyon.  Matatapos ang kampanya, mahahalal sila at matatapos ang termino upang  ,angampanya uli.  Umunlad sila, ngunit tayo ay hindi.

Huwag tayong padadaya sa ating nakikita.  Kung maganda ang sasakyan ng pulitiko, ito ay nangangahulugan na sila lamang ang umunlad at tayo ay hindi. Pero ang kanilang karaniwang mensahe sa kampanya ay umuunlad an gating bayan at lalawigan.

Ang mensaheng ito ay kabalintunaan ng katotohanan at kasalukuyang kaganapan.  Paano nila nasabing umunlad ang lalawigan kung ang ating mangggagawa ay sa ibayong dagat nagsisipagtrabaho at hindi sa lalawigan.

Isang halimbawa diyan ay si Florentino Santiago ng Pandi na nasawi noong Nobyembre 1 sa pagsabog ng isang tanker truck sa Riyadh Saudi Arabia.  Mula pa 2008 ay doon na nagtatrabaho si Santiago.

Isa sa magandang batayan ng kaunlaran ng lalawigan na dapat natin isa-isip ay kung may sapat na oportunidad sa pangakaraniwamng mamamayan ng dakilanmg lalawigang  ito upang maghanapbuhay at umunlad dito at at hindi sa ibayong dagat bilang overseas Filipino workers (OFWs).

Kung ang oportunidad sa kaunlaran ay nanatiling malayo sa kamay nating mga pangkaraniwang mamamayan, nangangahulugan lamang na namumuno sa atin at hindi sapat ang ginagawa.

Paalala lamang po. Magisip tayo ay magsuring mabuti.  Huwag pabobola sa mga kandidato, sa halip at isulong natin ang makabuluhang halalan sa 2013.  (END)

Monday, October 29, 2012

Pinabayaang yaman



Sa paggunita ng ng Araw ng mga kaluluwa at mga yumao sa taong ito, nais ng Mabuhay na tawagin ang pansin ng mga namumunong lingkod bayan sa sa lalawigan sa pangangalaga sa mga libingan.

Ito ay dahil sa ang mga pampublikong libingan o sementryo ay isang bahagi ng pamayanan na hindi nabibigyang ang pansin ng maraming namumunong lingkod bayan na ngayon ay nagsisimula na namang manuyo sa mga mamamayang botante.

Masakit isipin ang pahayag ng isang residente ng Hagonoy na ang dahilan kung bakit hindi nabibigyan pansin ang pangangalaga sa mga pampublikong libingan ay dahil sa mga patay ang nakahimlay doon at ang hinahanap ng mga lingkod bayang haharap sa halalan ay buhay na botante.

Ang kaisipang nabanggit ay tumutukoy sa maikling pananaw at pansariling interes ng mga lingkod bayan, at hindi sa pagbibigay halaga sa kapakanan ng sambayanan.

Kung totoong ang nasa isip ng mga kandidatong lingkod bayan ay mga buhay na botante at hindi ang himlayan ng mga yumao, dapat silang mag-isip at baguhin ang pananaw.

Ito ay dahil sa ang mga libingan ay hindi lamang himlayan ng mga yumao, sa halip ay isang tahanan ng mga yamang pangkalinangan na kung pag-aaralan ay makakatulong sa kasalukuyan at susunod na salinlahi sa pag-unawa sa kalinangan at buhay ng nagdaang panahon.

“Time pieces,” ito ang ginamit na mga kataga ni Jaime Corpuz sa paglalarawan sa kahalagahan ng mga pigura iskultura sa Sto. Cristo Catholic Cemetery sa bayan ng Baliwag.

Ito ay nangangahulugan na dapat pangalagaan ang mga nasa loob ng mga sementeryo sa mga tumatampalasan at maging sa epekto ng climate change sapagkat angmga iyon ay magsisilbi hindi lamang palatandaan ng nagdaang panahon, kungdi batayan ng pag-unawa sa ating pambayang kalinangan.

Bukod sa mga mahahalagang istraktura at iskultura sa mga libingan, hindi rin maitatanggi sa doon nakahimlay ang ating mga ninunong bayani na nagbuwis ng buhay para sa ating kasarinlan bilang isang bansa at malayang bayan.

Sa diwang ito, hinahamon ng Mabuhay ang mga namumuno at susunod na lingkod bayan sa lalawigan na bigyan ng pansin ang mga pampublikong libingan sa pamamagitan ng pagbuo ng programa at paghahanda ng pondo bukod sa pagbuo ng mga grupo na magsasagawa ng pag-aaral at imbentaryo sa mga yamang pangkalinangang doo’y unti-unting winawasa ng kapabayaan at kawalan ng pakialam sa mayamang kalinangan ng samabayang Bulakenyo.

Promdi: Lakbay-kaluluwa



Bilang isang mamamahayag, naging tradisyon na ng Promdi bawat taon ang pagsasagawa ng “lakbay-kaluluwa.”

Ooops, buhay pa po ang Promdi, hindi lumalayo ang aking kaluluwa sa aking katawan.
***
Ang tinutukoy kong lakbay-kaluluwa ay ang pagtungo sa ibat-ibang sementeryo bawat taon.

Bahagi po kasi ng news coverage. Kaya, cover dito, cover doon.(Hindi po TNT o tago-ng-tago.)
***
Layunin po ng news coverage na iyan ay maipakita ang kalagayan ng mga paghahanda sa mga sementeryo kung panahon ng undas.

Maging ang mga kasalukuyan at mga nagdaang gawi o pamamaraan ng mga Bulakenyo sa paggunita ng undas.
***
Ito ay sa paghahangad na mailarawan at maipaunawa na ang undas para sa mga Pilipino ay konektado sa pamilya.

Sa mga Pilipino po kasi, ang undas ay nagsisilbing “reunion.”
***
Pero sa tradisyon ng Simbahang Katoliko, ang undas o Araw ng mga Santo (All Saints Day) ay isa sa pinakabanal na araw.
 
Sa araw pong iyan ginugunita ng simbahan ang lahat ng pumanaw na santo o mabuting kristiyano.
***
Kung mapapansin ninyo, ang bawat araw sa kalendaryo ay may katumbas na araw ng piyesta o paggunita sa isang yumaong santo.

Kaya po noong mga nagdaang panahon, kapag walang maisip na pangalan ang magulang sa bagong silang sa sanggol ay sa kalendaryo sila kumukuha ng araw.
***
Tulad po ng Promdi, ang pangalan kop o ay hango kay San Bernardino na ang piyesta at ipinagdiriwang kapag Mayo 20.

Iyon po ang kaarawan ng ikatlong anak ng amang at inang ko.
***
Kaya po noong araw, kapag wala sa kalendaryo ang pangalan mo, sasabihin sa iyo, hindi ka pa nabibinyagan.

Pero ngayon, hindi na sa kalendaryo ibinabatay ang pangalan ng mga sanggol.
***
Balikan natin ang aking paglalakbay kaluluwa. Kung saan-saang pong libingan ngapupunta ang Promdi.

Siyempre, kasama na diyan ang pagmamasid at pagkuha ng larawan.
***
Ilan sa mga kapansin-pansing pagbabago sa mga nagdaang taon ay ang mga kulayng pintura sa mga nitso.

Dati ay kulay puti lang o kaya abuhin dahil kalburo ang ginagamit.

***
Ngayon ay iba na.  Rainbow colors na ang gamit na pintura s amga nitso.

May pula, asul, berde, dilaw, orange,itim, ube,  at iba pang nagpapatingkarang kulay. Parang color coding.
***
Kapansin pansin din ang pagkawala ng mga rehas na bakal sa mga puntod.

“Kinakahoy” daw kasi at ibinibenta sa magbabakal.
***
Sa mga bayan sa coastal area ng Bulacan, marami naman angmga underwater tombs.

Ito ay dahil sa hightide o tubig ulan na hindi makalabas ng sementeryo dahil walang padaluyan ng tubig o kanal palabas.
***
Sa mga pampublikong libingan, hindi maitatanggi ang kawalang kaayusan.

Ito ay dahil sa sali-saliwa ang hanay ng nitso. May magkaharap, may nakatagilid at nakatalikod. Pati mga pasilyo ay mayroon ding mga nakasingit.
***
Siyempre, tiyak na napapansin din ninyo ang sanitasyon sa loob ng mga pampublikong libingan, lalo na kung kayo ang naglinis ng puntod ng ingyong mahal sa buhay.

Kung minsan ay ginagamit na palikuran ng mga nakatira sa gilid ng libingan ang mga puntod.
***
Kapansin-pansin din ang agawat ng mahihirap at mayayamang pamilya sa kalagayan ng puntod ng kanilang mahal sa buhay na pumanaw.

Yung sa mayayaman, parang bahay, may bubong pa. Yung sa mahihirap, nanduon sa isang sulok.
***
Maging sa mga kandilang gamit, mapapansin mo ang mayaman at mahirap. Ang iba naman ay praktikal lang.

Payat  ang kandilang itinulos dahil sandal lang sila, yung iba ay mataba na nasa bote dahil gagamitin sa bahay kapag brownout.
***
Parang wala na rin yung mga kandilang may disenyong dragon sa gilid.

Pero dumarami naman ngayon ang mga kandilang ibat-iba ang kulay; at hindi pa rin nawawala ang mga batang nag-uunahan sa pagiipon ng tulo at naupos na kandila para gamiting floorwax sa paaralan o kaya ay ibenta sa nagreresiklo ng kandila.  (Dino Balabo)

Friday, October 26, 2012

Kakaibang halalan


 
Kakaiba ang nalalapit na halalan sa 2013 kumpara sa nagdaang mga halalan, lalo na sa Bulacan kung saan isinilang ang unang demokratikong republika at isinagawa ang kauna-unahang malayang halalan.

Mula sa pagtatapos ng pagsusumite ng mga kandidato ng Certificate of Candidacy (COC) noong Oktubre 5 ay bibilang pa ng mahigit sa pitong buwag bago maghalalan.  Ito ay nangangahulugan ng mas mahabang panahon para sa mga kandidato upang magpakilala at ilatag ang kanilang mga plataporma de gobyerno.

Sa hanay ng mga botante, ito ay nangangahulugan naman ng mas mahabang panahon upang kilalanin, suriin, kilatisin at kaliskisan ang bawat kandidatong nangangangarap at nangangakong maglingkod sa kanila.

Ang kalagayang ito ay taliwas sa mga nagdaaang halalan kung kailan ay halos dalawang buwan lamang ang itinakda para magpakilala at maglatag ng plataporma ang mga kandidato.  Dahil sa maikling panahon, hindi nailalatag ang buong plataporma, sa halip ay puro porma lamang ang ginagawa ng mga kandidato.

Hindi rin nabibigyan ng sapat na panahon ang mga botante upang magsuri, kaya’t pagdating sa araw ng halalan ay yung lamang ng mga popular at may kasamang artista at iba pang sikat na tao ang  ibinoboto.

Para sa mga bumubuo ng Mabuhay, ang mahabang panahon para sa pagkandidato ay hindi isang aksidente.  Sa halip, ito ay isang akda ng langit upang ang bawat botante ay mabigyan ng pagkakataon na gamitin ang kanyang isip upang magsuri at kailalin ang mga taong nais niyang maglingkod sa bayan.

Sa diwang ito, ang pahayagang Mabuhay ay kumilos na upang tumulong sa mga botante na makilala ang kanilang mga kandidato sa pamamagitan ng paghahatid ng impormasyon sa pamamagitan ng pahayagang ito at ng internet kung saan matatagapuan ang Facebook account na Mabuhay Newspaper (www.facebook.com/mabuhaynews), Facebook fan page na Mabuhay Newspaper-Bulacan (www.facebook.com/page/Mabuhay-Newspaper-Bulacan), at ang website na Mabuhay Online (www.mabuhayonline.blogspot.com).

Katulad ng inimprentang pahayagang ito, ang mga pahina ng Mabuhay sa internet at tigib ng mga impormasyon at larawan patuingkol sa mga kandidato at pulitika sa dakilang lalawigan ng Bulacan.

Ang mga impormasyong nakatala sa mga pahinang iyon ay itinataguyod ng mga tao sa likod ng Mabuhay at mga sangay nito sa layuning makatulong sa bawat botante para sa matalinong pagboto sa Mayo 2013.

Bahagi ng pagtataguyod na ito ay ang pagkilala ng Mabuhay sa mga tala ng kasaysayan na sa Malolos unang isinilang ang isang demokratikong republika noong Enero 1899, at sa bayan ng Baliwag unang isinagawa ang malayang halalang pambayan noong Mayo 7, 1899.

Dahil sa mga talang ito na nagmarka sa mukha ng kasaysayan ng Bulacan, higit na hamon an gang nakapatong sa balikat ng sambayanang Bulakenyo na tiyaking patas, malinis, tapat at makabuluhan ang nalalapit na halalan.

Huwag nating ipagwalang bahala ito.  Angkinin natina ng responsibilidad bilang isang lalawigang nagsilbing duyan ng demokrasya sa nakaraan, sa kasalukuyan at sa darating na panahon.